Ipinanganak na ‘May Gintong Kutsara sa Bibig’ ang Binatilyong Ito; Ngunit Isang Araw, Nagbiro ang Kapalaran sa Kanila
Si Charles ay anak ng mayamang mag-asawa. Pagmamay-ari ng daddy niya ang pinakamalaking hacienda sa baryo nila. Isa namang payak na maybahay ang ina niya na pinamanahan ng kaniyang lolo ng kayamanan, na nasa puntong hindi na nito kailangang magtrabaho pa sa dami ng salapi nila.
Dahil nag-iisa siyang anak ng mayamang mag-asawa, nakampante sa buhay si Charles na hinding-hindi na siya mamumulubi hanggang sa pagtanda niya. Ito ang dahilan kung bakit tamad siyang mag-aral. Mas nais na lamang niyang maglaro ng online games sa kaniyang cellphone.
“Mommy, hindi ko naman na kailangan pang mag-aral. Tiyak naman akong sa akin ipapamana ni Daddy ang hacienda at pera niya. Hindi ba’t ang pag-aaral ay para lamang sa mga taong nais i-angat ang sarili nila mula sa kahirapan?” katwiran ni Charles sa kaniyang mommy.
“Baluktot na katwiran ‘yan, anak. Paano na lamang kapag nawala kami ng Daddy mo? Paano kung ikaw na lamang mag-isa?”
Ngunit tila pasok sa kanang tainga at labas sa kaliwa ang ginagawa ni Charles. Nagbubulakbol lamang siya at minsan ay hindi pumapasok sa paaralan. Hindi siya takot na mapatawag ng mga guro sa tanggapan ng punungguro. Ang totoo niyan, iyan talaga ang pinakaaasam-asam niya—ang ipatawag ng mga guro ang mga magulang niya, makunsumi ang mga ito sa kaniya, at pahintuin na siya sa pag-aaral.
“Anak, kailangan mong mag-aral. Ang pinag-aralan ang tanging bagay na hinding-hindi makukuha sa iyo ninuman. Iyan ang sandata mo kapag naubos ang kayamanan natin. Nauubos ang pera, anak. Maaari iyang mawala sa isang iglap lamang. Pero ang kaalaman, hindi basta-basta nawawala iyan kundi mananatili sa iyo habambuhay,” muling paalala ng kaniyang mommy nang kausapin ito ng kanilang gurong tagapayo.
Hindi na mabilang-bilang ang mga pagkakataong pinuntahan siya ng guro niya sa bahay nila. Ngunit, talagang tamad si Charles. Mas gugustuhin pa niyang lumiban sa klase at maglaro ng online games sa cellphone o magliwaliw sa iba’t ibang lugar kasama ang kaniyang barkada na pawang mayayaman din.
Hanggang sa napatalsik na nga si Charles dahil sa dami ng kaniyang mga liban at binagsak na asignatura. Tuwang-tuwa naman siya. Sayang dahil nasa ikaapat na taon na siya sa hayskul, at magkokolehiyo na.
Lumipas ang apat na taon…
Isang araw, habang naglalaro ng video games sina Charles at ang kaibigan niyang si Peter sa kwarto niya, narinig nilang sumigaw ang kaniyang mommy. Parang takot na takot ito. Agad nilang binitiwan ang mga hawak na joysticks at bumaba sila sa sala.
Nakita nila na nakabulagta sa sahig ang kaniyang Daddy habang kalong ito ng kaniyang Mommy.
“Anak, humingi ka ng tulong, tumawag ka ng ambulansya. Nawalan ng malay ang Daddy mo!” takot na takot at natatarantang sabi ng kaniyang Mommy.
Inatake sa puso ang ama ni Charles. Sinundan ito ng iba’t ibang komplikasyon. Halos walong buwan na nakaratay ang daddy niya sa ospital, wala itong malay dahil comatose.
“Kailangan na po natin siyang pasakan ng makina, misis.”
Unti-unting naubos ang kanilang pera sa bangko at pati ang hacienda na pagmamay-ari nila ay naibenta pambayad sa gastusin sa ospital.
Hanggang sa hindi na kinaya ng kaniyang daddy ang kondisyon nito. Binawian na rin ito ng buhay. Ngunit buhay na buhay pa rin ang mga utang na kailangang bayaran dahil sa ilang buwang pagkaka-ospital nito. Ang nagpamahal lalo sa kanilang gastusin ay ang makinang isinaksak dito.
“Anak, sa darating na pasukan, kailangan mong lumipat sa pampublikong paaralan. Hindi na natin kakayanin ang bayarin sa pribadong paaralan diyan sa baryo,” malungkot ng sabi ng kaniyang ina.
Naghirap silang mag-ina. Maraming pagkakataon na pumapasok sa paaralan si Charles na walang laman ang tiyan niya o wala siyang baon. Nagsimula na ring maghanap ng mapapasukan ang kaniyang ina na hindi naman sanay magtrabaho.
Doon niya napagtanto na kung sana ay nag-aral siya nang mabuti, malamang ay nakapagtapos na siya sa kolehiyo at makakatulong na sa nanay niya.
“Kung sana pinahalagahan ko na noon pa ang pag-aaral ko, ‘di sana hindi na nahihirapan si Mommy sa pagtitinda ng mga kakanin,” ang pagsisisi na laging bumubungad sa kanya sa tuwing makikita ang ina na hirap na hirap sa pagtitinda makakain lang sila.
Ang mga dating kaklase at kasing-edad niya naman ay nagtatrabaho na. Labis ang panghihinayang ni Charles sa mga nasayang na panahon ngunit wala na siyang magagawa.
Ngunit alam niyang may pag-asa pa.
Ngayon, kahit na mas bata sa kaniya ang mga kaklase niya at nasa unang taon pa lamang siya sa kolehiyo, naniniwala si Charles na hindi pa huli ang lahat para sa kaniya. Magsisikap siya para sa kaniyang sarili at para sa kaniyang mommy.