Gustung-Gusto ng Dalaga ang Guwapong Sundalo Kaya Tinangka Niya Itong Akitin; Paano Kung Malaman Niya na Ikakasal na Pala Ito?
Tatlong taon nang sumakabilang buhay ang ina ni Lexi dahil sa kumplikasyon nito sa baga, kaya naman ang kaniyang ama na isang heneral sa Philippine Army na lamang ang nagpalaki sa kaniya.
Nag-iisang anak lamang ang dalaga, kaya mahal na mahal siya ng kaniyang ama. Halos lahat ng gustuhin niya ay ibinibigay nito, mamahaling gadgets, mga damit, sapatos at iba pa. Sa kabila ng lahat ng iyon ay naging mabuting anak ang dalaga at hindi naging pasaway.
“O, bagay na bagay sa iyo iyan!” tuwang-tuwang sabi ng matalik niyang kaibigan na si Maui. Hawak-hawak nito ang isang kulay kahel na bestida na sobrang iksi at malalim ang tabas sa bandang dibidib, sapat na upang mabuyangyang ang malaki niyang hinaharap.
“Naku, ‘di ba ako magmumukhang p*kpok nito?” naiilang na wika niya, hindi niya maitatangging maganda ang damit at gusto rin niya ang kulay niyon kaya lang ay sobra naman yatang mal*swa iyon.
“Loka! Hindi kaya! Bagay na bagay sa iyo ito! Kung gusto mong maging successful ang balak mo mamaya ay ito ang suotin mo. Hindi naman siguro uuwi nang maaga ang papa mo, ‘di ba?” paniniguro nito.
Mamayang gabi ay may gaganaping party sa bahay nila. Inimbitahan niya ang lahat ng kaklase niya, ilang araw na lang ay gagradweyt na sila sa kursong Nursing kaya nag-organisa siya ng simpleng salo-salo. Sabik din siya dahil hindi lang mga kaklase niya ang dadalo sa pagtitipon na iyon, pupunta rin doon ang lalaking nagpapatibok sa kaniyang puso, si Archie. Plano niyang akitin ang napakaguwapong binata para tuluyan na itong mapasakaniya.
“No, hindi siya uuwi ngayon. Ang sabi niya sa akin ay nasa Batangas siya para sa isang mahalagang conference, kaya solong-solo natin ang bahay. Ito na ang huling tiyansa ko kay Archie kaya dapat ay walang istorbo,” sagot niya sa kaibigan.
Si Archie ay ang kaniyang kababata. Mas matanda ito ng dalawang taon sa kaniya. Isa itong sundalo na hawak ng kaniyang papa. Matalik na kaibigan ng ama niya ang mga magulang ng binata na mga sundalo rin. Bukod sa maamo nitong mukha ay maganda rin ang pagangatawan nito na para bang isang makisig na prinsipe kaya humaling na humaling siya rito. Alam naman niya na ang tingin sa kaniya ni Archie ay isang nakababatang kapatid lang, nginingitian nga lang nito ang mga pagpapapansin niya. Minsan ay nagnanakaw siya ng tingin kapag nasa bahay nila ito, bigla na lang itong susulyap sa kaniya at kikindatan siya. Para naman siyang hihimat*yin sa kilig noon kahit pa alam niyang biro lang iyon para kay Archie. Dahil guwapo ay marami na rin itong naging nobya. Sino ba naman kasing babae ang hindi magkakagusto at magkakandarapa sa isang tulad ni Archie na guwapo na ay matalino pa.
Sa tagal ng panahon ay unti-unting lumalim ang pagtingin niya sa kaniyang kababata. Ito ang sumusundo sa kaniya sa eskwela kapag hindi puwede ang papa niya. Tinutulungan din siya nito sa paggawa ng homeworks at projects niya. Napaka-protective din nito sa kaniya, bantay sarado sa binata ang mga manliligaw niya kaya nga walang nakakatagal sa mga iyon.
Kaya nga ngayong gabi ay pagkakataon na niya upang mapansin na talaga siya ng lalaking pinakaiibig niya at para tuluyan na itong mahulog sa kaniyang mga kamay. Kailangan niyang matiyak na si Archie ay magiging kaniya, hindi siya papayag na mapunta ito sa iba.
“Over my d*ad body!” sambit niya nang malamang magpapakasal na ang binata.
Hindi niya naman kasi sinasadyang marinig ang pag-uusap ng papa niya at ni Archie. Ang sabi ng binata ay magpapakasal na ito sa napupusuan nitong dalaga.
“Ano? M-magpapakasal ka na, hijo? S-sino naman ang masuwerteng babae?” tanong ng papa niya.
“Yes, tito. A-actually hindi niya pa alam ang balak ko, sasabihin ko pa lang sa kaniya. Naghihintay lang po ako ng tamang tiyempo. Alam mo, tito, mas masuwerte ako sa kaniya dahil napakabuti niyang babae,” tugon ni Archie.
“Talaga hijo? Excited na akong makilala ang mapapangasawa mo,” masayang-masayang sabi ng papa niya.
Nang marinig niya iyon ay gusto niyang magalit at sigawan ang papa niya. Hindi ba nito naisip ang mararamdaman niya?
Kaya naisip niyang akitin ang binata sa party. Gagawin niya ang lahat para may mangyari sa kanila, para hindi matuloy ang kasal nito sa buwisit na babae na gusto nitong makaisang dibdib. Wala siyang pakialam kung lumabas siyang malandi, mang-aagaw, kabit, desperada at iba pa. Mahal na mahal niya si Achie at ipaglalaban niya ito.
Mabilis na nagdaan ang mga oras at nagdatingan na ang mga bisita niya. Maya maya ay dumating na rin ang kababata niyang si Archie. Sh*t, napakaguwapo nito na nakasuot pa ng pangsundalong uniporme.. May dala rin itong bulaklak na rosas na sigurado niyang para sa kaniya. Ugali na kasi ng binata na binibigyan siya ng bulaklak kapag may salo-salo sa kanila at rosas ang palagi nitong binibigay sa kaniya dahil iyon ang paborito niyang bulaklak. Binulungan niya ang kaibigang si Maui na ito na muna ang bahala sa mga bisita niya dahil may importante pa siyang misyon sa gabing iyon.
Nang makita siya ni Archie, imbes na batiin siya nang nakangiti gaya ginagawa nito kapag pumupunta sa kanila ay iba ang naging awra ng mukha ng binata, nakasimangot ito at parang dismayado. Sa ekspresyon nito ay biglang nakaramdam ng kaba si Lexi. Inabot nito sa kaniya ang bulaklak pero di pa rin ito ngumingiti.
“Good evening,” malamig nitong sabi.
Napasimangot din siya sa tinuran ng binata.
“Iyan lang ba ang sasabihin mo? ‘Di ka man lang ba nagandahan sa suot ko? Sa akin?” sunud-sunod niyang sabi sa isip pero hindi niya iyon kayang masabi nang harapan kaya ang naging sagot na lamang niya ay…
“Good evening din,” aniya sabay hawak nang mahigpit sa braso ni Archie at hinila niya ito sa papasok sa kuwarto niya.
“O, bakit mo ako dinala rito? Nag-aantay na ang mga bisita mo sa labas. Saka, bakit mo ako inimbita rito? Eh, mga kaklase mo ang mga narito a!” sabi ng binata.
“Siyempre, magkababata tayo, ‘di ba? Dapat sa mga espesyal na salo-salong gaya nito ay narito ka rin. Hindi ka na iba sa akin at hindi na rin naman ako iba sa iyo, ‘di ba? Saka hayaan mo sila doon sa labas, mag-eenjoy naman sila kahit wala ako. Maraming pagkain, inumin, at may videoke pa doon kaya hindi sila maiinip. Ang mahalaga ngayon ay tayong dalawa, Archie,” lakas loob niyang sabi.
Mas lalong napasimangot ang binata sa sinabi niya.
“Ano bang kalokohan ito, Lexi?” tanong nito.
Hindi nagpatumpik-tumpik pa si Lexi at niyakap nang mahigpit ang kababata at pinaghahalikan ito sa pisngi.
“Umm. Ummm, hindi ka ba nagagandahan sa akin, archie? Tingnan mo ako, napakaseksi ko, ‘di ba? Sige, halikan mo ako, Archie,” malandi niyang sabi.
Ang akala niyang maaakit niya ito ay nagkakamali siya. Hinawakan nito ang braso niya at inilayo ang halos nakabuyangyang na niyang katawan sa katawan nito.
“Stop, Lexi! Ano ba itong ginagawa mo? Mahiya ka nga!” inis na sabi ng binata sa malakas na tono.
Saka lamang siya nahimasmasan sa sinabing iyon ni Archie. Bigla siyang nagkaroon ng hiya sa sarili.
“Ayusin mo nga iyang sarili mo dahil darating na ang papa mo. Tumawag siya sa akin na hindi raw natuloy ang conference nila sa Batangas kaya pauwi na siya rito. Bibigyan kita ng sampung minuto para magpalit ng damit at burahin iyang makapal mong make up sa mukha mo,” matigas nitong sabi sa kaniya.
Ang sama sama ng loob ni Lexi sa mga sandaling iyon, pahiyang-pahiya siya. Halata naman kasi kung ano ang intensyon niya pero tinanggihan pa rin siya ni Archie. Siguro ay ayaw talaga nito sa kaniya, kapatid lang talaga ang tingin ng binata sa kaniya, na mahal na mahal talaga nito ang pakakasalang nobya kaya kahit anong pa-kyut ang gawin niya’y hindi siya nito napapansin.
Wala siyang nagawa kundi sundin si Archie dahil kapag naabutan siya ng papa niya na ganoon ang suot niyang damit ay siguradong pagagalitan siya nito.
“Ayoko nang makikita pang suot mo ang damit na ito ha? Akin na ito at itatapon ko na para hindi mo na magamit,” tiim bagang na sabi ni Archie.
Nang dumating ang papa niya ay parang walang nangyari. Hindi siya sinumbong ni Archie sa papa niya, kahit ang ginawa niya rito ay hindi isiniwalat ng binata. Hinayaan lang sila nito na magparty buong gabi. Hindi naman mahigpit ang papa niya sa mga inoorganisa niyang salo-salo sa kanila.
Pero dahil sa nangyari ng gabing iyon ay hindi na dumadalaw sa bahay nila si Archie, isang linggo na ang nakalipas. Sa isip niya ay abala ito sa pag-aasikaso ng kasal sa nobya nito. Napakasakit niyon sa kaniya, na ang lalaking pinakamamahal niya ay ayaw sa kaniya at may ibang mahal.
Kaysa dumugo ang utak niya sa kakaisip at buruhin ang sarili sa pagkalugmok ay naisip niyang kalimutan na lamang si Archie. Nagawa na niya ang lahat para mapasakaniya ito pero sa huli ay bigo pa rin siya. Dapat ay tanggapin na niya na talo na siya sa puso nito. Itutuon na lang niya ang sarili sa ibang lalaki, doon sa may tiyansa siya na magkaroon ng happy ending kaya tinext niya ang kaibigan ni Archie na si Ralph na matagal nang nanliligaw sa kaniya.
“Mabuti pa ay makipag-date na lang ako kay Ralph. At least siya, naaapreciate ako,” sambit niya sa isip.
Kinuha niya ang kaniyang selpon at tinext ang binatang pat*y na pat*y sa kaniya at niyaya itong makipag-date ngunit napasigaw at siya at napamura pa nang maling numero ang napagsend-an niya ng mensahe.
“Sh*t!
Sa numero ni Archie niya ito nai-send.
Gusto niyang lumubog sa kinatatayuan sa sandaling iyon. Ite-text niya sana ang binata na na-wrong send siya pero wala na pala siyang load.
“Hala! Naloko na talaga!”
Maya maya ay dumating sa bahay nila ang binata na nakasimangot at masama ang tingin sa kaniya. Ang hindi niya alam ay malapit na pala ito sa kanila, nakasakay ito sa kotse nito at nakatakdang makipagkita sa papa niya para sa isang importanteng meeting.
“Ano itong text mo? Bakit ka makikipag-date kay Ralph?” inis nitong sabi.
Hindi na siya nakatanggi pa. Ipapaliwanag niya sana na nagkamali siya ng numero na pagsesend-an pero sa inis niya sa tono ng boses ng binata ay sinagot niya ito.
“Bakit naman hindi?” panonopla niya.
Bumuntong hininga si Archie.
“Talagang sinasadya mong asarin ako, ano? Bakit ba gan’yan ka?” halos aburidong sabi nito.
“Aba, hindi ko sinasadya na mai-text sa numero mo ang mensaheng iyon. Ite-text sana kita na wrong send kaso wala na pala akong load. At saka bakit ba? Bawal ba akong makipag-date? Beinte dos anyos na ako, kung tutuusin ay pwede na akong magpakasal. Nagsabi na ako noon kay papa kung puwede na akong mag-asawa at pumayag naman siya, tutul gagradweyt na naman ako. Tapos, ikaw, kukuwestyunin mo ang pakikipag-date ko? Ano, ikaw lang ang may karapatang lumigaya dahil magpapakasal ka na at ako walang karapatan?” diretsong sabi niya. Hindi na niya napigil ang emosyon na matagal na niyang itinatago. Tutal ito na rin lang, kaya aaminin na niya.
Magsasalita pa sana siya pero natulala siya sa sunod na sinabi ng binata.
“Mahal kita, Lexi.”
“What?” nabingi yata ang dalaga.
“Ito na siguro ang tamang oras para sabihin ko ito sa iyo. Bata pa lang tayo mahal na kita, Lexi, pero sobrang nirerespeto ko ang papa mo. Siya na halos ang tumayong pangalawa kong ama, napakabuti niyang tao kaya nangako ako sa sarili ko na kahit gusto kita ay titiisin ko hanggang sa makapagtapos ako ng pag-aaral at maging magaling din na sundalo gaya niya at ng aking mga magulang. Dahil nag-iisa ka niyang anak, gusto kong karapat-dapat na ako sa iyo kapag nabigyan na ako ng pagkakataon. Pero kung anu-anong pinagagagawa mo! Noong gabing tinangka mo akong akitin, alam mo bang hirap na hirap akong magpigil? Kung hindi lang ako nangako sa papa mo, malamang ay nakalimot na ako. Alam mo rin ba kung bakit ilang araw na akong hindi dumadalaw rito? Iyon ay dahil pinuntahan ko sa Cavite ang pinagagawa kong bahay para sa ating dalawa, tapos malalaman ko na makikipag-date ka sa iba?” bunyag ni Archie na halos maiyak na sa pagpapaliwanag sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ni Lexi.
“M-magpapakasal ka na, ‘di ba?” naguguluhan niyang tanong.
“Kanino pa ba ako magpapakasal? Siyempre sa iyo!” hayag ni Archie na ‘di na napigilan ang sarili at hinalikan na siya sa labi.
Sobra ang kilig na naramdaman ni Lexi, ang babae palang papakasalan ni Archie ay walang iba kundi siya.
Sa ganoon silang tagpo nang dumating ang papa niya na malapad ang pagkakangiti. Napapalakpak pa ito sa pag-amin nila sa isa’t isa. Matagal na pala nitong alam na nagkakagustuhan silang dalawa at wala itong tutol sa nararamdaman nila.
Mabilis lang ang naging preparasyon sa kasal nina Lexi at Archie. Magiting na nakatayo ang mga sundalo sa gilid ng lalakaran ni Lexi at proud na inihatid siya ng kaniyang papa sa altar. Mangiyak-ngiyak na nakaabang si Archie sa napakaganda nitong bride.
Sa ngayon ay namumuhay nang maligaya ang mag-asawa kasama ang kanilang dalawang anak. Kapag naaalala nila kung paano sila nagkaaminan ay natatawa at kinikilig pa rin sila.