Inday TrendingInday Trending
Malalim ang Kuwento ng Magkakapatid sa Antigong Pangkayod ng Niyog ng Kanilang Ama; Kanino Kaya Ito Mapupunta Kung Ito ay Sumakabilang-buhay Na?

Malalim ang Kuwento ng Magkakapatid sa Antigong Pangkayod ng Niyog ng Kanilang Ama; Kanino Kaya Ito Mapupunta Kung Ito ay Sumakabilang-buhay Na?

Walang nakaaalam kung gaano na katanda ang pangkayod ng niyog ng kanilang ama. Ayon sa kuwento ng kanilang ama, ang pangkayod ng niyog na iyon ay minana pa niya sa kaniyang ina, na minana naman sa ina nito, hanggang sa hindi na mabalikan sa sapot ng mga alaala kung paano ito napasakamay ng kanilang lahi.

Iisa lamang ang tiyak: napakatibay nito! Yari sa narra ang upuang kahoy nito na kung ilang mga salinlahi na ng mga nagtitinda ng kakanin ang nagsiupo at kumayod ng niyog.

Ang kanilang angkan daw ay kilala sa paggawa ng mga kakanin, at hindi naman nakapagtataka dahil halos lahat ng mga kakanin ay kayang-kayang gawin ng kanilang ama. Ngunit ang talagang tatak ni Mang Gregorio ay ang paggawa ng kalamay, palibhasa, iyon ang madalas na ginagawa sa kanilang lalawigan na Ilocos Sur, bagama’t ang nanay naman nito ay taga-Bicol.

Ang pangunahing sangkap sa mga kakanin, s’yempre, ay kakang gata. Kahit yata nakapikit ay naituro sa kanila ni Tata Gregorio ang pagkayod ng niyog mula sa bago at pagpipiga nito hanggang sa kahuli-huling katas. Nagagalit ang kanilang ama kapag may mga katas pang lumalabas mula sa mga sapal.Hindi nila alam kung gaano kahusay na magkakalamay ang kanilang ama. Sa lasa nila, ang mga luto nilang kakanin, na bihira nilang tikman, ay wala namang katangi-tanging sarap. Ngunit maaaring dahil sawa na sila. Nawawalan ng lasa at linamnam kahit ang pinakamasarap mang pagkain kapag araw-araw ay nakahain iyon sa inyong tahanan.

Ang kanilang ina naman ay maaga silang naulila kaya naman kayod-kalabaw talaga si Mang Gregorio upang mabuhay silang apat na magkakapatid.

Dalawang beses lamang daw umiyak si Mang Gregorio, sa aktuwal na sandali ng pagpanaw ng kanilang ina at nang ang b*ngkay ay ibinababa na sa hukay. Usap-usapan ng mga magkakapitbahay kung paano raw ba mabubuhay ni Mang Gregorio ang kaniyang mga anak, ngayong wala na ang kaniyang katuwang.

“Baka ipamigay niya ang mga iyan.”

“Naku, mabubuhay pa niya ang apat palamuning mga bata sa pagkakalamay lamang?”

“Kawawa naman ang mga anak.”

Pinulong ni Mang Gregorio silang magkakapatid.

“Kikilos tayong lahat para mabuhay. Walang maiiwan. Tulong-tulong tayo.”

Simula noon, hindi na lamang kalamay ang ginagawa ni Mang Gregorio kundi nagdagdag pa siya ng biko, suman, puto, kutsinta, inangit, at iba pang mga kakanin.

Toka-toka naman silang magkakapatid sa paglalako nito. Pagkagaling sa paaralan, kapag tapos na ang pag-aaral, maglalako na ang magkakapatid at iba-iba sila ng ‘teritoryo’.

Nang mapagsama-sama nila ang mga pinagbentahan, nagdesisyon ang kanilang ama na magtayo ng munting karihan sa tapat ng kanilang bahay. S’yempre, hindi mawawala ang mga pagkaing gawa sa gata: nagtinda siya ng Bicol express, laing, ginataang isda, ginataang hipon, at marami pang iba. Sa meryenda naman, ginataang bilo-bilo. Talaga nga namang pumatok ito at dinadayo pa sa kabilang baryo dahil sadyang napakasarap ng luto ng kanilang ama.

Kaya naging abala at hindi na napahinga ang antigong pangkayod ng niyog na nagsilbing kaagapay ni Mang Gregorio upang maitaguyod ang kaniyang mga anak. Wala ni isa sa kanilang magkakapatid ang hindi marunong gumamit niyon; sa katunayan, ginagawa pa nga nilang contest ang pabilisan ng pagkudkod ng niyog. Pinakamabilis ang bunso na kayang makapagkudkod ng sampung pirasong pisngi ng niyog sa loob ng 1 minuto.

Makalipas ang dalawang taon, ang kanilang karihan ay napalakihan pa nila at naging isang simpleng restawran na may bahaging de-aircon at may bahaging wala naman. Nagdagdag na rin sila ng mga tao dahil nga sa lumalakas nilang kainan.

Matapos ang ilan pang taon, nakatapos na ang magkakapatid sa kanilang pag-aaral. Ang unang tatlong magkakapatid ay nagkaroon na rin ng sariling pamilya. Ang naiwan na lamang ay ang bunso na nasa ikaapat na taon na sa kursong Political Science, at kapag natapos na, itutuloy-tuloy na sa pagkuha ng Abogasya.

Matanda na si Mang Gregorio at hindi na siya nangangayod ng niyog; iba na ang gumagawa nito, dahil makabago na ang pamamaraan upang makakuha ng gata ng niyog.

Nagkaroon ng isa pang branch ang kanilang restawran na ang inihahain ay mga pagkaing may gata. Bukod dito, nagkaroon na rin sila ng isang shop na nagbebenta ng mga kakanin ‘with a twist’.

Hangang-hanga ang mga kapitbahay ni Mang Gregorio sa kaniya, at napahiya naman ang ilang mga kapitbahay na nagsabing kawawa naman sila dahil hindi nito mabubuhay ang mga anak.

Hindi lamang nito basta nairaos ang buhay ng mga anak kundi nagawa pang maging maginhawa!

Kaya naman labis ang kalungkutan ng mga magkakapatid nang sumakabilang-buhay ang kanilang ama dahil sa katandaan. Napakapayapa ng mukha nito dahil siguro, umalis ito sa mundong ibabaw na nagawa niya ang dapat niyang gawin sa mga anak.

Saan na napunta ang antigong pangkayod ng niyog?

Ang ginawa ng magkakapatid, ipinalagay nila ito sa isang estante na makikita sa isang sulok ng restawran upang magsilbing memorabilia sa kanilang ama. Ipinalagay din nila ang kuwento ng pagtatagumpay sa likod nito upang magsilbing inspirasyon sa lahat.

Advertisement