Ang Binatilyong Ito ang Pasimuno sa Panlilibak sa Isang Babaeng Baliw na Pagala-gala sa Kalsada; Nagulat Siya sa Katotohanang Sumambulat sa Kaniya
“Hoy, Baliw!” sigaw ng isang binatilyong nakasandong si Berto sa pagala-galang baliw na babae sa kanilang lugar na laging tumatambay sa kanilang bahay. “Nandito ka na naman sa bahay namin? Sige ka kukunin ko ‘yang anak mo.”
Ang tinutukoy ni Berto na ‘anak’ ng baliw na babaeng pagala-gala sa kanilang lugar ay ang hawak nitong sira-sirang manyika. Kalbo ang manyikang ito ngunit ang kasarian nito ay hulma sa babae. Tinatawag ito ng baliw na babae na ‘Tutoy’.
“Huwag kunin Tutoy… anak ko ‘to eh, huwag kunin Tutoy!” sabi ng baliw na babae, na dahil sa hindi naman malaman kung saan siya galing at kung ano ang tunay niyang pangalan, ay tinawag na lamang sa taguring ‘Sisa’.
Si Sisa ay isa sa mga tauhan sa nobelang ‘Noli Me Tangere’ ni Dr. Jose Rizal, na nawala sa katinuan dahil sa inakalang ‘naligpit’ ng mga guwardiya sibil ang kaniyang mga anak na sina Basilio at Crispin.
Hanggang sa nagsilapitan na rin ang mga alaskador na tambay na madalas na pinaglalaruan ang kaawa-awang baliw.
“Hoy Sisa, sumayaw ka naman para malibang kami,” sabi ng isang tambay na laging nakahubad ang pang-itaas.
“Kung ayaw mo, aagawin namin ang anak mo!” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat. Mahaba ang buhok at nakakorto lamang. At umambang aagawin ang kargang manyika ni Sisa. Umatras ang baliw na babae at hinigpitan pa ang yapos sa kaniyang karga.
Nagsigawan ang mga tambay na alaskador habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Sisa.
“Sige, agawin natin ang kanyang anak,” sabi nila sabay halakhak.
Maya-maya ay sumalampak na si Sisa sa kalsada at nag-iiyak na tumadyak-tadyak sa semento.
“Huwag ninyo kunin Tutoy ko! Huwag kunin Tutoy ko! Kinuha na nga dati kong anak tapos kukunin pa bago kong baby? Isusumbong ko kayo kay Kapitan! Isusumbong ko kayo kay Kapitan!” humahagulhol na si Sisa.
Patuloy pa rin ang panunudyo ng mga alaskador na tambay kay Sisa. Lalong lumakas ang hagulgol ng babae.
“Hoy baliw… huwag ka ngang ngumawngaw rito!” galit na sabi ni Berto sabay agaw sa manyikang si Tutoy. Nagtatatakbo si Berto, tuwang-tuwa, at sinundan siya ng mga alaskador na tambay. Mabilis namang tumayo ang baliw at hinabol si Berto. Pinagpasa-pasahan nila ang manyika.
“Huwag sasaktan ang anak ko! Huwag! Parang awa n’yo na!”
“Hoy, magsitigil nga kayo sa ginagawa ninyo sa baliw!” saway ni Kapitan Romeo na napadaan sa kalsadang iyon. Nagsitakbuhan naman ang mga alaskador na tambay at inihagis kay Berto ang manyika.
“Akin na ang anak ko!” at hinaltak ni Sisa ang hawak na manyika ni Berto.
“Hele-hele, tulog muna, wala rito ang iyong tatay… hahanapin ko ang kuya mo mamaya Tutoy ko…” ang kanyang kanta habang ipinaghehehele nito ang manyika at patiyad na sumasayaw-sayaw.
Napailing na lamang si Berto. Lumala na ang pagkaloka ni Sisa. Nakakaawa naman.
“Hindi mo dapat ginagawa ‘yan sa kaniya, Berto,” saway sa kaniya ni Kapitan Romeo. “Dapat ipagtapat na ng nanay mo ang totoo para matigil ka na sa paglalaro mo kay Sisa…”
Napahinto si Kapitan Romeo. Parang may nasabi siya na hindi niya dapat sabihin.
“Ano pong ibig ninyong sabihin, Kapitan?” untag ni Berto sa kapitan.
“Ah wala… sige na… huwag mo nang uulitin ang ginawa mo. Kahit kanino pa ‘yan, hindi magandang gawing katatawanan ang sinuman.”
Dahil sa mga sinabi ni Kapitan Romeo ay nabagbag ang kuryosidad ni Berto sa mga sinabi nito hinggi sa kailangang ipagtapat ng kaniyang nanay.
Kaya naman inusisa niya ito.
“H-Huwag mong pakinggan si Kapitan Romeo, huwag mong intindihin iyon,” sabi ng kaniyang nanay.
Ngunit hindi kumbinsido si Berto. Pakiramdam niya ay may tinatago sa kaniya ang nanay niya.
Nang mga sumunod na araw ay hindi maganda ang timpla ni Berto. Lalo itong nadagdagan nang makita na naman niya si Sisa na sumisilip-silip sa loob ng kanilang bakuran. Tangan na naman nito si ‘Tutoy’.
“Hoy baliw! Bakit narito ka na naman? Sino bang hinahanap mo rito lagi?”
“Si Milagros kita mo ba? Si Milagros…”
Nagulat si Berto dahil binanggit ni Sisa ang pangalan ng kaniyang nanay, na unang beses nitong ginawa.
“Anong kailangan mo sa nanay ko?”
“Nanay mo si Milagros? Ikaw ba ang anak ni MIlagros?” namimilog ang mga mata ni Sisa at gulat na gulat ang mukha nito.
“O-Oo… bakit…”
Sa pagkagulat ni Berto ay bigla siyang niyakap ni Sisa.
“Anak ko… anak ko… Tutoy, heto na ang kuya mo… matagal na kitang hinahanap, anak ko…”
Sa labis na pagkabigla ay naitulak nang malakas ni Berto si Sisa. Napahiga ito sa kalsada at tumama ang nguso sa semento. Pumutok ang labi nito.
“Siraulo ka ngang talaga! Nakakadiri ka, niyakap mo pa ako!” galit na galit na sabi ni Berto habang pinapagpag ang narumihan niyang damit at balat. Diring-diri siya dahil nadikit sa kaniya ang mabahong amoy ng katawan ni Sisa dulot ng marahil ay matagal nang ‘di paliligo.
“Anong nangyari dito, Berto? Anong ginawa mo sa kaniya! Diyos ko…” natatarantang sabi ni Aling Milagros. “Hindi mo dapat ginawa ito sa iyong ina…”
Huli na upang bawiin pa ni Aling Milagros ang kaniyang mga nasabi.
Napamulagat si Berto sa kaniyang mga narinig.
“N-Nanay ko siya? P-Paanong…”
At ipinagtapat na nga ni Aling Milagros ang lahat.
“Buntis na siya noon, hindi rin namin malaman kung sino ang gumalaw sa kaniya. Wala siya sa katinuan. Isang araw, nanganak na lamang siya. Dahil hindi niya maaalagaan ang kaniyang anak, nagdesisyon kami ni Wilfredo na ampunin ang batang iyon… at ikaw ‘yun, Roberto!”
Kaya pala nagpupunta-punta si Sisa sa bahay nina Berto ay dahil sa kaniya.
Napaiyak na lamang si Berto sa katotohanang sumambulat sa kaniyang harapan. Ang baliw na babaeng pinagti-tripan niya ay siyang tunay pala niyang ina.
Simula noon ay itinigil na niya ang ginagawa kay Sisa at pinakiusapan si Kapitan Romeo na sana ay madala sa pangangalaga ng mental institution ang kaniyang tunay na ina upang magamot at maibalik ito sa katinuan.
Ipinangako ni Berto sa kaniyang sarili na kapag bumalik na sa katinuan si Sisa, babawi siya rito. Bagama’t nagpapasalamat siya sa pagkupkop ng mga tumayong magulang, gusto rin niyang makasama at makilala ang kaniyang tunay na ina na pinagkaitan ng tadhana.