Inday TrendingInday Trending
Laging Inaasar ng mga Kaklase Niya ang Bata, Ngunit Bilin ng Kaniyang Lola na Batuhin Niya Lamang Sila ng Tinapay; Maging Epektibo Naman Kaya Ito?

Laging Inaasar ng mga Kaklase Niya ang Bata, Ngunit Bilin ng Kaniyang Lola na Batuhin Niya Lamang Sila ng Tinapay; Maging Epektibo Naman Kaya Ito?

Ulilang-lubos na sa kaniyang mga magulang ang batang si Patrick. Bata pa lamang siya noong sumakabilang-buhay ang kaniyang ama. Sinundan naman ito ng pagkawala ng kaniyang ina, pagkalipas ng isang taon kung kaya’t laking lola talaga ang batang ito.

Habang lumalaki, kapansin-pansin ang malaking bingot sa bibig ni Patrick kaya naging tampulan siya ng tukso sa paaralan. Grade 3 na siya. Hindi maikakaila na sabik sa pagmamahal ng ibang tao si Patrick ngunit tanging si Lola Seling lamang kasi ang nagpakita ng pagmamahal sa kaniya.

Isa sa mga numero unong nangungutya sa kaniya ay ang kaklaseng si Eric na talagang nagpupunta pa sa kanilang bahay upang asarin siya.

“Patrick pangit, labas ka diyan, laro kayo ng mga kalabaw sa sapa!” sigaw ni Eric sa kaniya.

Halatang nagagalit na si Patrick at hahamunin na ng suntukan si Eric subalit lagi siyang pinipigilan ni Lola Seling. Hindi niya sinasaway ang batang nang-aasar sa kaniyang apo dahil ayaw niyang lumaking may tagapagtanggol ito, ngunit ayaw din naman niyang lumaki itong basag-ulo. Gusto niyang si Patrick ang makatuklas kung paano ipagtatanggol ang sarili sa matalinong paraan at hindi kailangang makipagsakitan. Naniniwala siya na walang tunay na nananalo sa gayong paraan.

“Huwag kang lumabas, batuhin mo siya mula rito sa loob,” payo ni Lola Seling kay Patrick.

Nagulat at nanlaki ang mga mata ni Patrick sa sinabi ng kaniyang Lola Seling.

“Lola, akala ko po ba bawal gumanti sa kapwa nang may masasaktan? Bakit ko po siya babatuhin?”

“Apo, narinig mo na ba ang kasabihang ‘Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay?”

Umiling-iling si Patrick. Ngayon lamang niya narinig na puwede palang ibato ang tinapay sa taong mapang-asar.

“Puwede mo silang batuhin basta tinapay lang ang iyong ibato,” nakangiting sabi ni Lola Seling sabay kindat. “Marami naman tayong monay riyan, minsan nga hindi na natin nakakain.”

Sinunod ni Patrick ang payo ng lola niya. Kinuha niya ang isang monay na nakatago sa sisidlan ng mga pinggan at ibinato kay Eric. Tumama ang tinapay sa mukha nito at nasalo naman ng kaniyang mga palad.

Gulat na gulat si Eric sa ginawa ni Patrick.

Araw-araw bumabalik sina Eric at mga kaibigan niya sa bahay nina Patrick at Lola Seling. Araw-araw din silang binabato ng tinapay, minsan ay monay, pandesal, pan de r*gla, putok, o kaya naman ay kababayan. Depende sa aalmusalin nila.

“Lola, mukha naman pong ayaw talaga nina Eric at ng mga kaibigan niya na huminto sa pang-aasar sa akin eh,” naiiyak na sabi ni Patrick sa kaniyang lola.

“Magsasawa rin sila apo, pangako ko iyan sa iyo. Maghintay ka lamang. basta mangako ka na huwag na huwag kang mananakit ng kapwa mo, kahit na gaano pa kasakit ang ginagawa niya sa iyo,” pahayag pa ni Lola Seling.

Isang araw, muling bumalik sina Eric at mga kasama niya.

“Patrick, Patrick, lumabas ka diyan! Labas! Kung hindi ay papasok kami sa bahay ninyo,” sabi ni Eric. “Kailangan mong lumabas ngayon din. Humarap ka sa amin.”

Hindi na nakatiis si Patrick. Lumabas siya ng bahay at pinuntahan ang grupo nina Eric.

“Ano bang problema ninyo? Hindi ko naman kayo inaano. Huwag ninyong idamay ang lola ko dahil nananahimik siya,” wika ni Patrick.

“Hindi naman kami naparito para makipag-away, Patrick. Gusto lang naming i-abot sa inyo ng lola mo ang mga prutas na ito,” wika ni Eric sabay abot ng isang basket na punumpuno ng mga prutas.

“Naku, bakit kayo nagbibigay ng prutas?” maang na tanong ni Patrcick sa kaklaseng ilang araw na ring nang-aaway at nanunukso sa kaniya.

“Eh kasi sa halip na magalit kayo sa amin, binabato mo pa kami ng pagkain. Kaya nabubusog kami. Salamat, Patrick. Huwag kang mag-alala, hinding-hindi na kami mang-aasar sa iyo, naisip namin na mali ang ginagawa namin kasi hindi mo naman kami inaaway pero kami inaaway ka namin. Bati na tayo?” nahihiyang paghingi ng tawad ni Eric kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Simula noon ay naging magkakaibigan na sila.

“Lola, tama nga iyong sinabi ninyo na tinapay ang ibato ko sa kanila. Sa susunod po, ganoon na lang din po ang gagawin ko,” wika ni Patrick sa kaniyang lola.

“Apo, sa buhay, hindi kailangang laging dahas ang isukli sa dahas. Dapat marunong ding manimbang kung ano ang mga laban na kailangang harapin, sa mga problemang dapat ipagkibit-balikat na lamang. Hindi dapat gantihan ng kasamaan ang isang kasamaan, kailangan itong pangibabawan ng kabutihan,” muling paalala ni Lola Seling sa kaniyang pinakamamahal na apo.

Advertisement