Inday TrendingInday Trending
Tumakas ang Dalagita sa Kaniyang mga Magulang Upang Sumama sa Isang Estrangherong Lalaki; Pagbalik Niya, Lagi na Lamang Siyang Nakapamintana at Nawalan ng Kibo; Ano’ng Nangyari?

Tumakas ang Dalagita sa Kaniyang mga Magulang Upang Sumama sa Isang Estrangherong Lalaki; Pagbalik Niya, Lagi na Lamang Siyang Nakapamintana at Nawalan ng Kibo; Ano’ng Nangyari?

May isang baryo na halos lahat ng mga mamamayan ay magkakakilala at laging nakangiti, maliban sa isang babaeng laging nakapangalumbaba sa bintana, nakasimangot at seryoso ang mukha—si Rowella.

Alam ng lahat ang kuwento tungkol sa dahilan kung bakit nagkaganoon si Rowella.

Isang masayahing dalagita si Rowella noon. Kilalang-kilala ang pamilya nila. Nag-iisang anak siya ng mag-asawang sina Mang Dado at Aling Celeste na mga nagtitinda sa palengke. Payak lamang ang kanilang pamumuhay ngunit masaya sila.

Hindi masyadong malaki ang bahay nina Rowella pero masasabing komportable naman sila rito. Pinaka-paborito niyang bahagi ng kanilang bahay ang bintana. Marami siyang masasayang sandali roon.

Sa malaking bintanang iyon nakita ni Rowella na haranahin ng ama niya ang kanyang ina sa kaarawan nito. Doon rin sila palaging nakadungaw habang tinitingnan ang buwan at mga bituin sa gabi. Paborito niyang gawin iyon.

Nagpatuloy iyon hanggang nagdalaga na si Rowella. Subalit, noong nagdadalaga na siya, medyo umiiba na ang mga kilos niya. Unti-unti na siyang natutulad sa mga kaibigan niyang walang paggalang sa kani-kanilang mga magulang.

“Bawas-bawasan mo nga ‘yang pagsama kina Sanya anak, mukhang hindi mo na kami sinusunod ng tatay mo,” paalala ni Aling Celeste sa anak.

Hindi tumugon si Rowella. Patuloy pa rin siya sa pag-empake ng mga dadalhin niya. Aalis siya kahit hindi sang-ayon at hindi siya pinayagan ng mga magulang na sumama sa kanila upang makipamista sa kabilang baryo.

Walang nagawa ang mag-asawa. Hindi talaga papipigil si Rowella kahit na naghigpit na sila rito. Ang tanging ginawa na lang ng ama niya ay sundan siya at ang mga kaibigan niya upang matiyak na ligtas silang nakarating ng sakayan.

Kinabukasan, hindi pa rin nakauwi si Rowella at ang mga kaibigan niya. Umalis na ang mag-asawa upang sunduin na ang anak at pagsabihan na rin ang mga kaibigan nito.

Ngunit wala roon si Rowella at mga kaibigan niya. Sabi ng isa sa mga taga roon, huling nakita ang magkakaibigang nakakipag-inuman kasama ang mga binata mula sa ibang bayan.

Nakita raw nila ang mga kaibigan ni Rowella na sumakay pauwi kinaumagahan pero hindi raw sumama ang magandang dalagita.

Hinanap pa rin ng mag-asawa ang nag-iisa nilang anak. Buong araw silang naglilibot sa mga baryo-baryo ngunit hindi nila nakita si Rowella.

Noong dumating sila sa sakayan, sinabihan sila ng isang drayber na nakauwi na si Rowella at may naghatid pa na magandang sasakyan sa dalagita.

Nagtataka ang mag-asawa kung bakit ganun-ganon na lang magpahatid ang anak nila sa bagong kakilala.

Pagdating nila sa bahay, laking gulat na lang ng mag-asawa na madatnan ang anak na mukhang nanghihina.

“Anak… bakit parang patang-pata ka? Saan ka ba nagsuot? Ano’ng nangyari sa iyo?” nag-aalalang usisa ni Aling Celeste sa anak na si Rowella.

“Wala lang po ito… napuyat lang…” matipid na sagot ni Rowella at tumalikod na sa kanila. Hindi nila nakita ang unti-unting pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata.

Simula noon, mas malaki ang naging pagbabago kay Rowella. Naging masungit na siya, minsan ay biglaang umiiyak ngunit hindi nagsasabi kung ano ang dahilan, hanggang nalaman na ng mga magulang niya kung ano talaga ang nangyari.

Unti-unting lumobo ang sinapupunan ng dalagita. Ginawan umano siya nang masama ng estrangherong lalaking nakilala niya sa pista.

Ang mas malala pa roon, halinhinan daw ang ginawa sa kaniya dahil nag-aya pa ng mga kaibigang lalaki. Kaya hindi matiyak ni Rowella kung sino-sino sa kanila ang nakabuntis sa kaniya.

Hindi iyon masabi-sabi ni Rowella sa mga magulang niya dahil wala siyang masyadong maisasagot sa mga katanungan nila kung saka-sakali. Ni hindi nga niya alam kung taga saan talaga ang lalaking iyon.

Nang malaman ng mag-asawa ang nangyari, galit na galit na nagtungo sila sa kabilang baryo upang alamin kung sino ang hayop na lalaking iyon.

“Maraming mga kung sino-sino ang pumupunta rito tuwing pista kahit wala naman silang kakilala,” sabi ng isang taga roon.

Bagama’t nagreklamo na sila sa barangay, hindi sila makapagsampa ng kaso dahil hindi matandaan ni Rowella ang pagkakakilanlan ng mga ito. Ni hindi nga raw niya matandaan kung ano ang tunay na pangalan ng lalaking nakilala niya sa pista.

Mas lalong nag-iba si Rowella. Malimit na siyang magsalita hanggang sa dumating ang araw na magsisilang na siya. Isang batang babae ang anak niya subalit apat na araw simula noong manganak siya, nalagutan ng hininga ang bata. Ayon sa dokor, masyado raw mababa ang resistensya nito dahil kulang sa nutrisyon. Ito ang mga panahon na ayaw kumain ni Rowella.

Labis na ikinalungkot ito ni Rowella pati na rin ng mga magulang niya.

Simula noon, hindi na siya nagsasalita at palaging nakadungaw sa malaking bintana nila. Parang may tinitingnan sa malayo pero wala naman.

Labis-labis ang pagsisisi ni Rowella. Sa palagay niya ay pinarusahan siya ng Diyos sa kaniyang ginawang pagsuway sa mga magulang. Kung nakinig lamang siya sa mga payo nila, malamang ay hindi mangyayari ang lahat ng ito sa kaniya. Napagtanto niya na kapag magulang ka na, wala ka na talagang ibang iisipin kundi ang kapakanan ng iyong anak, na gagawin mo sa kahit na anumang paraang gustuhin mo.

Advertisement