Inday TrendingInday Trending
Tamad at Palaasa sa Magulang ang Binata; Isang Simpleng Empleyado ang Nagmulat sa Kaniyang mga Mata

Tamad at Palaasa sa Magulang ang Binata; Isang Simpleng Empleyado ang Nagmulat sa Kaniyang mga Mata

“Niko, nandito ang Tita at Tito mo. Lumabas ka muna riyan!” sigaw ng kaniyang ina.

Mula sa pagkakahiga sa kama, agad siyang tumayo at lumabas ng kwarto. Tama nga ito, naabutan niya ang dalawang bagong dating na kamag-anak. Base sa mga gamit na dala ng mga ito, mukhang balak na manatili muna sa kanila ng ilang araw.

Magmamano sana siya pero natigilan nang marinig ang magkakasunod na tanong ng kaniyang Tita Amelia.

“Bakit ka nandito? Wala ka bang trabaho? Akala ko ba ay ipapasok ka ng kaibigan mo sa kompanyang pinagtatrabahuan niya?” nakasimangot na tanong ng kaniyang tiyahin.

Napakamot na lang siya sa ulo at bahagyang napangiwi.

“Ilang araw lang po akong nagtrabaho don. Hindi ko gusto ang kompanya at mahirap ang ginagawa nila kaya umalis din po ako agad,” pagdadahilan niya.

“Wala namang madaling trabaho, Niko. Heto na nga’t binigyan ka na ng magandang oportunidad pero sinayang mo pa. Ano na ba ang balak mo niyan? Habang buhay ka na lang bang aasa sa mga magulang mo?” tanong ulit nito.

Lihim siyang umirap. Nakaramdam siya ng inis sa naririnig na komento mula sa tiyahin.

“Ano bang magagawa ko kung hindi ko gusto ang trabaho na iyon? Alangan namang manatili ako kahit na labag sa loob ko, Tita,” sagot niya pabalik.

“Hindi naman iyon ang sinasabi ko. Ang akin lang, ilang buwan ka na bang bakante sa trabaho at nakahilata diyan sa kwarto mo? Ni minsan ba sinubukan mong maghanap ng ibang trabaho?” patuloy nito.

Natigilan siya at napaisip. Halos mag-iisang taon na magmula nang umalis siya sa huling trabaho at kahit kailan ay hindi niya sinubukang maghanap ng ibang pagkakakitaan. Kung minsan ay inaalok siya ng mga kaibigan pero parati niyang tinatanggihan. Para sa kaniya, mas gugustuhin niya pang mahiga kaysa mapagod at mahirapan sa trabaho na hindi niya naman gusto.

Nakuha man niya ang punto nito, mas nanaig ang kaniyang inis dahil sa sinasabi nito.

“Mawalang galang na po pero bakit ba kayo nangingialam? Kung sina Nanay at Tatay nga hindi nagrereklamo, kayo pa kaya?” tanong niya sa mataas na boses.

Nakita niya ang gulat sa mukha ng tiyahin.

“Porke’t hindi nila sinasabi, ibig sabihin hindi na sila nahihirapan. Matatanda na ang mga magulang mo. Hindi mo ba naisip na imbes na tulungan mo sila e mas lalo ka pang nagiging pabigat?” pahayag ng tiyahin.

Hindi niya maiwasang masaktan sa narinig lalo na nang hindi man lang siya pinagtanggol ng kaniyang ina. Tahimik lang itong nakikinig. Mukhang sadya talaga nitong pinapunta ang tiyahin niya para kausapin siya.

“Totoo ba, ‘Nay? Pabigat ba talaga ako sa inyo?” tanong niya sa ina sa galit na tono. Mas lalo pang dumoble ang galit niya nang hindi ito sumagot at nanatiling nakayuko.

“Kung ganoon pala e aalis na lang ako sa bahay na ‘to! Mas mabuti pang magkalimutan na lang tayo. ‘Wag kayong mag-alala, sisiguraduhin kong makakahanap ako ng trabaho para hindi na ako aasa pa sa inyo. Kung tutuusin, hindi ko naman kasalanan kung bakit ako ganito. Hindi ba’t hindi niyo naman ako nagawang patapusin ng pag-aaral?” sarkastiko niyang pasaring bago tinalikuran ang mga nakatatanda.

Masamang-masama ang loob ni Niko. Maaaring may kasalanan siya kung bakit hirap siyang makahanap ng trabaho pero hindi lang naman dapat siya ang pwedeng sisihin, kundi pati na rin ang mga magulang niya na bigong bigyan siya ng magandang buhay. Hindi tuloy niya magawa ang kahit na anong gustuhin niya dahil kulang siya sa kwalipikasyon.

Nagdadabog siyang lumayas ng bahay. Nang makaramdam ng gutom, naglakad papunta sa isang tindahan at pumasok sa loob para bumili ng pagkain.

Abala siya sa pamimili ng bibilhin nang isang empleyado ang nakabangga sa kaniya, dahilan upang mahulog ang lahat ng dala nito. Taranta itong yumuko para damputin ang mga iyon.

“Ano ba! Hindi mo ba nakikita ang dinadaanan mo?!” pikon niyang tanong lalo na nang makita niyang nadumihan ang suot niyang damit.

Hindi niya maiwasang ibunton dito ang galit na nararamdaman para sa mga kamag-anak.

“S-sorry po, Sir. Hindi ko po sinasadya,” pahayag nito nang makuha ang lahat ng nagkalat sa lapag.

Doon niya lang napansin na mayroon itong saklay. Hindi ito makatayo nang tuwid. Napagtanto niyang mayroon itong kapansanan.

“Pilay ka pala. Bakit ka pa kasi nagtatrabaho sa lagay mong ‘yan? Imbes na makatulong ka sa kapwa mo, nakaka-perwisyo ka pa. Dapat sayo sinesesante!” inis na sikmat niya sa nakabangga.

Nanlaki ang mata nito sa gulat. Kabado itong lumapit at nakiusap habang nangingilid ang mga luha.

“Sir, ‘wag naman po! Hindi po ako pwedeng matanggal sa trabaho. Ako lang po ang inaasahan ng mga magulang ko. Kaya kahit hirap na hirap ako dahil sa kapansanan ko, pinilit kong makapasok dito. Swerte na nga po’t tinanggap ako kahit na ganito lang ako. May kapansanan na, hindi pa nakapag-aral,” pakiusap nito.

Nang hindi siya magsalita ay tuluyan na itong napaiyak habang patuloy sa pakikiusap.

Ngunit nang maisip niya ang sitwasyon nito ay nanlamig siya sa narinig. Unti-unti siyang binalot ng hiya nang mapagtanto kung gaano siya kaswerte kumpara sa lalaking nasa harapan.

Siya itong walang kapansanan at normal ang buhay, siya itong walang ginagawa para maabot ang pangarap at umaasa pa rin sa mga magulang. Kaya’t anong karapatan niyang husgahan ito dahil lang sa kapansanan nito?

“Pasensya ka na. May iniisip lang ako, nadamay ka pa sa akin,” aniya nang makabawi. Balot ng hiya ang buo niyang pagkatao.

Tumango ang lalaki habang panay ang pasasalamat. Nagpaalam na ito sa kaniya para asikasuhin ang bagong dating na kustomer.

Habang pinapanood niya itong magtrabaho kahit na iika-ika, hindi niya mapigilang humanga.

Pag-uwi ni Niko ay naabutan niya ang kaniyang ina at tiyahin na nag-aalala. Bago pa siya nagsalita ay narinig niya na ang kaniyang tiyahin.

“Pasensya ka na, Niko. Masakit ang mga sinabi ko. Hindi ko man lang inisip ang damdamin mo…” anito.

Hinawakan niya ang kamay ng tiyahin.

“Sorry sa mga sinabi ko, Tita. Ako po ang may kasalanan. Napag-isip-isip ko na ako nga ang dapat sisihin. May mga tao na may tunay na dahilan para hindi magtrabaho, pero sige pa rin ang kayod nila para sa pamilya. Masyado po akong umasa kina Nanay at Tatay,” hinging paumanhin niya tiyahin.

Bumaling siya sa ina.

“Sorry po, ‘Nay. Hindi po tama na sinumbatan ko. Makakahanap po ako ng trabaho kahit hindi ako tapos kung gugustuhin ko…” wika naman niya sa kaniyang ina.

Dahil sa nangyari ay naging masigasig sa paghahanap ng trabaho si Niko. Hindi lang iyon, nang matanggap siya ay nagsipag siya at pinahalagahan ang kaniyang trabaho.

Hindi nagtagal ay na-promote siya at nagkaroon ng maayos na sweldo, dahilan upang kahit paano ay makapag-abot siya ng pera sa kaniyang mga magulang. Unti-unti niyang nakita ang pag-angat ng buhay nila.

Nabibili na niya ang gusto niya, at nabibilhan niya na ang magulang ng mga bagay na wala sila noon.

Nakita niya ang saya ng mga magulang dahil sa pagbabago niya, ngunit mas masaya si Niko.

Tunay nga walang hadlang sa taong masigasig. Sabi nga ng isang sikat na kasabihan na madalas niyang marinig mula sa kaniyang ina noon pa man, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

Advertisement