Marriage Counselor ang Ginoong Ito, Pero Relasyon Nila ng Kaniyang Asawa ay Napababayaan Niya
Kilala bilang “Da Best Marriage Counselor” ang ginoong si Greg sa kanilang lungsod dahil sa dami ng mga mag-asawang muli niyang pinagbuklod gamit ang kaniyang mga pangaral na hango sa bibliya.
Kahit ano mang problema ang kinahaharap ng isang mag-asawa, mapapinansyal na problema man o tungkol sa pangangaliwa ng isa, nakakahanap siya ng paraan upang muling ayusin ang pagmamahalan ng dalawa alang-alang sa kanilang kasal at mga anak.
Sa katunayan, hindi na mabilang sa kaniyang kamay ang dami ng mag-asawang muling nagkabalikan at mas naging matatag dahil sa kaniya dahilan upang ganoon na lang siya hangaan ng mga tao sa kanilang lungsod kabilang na ang kanilang alkalde na kaniya ring natulungan.
Tandang-tanda niya pa noon kung paano humagulgol ang naturang alkalde sa kaniyang harapan. Nagawa kasi nitong mangaliwa na agad namang nalaman ng tunay na asawa’t mga anak. Sa takot nitong maiwan mag-isa at hindi pagkatiwalaan ng mga taong nasasakupan, halos araw-araw itong dumadalaw sa kaniyang klinika upang magpatulong sa kaniya kung paano lulusutan ang gusot na pinasok.
Katulad ng kaniyang ginawa sa ibang mag-asawa, ipinaliwanag niya rito at sa asawa nito ang halaga ng kasal at kung gaano ito kasagrado. Ipinaintindi niya rin sa alkalde ang pagkakasala nito na kailangan nitong pagsisihan kapalit ng muling pagtitiwala ng kaniyang asawa.
Matiyaga niyang tinuwid ang gusot na ito gamit ang mga taludtod mula sa bibliya na itinanim niya at paulit-ulit na pinaiintindi sa mag-asawa hanggang sa isang araw, nabalitaan niya na lang na maayos na muli ang relasyon ng dalawa na labis niyang ikinatuwa.
Sa kabila ng mabuting imaheng kaniyang nabubuo sa mata ng mga taong natutulungan niya, hindi niya magawa ang ganitong uri ng pagreresolba ng problema sa relasyon nila ng kaniyang asawa.
May mga pagkakataong kahit maliit na bagay, pinagtatalunan nilang dalawa sa harap ng kanilang mga anak at imbes na siya’y magpakumbaba lalo na kapag siya ang may kasalanan, siya pa ang mas matapang kaysa sa kaniyang asawa.
Isang araw, pagkauwi niya galing sa bahay ng isa niyang kliyente, naabutan niyang nakahiga lang ang asawa niya habang nanunuod ng telebisyon. Karga-karga nito ang kanilang isang taong gulang na anak na tulog sa dibdib nito.
Siya’y nagalit dito dahil bukod sa napakadumi na ng kanilang bahay, wala pa itong naihahandang pagkain.
“Hatiin ko na lang kaya ang katawan ko para sabay kong maalagaan ang anak mo at mapaghanda kita ng makakakain pagkauwi mo? Tingin mo ba hari ka sa pamamahay na ‘to para magalit ka nang gan’yan sa akin?” galit nitong sigaw sa kaniya nang siya’y magdabog sa kanilang kusina.
“Responsibilidad mo lahat ‘to! Tapos kapag nagagalit ako, galit ka rin?” bulyaw niya rito.
“Aba, malamang! Wala sa katwiran ang galit mo, eh! Hindi mo alam ang pagod na nararamdaman ko araw-araw!” sigaw pa nito kaya pinaghahahagis niya rito ang kanilang mga pinggan at agad na umalis ng kanilang bahay.
Naisipan niyang maglakad-lakad upang pahupain ang galit na nararamdaman. Pakiramdam niya’y anumang oras, handa na siyang makipaghiwalay sa asawa niyang ito dahil sa masama nitong pag-uugali.
Habang iniisip niya kung paano makikipaghiwalay sa asawa, napansin niya ang mag-asawang dati ay kaniyang pinangaralan. Masaya na ang dalawang nilalaro ang kanilang anak sa parke habang nagtatawanan.
Naalala niyang katulad niya, gustong-gusto na rin ng lalaki noon na tapusin ang relasyon sa kaniyang asawa dahil din sa ugali nitong hindi maintindihan. Kaya lang, nang kausapin niya ang ginang, napag-alamanan niyang epekto pala ng panganganak nito ang ugaling mayroon ito.
Doon na siya agad tinamaan ng konsensya. Napagtanto niyang hindi niya mai-apply sa kaniyang sarili ang tinuturo niya sa kaniyang mga kliyente at napababayaan niya pa ang kaniyang asawa dahil lang sa inis na kaniyang nararamdaman.
Dahil doon, agad siyang nagpasiyang suyuin ang asawa bago pa ito tuluyang mawala sa kaniya. Bumili siya ng kanilang makakain saka pumitas ng bulaklak sa kanilang bakuran at kaniya itong ibinigay sa asawang naabutan niyang umiiyak habang karga-karga ang kanilang anak.
“Patawarin mo ako, mahal. Nagagawa kong ayusin ang relasyon ng iba ngunit hindi ko magawang maayos ang relasyon natin dahil sa emosyon ko. Bigyan mo ako ng pagkakataong itama ang lahat, mahal,” pakiusap niya rito saka niya ito niyakap nang napakahigpit.
Siya man ay labis na nahirapan sa panunuyo sa asawa, hindi ito naging hadlang upang hindi niya maayos ang kanilang relasyon. Kusa na niyang nililinis ang kanilang bahay, nagluluto siya ng pagkain pagkagaling sa trabaho, at kaniyang inaalagaan ang kaniyang mag-ina lalo na kapag nakikita niyang pagod na pagod ang kaniyang asawa sa pag-aalaga sa kanilang anak.
Sa ganoong paraan, isang buwan lang ang kaniyang binilang, nanumbalik sa dating saya ang kanilang relasyon at mas lalong naging mapagmahal sa kaniya ang kaniyang asawa na labis na nagbigay kasiyahan sa kaniya.
“Ngayon, masasabi ko na talagang ako ang da best marriage counselor dahil naayos ko ang relasyon naming mag-asawa! Hinding-hindi ko na hahayaang makaramdam ng galit ang asawa ko dahil lang sa maling pag-uugali ko!” sambit niya sa sarili habang sabay silang nag-aalmusal ng kaniyang asawang tuwang-tuwa sa kaniya.