Nanloko Siya Upang Matustusan ang Pag-aaral ng Anak; Ano ang Kahihinatnan ng Kasalanan Niya?
Kay laki ng ngiti ni Robert. Mukhang malaki kasi ang kikitain niya sa kausap niyang kustomer na nagnanais na bumili ng tinda niyang cellphone online.
“Sure po ba na maayos ‘to? May kamurahan kasi ang presyo kumpara sa iba. Pang-regalo ko sana sa anak ko na ga-graduate,” anang mensahe nito.
Mabilis siyang nagtipa ng mensahe.
“Sigurado ho, Sir. Mura ho sa akin dahil rekta mula sa pabrika ang suplay ko. Ang galing naman po, parehas pala na magtatapos ang mga anak natin. Plano ko rin nga ho na ibili siya ng parehong regalo,” sagot niya pa na may halong pambobola.
May katotohanan naman ang sinabi niya. Ilang araw na lang at magtatapos na ang anak niya na si Miggy sa kolehiyo. Sa wakas, makakahinga na siya nang maluwag.
Siguro ay maaari na rin siyang magbagong buhay at tumigil na sa panggagantso. Ayaw niya naman na malaman pa ng anak niya ang gawain niya at ikahiya siya nito.
Napahinto siya sa pagmumuni-muni nang tumunog ang hawak niyang cellphone, hudyat na may panibagong mensahe.
Napasuntok siya sa hangin nang mabasa ang sagot ng kustomer. Mukhang tuluyan na niyang nakuha ang loob nito.
“Sige, kukuha ako ng isa. Ipapadala ko sa’yo ang kinse mil bago matapos ang araw,” anito.
“Sige Sir. Kapag ho natanggap ko na ang pera, ipapadala ko na sa’yo agad-agad,” masayang sagot niya.
Gaya ng sabi ng kustomer, tanghali pa lang ay pumasok na ang pera. Gaya ng nakagawian ay kumuha siya ng isang piraso ng kahoy, isinilid iyon sa isang kahon ng cellphone na nabibili niya sa murang halaga, at ipinadala iyon sa address ng kustomer.
Kinahapunan, agad siyang nakatanggap ng sunod-sunod na mensahe mula sa kustomer. Galit na galit ito.
“Tarant@do ka! Nagkamali ka ng niloko! Hahanapin kita at ipapa-pulis kita!” anang isa sa mga mensahe nito.
Nagkibit balikat na lang si Robert bago tuluyang ibi-nlock ang numero nang hindi na siya makatanggap ng anumang mensahe mula rito.
Nakaramdam man ng bahagyang sundot ng konsensya ay ipinagsawalang bahala niya iyon.
“Konti na lang at hihinto na ako. Makatapos lang sa kolehiyo si Miggy, hihinto na ako. Mababaon na sa limot ang lahat.” Iyon ang madalas niyang katwiran sa sarili.
Kinagabihan, habang kumakain sila ng hapunan ay nakangiti niyang iniabot sa anak ang sobre ng pera.
“Anak, pambayad mo sa eskwelahan,” aniya.
Takang binuklat nito ang laman ng sobre at nanlaki ang mata sa nakita.
“‘Tay, saan n’yo nakuha ang pera na ‘to? Baka nangutang pa ho kayo, ha!” tila nag-aalalang bulalas nito habang binibilang ang pera.
Agad siyang umiling. Ayaw niyang bigyan ito ng pagdududa.
“Inipon ko ‘yan, kaya ‘wag kang mag-alala. Ang sobra sa pera, ipambili mo ng bagong damit, o sapatos, para may maayos ka na susuotin,” paliwanag niya.
Halos hindi ito makahuma sa pasasalamat. Alam niya kasi na ilang araw na rin nitong pinoproblema ang pambayad nito sa eskwelahan, na aksidente niya lang na natuklasan nang marinig niya ang pakikipag-usap nito sa telepono.
Sa wakas ay dumating ang araw na pinakahihintay ng mag-ama. Ang pagtatapos ni Miggy.
Walang pagsidlan ang tuwa sa puso ni Robert habang binabanggit ang pangalan ng kaniyang anak sa mga listahan ng magtatapos.
Sa wakas, nagbunga na ang lahat ng pagsisikap niya!
Sabik silang umuwi dahil sa bahay ay naghihintay ang isang malaking salo-salo kung saan ipagdiriwang nila ang pagtatapos ng anak.
Sinalubong sila ng malakas na palakpakan. Naroon ang ilan nilang kamag-anakan, maging ang mga kapitbahay nila, kasama ang mga kumpare niya.
May sapat na pagkain at inumin para sa lahat, at ang lahat ay masaya. Masaya ang lahat para kay Miggy, habang hindi naman matapos-tapos ang papuri kay Robert.
“Biruin mo ‘yun, pare, napagtapos mo si Miggy nang ikaw lang mag-isa? Nakakabilib ka!” ani Temyong, isa sa mga kapitbahay nila.
Hanggang sa isang hindi inaasahang bisita ang dumating.
Kasalukuyan silang nagkakantahan nang humahangos na nilapitan siya ng kapitbahay na si Tinay.
“Mang Robert! May mga pulis po sa labas, hinahanap kayo!” nandidilat ang matang pagbabalita nito.
Nang lumabas si Robert ay mayroon ngang mga pulis.
“A-ano hong atin, Ser?” kabadong usisa niya.
“Kayo ho ba si Roberto Salas?”
Nang tumango siya, ganoon na lang ang gulat niya nang posasan siya ng kaharap na pulis.
“Sa wakas, nahuli rin kita! Tapos na ang maliligayang araw mo,” nakangising bulalas nito.
Noon niya napag-alaman na ang huling taong naloko niya ay isa palang pulis! Hindi ito tumigil sa pag-iimbestiga hangga’t hindi nito natutunton ang tunay niyang pagkatao.
Tahimik na sana siyang sasama sa pulis nang marinig niya ang tinig ng kaniyang anak.
“‘Tay? Ano ho’ng ibig sabihin nito? Bakit ho hinuhuli kayo ng pulis?” naguguluhan na usisa nito.
Bago pa siya makaimik ay nagsalita na ang pulis.
“Scammer ang tatay mo, hijo. ‘Wag mong tutularan,” anito, bago pahapyaw na ikinuwento kay Miggy ang kaso niya.
Tila siya natulos sa kaniyang kinatatayuan, humihiling na sana ay bumuka ang lupa at isama na siya dahil sa matinding kahihiyahan na dinadanas.
Tila may matalim na bagay ang tumar@k sa dibdib niya nang makita niya ang pagtulo ng luha ng anak.
“Hindi ako makapaniwala na sa masama pala galing ang pangtustos mo sa pag-aaral ko, Tatay…” anito.
Laylay ang balikat na sumakay sa pulis patrol si Robert. Ang masayang okasyon sana ay nauwi sa kahihiyan at pagkadismaya. Sa puso niya ay naroon ang labis na pagsisisi. Naroon ang maraming “sana.”
Sana pala ay pinili niyang kumita nang marangal.
Sana ay hindi siya nanloko.
Inakala niya na maililihim niya ang kasalanan, ngunit tadhana na mismo ang nagturo sa kaniya ng leksyon.
Wala siyang ibang magawa kundi ang magsisi habang pinagbabayaran ang mga nagawa niyang kasalanan.