Nagtaka ang Ina ng Batang Ito Kung Bakit Lumang Sapatos Pa Rin ang Ginagamit ng Anak Kahit Binilhan na Niya Ito ng Bago; Naluha Siya sa Paliwanag Nito
Nasa katamtamang estado ng pamumuhay ang pamilya ng batang si Nico, sampung taong gulang na anak nina Paulito at Via Cruz.
Nagtatrabaho sa isang pagawaan ng mga kasangkapan sa bahay ang ama ni Nico samantalang bank teller naman sa isang bangko ang kanyang ina.
Isang araw, habang tinatali ni Via ang sintas ng sapatos ng anak ay nagtaka ito.
“Anak, bakit lumang sapatos ang suot mo? Hindi ba’t binilhan ka naman namin ng Papa mo ng bago?” untag ng ina sa kaniyang anak.
Hindi sumagot si Nico at nagkataon naman na bumusina na ang sasakyan na maghahatid sa kanya sa paaralan. Humalik ito kay Via at dali-daling tumakbo palabas ng bahay.
Natapos ang kalahating-araw ng klase at hinatid na pauwi sa kanilang bahay si Nico. Pagdating nila sa sala, nagulat siya na may bagong kahon ng sapatos na naroon.
“’Ma, kanino po ‘tong rubber shoes?” tanong ni Nico.
Ngumiti ang ina at sinabihan siyang sa kaniya iyon.
“Baka lang hindi mo nagustuhan iyong binili namin ng Papa mo sa iyo kaya binilhan kita ulit,” wika nito.
Pagkalipas ng isang linggo, nagulat si Via nang sinumbatan siya ng kaniyang mister hinggil sa pagbili ng sapatos ni Nico.
“Akala ko ba binilhan mo ng bagong sapatos si Nico? Bakit mukhang luma yata yung nabili mo?” untag ni Paulito.
Nagulat si Via sa sinabi ng asawa. Idiniin niya na bumili talaga siya ng bago at mahal iyon.
“Kahit itanong pa natin si Nico,” wika ni Via. Ayaw pa naman niya na ang ugat ng pag-aaway nilang mag-asawa ay tungkol sa pera.
Kaya nang umuwi si Nico mula sa paaralan, tama nga naman ang asawa niya na ang suot-suot na sapatos ng anak ay luma nitong sapatos.
“Anak, hindi ba’t may bago kang sapatos? Bakit hindi iyon ang gamitin mo? Sabi tuloy ng Papa mo, hindi raw talaga kita binilhan,” pinigilan ni Via na ipakita ang pagkainis sa anak.
Nagdahilan si Nico na nakalimutan niya raw na may bago na pala siyang sapatos. Inutusan siya ng ina na kunin iyon at dalhin ito sa kaniya upang ipakita sa Papa niya. Ilang minutong naghintay si Via pero hindi bumalik si Nico.
Dito na siya nagtaka.
Pinuntahan niya ito sa kuwarto at nadatnan niyang palakad-lakad si Nico at balisa.
“Anong nangyayari sa iyo, anak? Bakit hindi ka mapakali? May dapat ba akong malaman?” untag ni Via sa anak. Namumutla na ito at kabang-kaba.
“Mama, patawad po. Ibinigay ko po sa kaibigan ko sa labas ng paaralan ang bagong sapatos na bili ninyo para sa akin,” pagtatapat ng bata.
“Ano? Binilhan ka nang bago tapos ipamimigay mo lang pala? Walang mali sa pagbibigay anak pero sana, inisip mo rin na binili namin ng Papa mo iyon para sa iyo. Nagsinungaling ka pa,” sabi ni Via sa anak.
“Pasensya na po, Mama. Naawa lang po ako sa kanila kasi hindi po sila makapasok sa paaralan dahil nakanganga na po ang mga sapatos nila. Hindi po ba sabi ninyo, kung kaya namang magbigay sa kapwa, magbigay? Kaya ibinigay ko na lang po ang sapatos ko, maayos pa naman po ang luma ko eh,” naiiyak na paliwanag ni Nico.
Nabagbag naman ang kalooban ni Via sa kaniyang anak. Pinalapit niya ito at niyakap.
Pinuri ni Via ang anak sa pagiging mapagbigay nito pero pinaalalahanan rin niya na mali ang magsinungaling kahit ano pa ang dahilan.
Inihayag niya rin kay Nico na sana ay pahalagahan nito ang mga binibigay nila ng Papa niya dahil pinaghihirapan nila ito. Kung nais daw nitong tumulong sa ibang bata, magsabi lamang sa kanila, at sila ang gagawa ng paraan para dito.
“Anak, walang masama sa pagtulong. Kaya lang s’yempre, noong pinili ko ang mga sapatos na iyon, ikaw ang naisip ko. Buong atensyon at puso kong pinili dahil alam kong magugustuhan mo. Sa susunod, sabihan mo lang ako kapag nais mong bigyan ng sapatos ang kaibigan mo, para sasamahan kitang bumili. Iyon, magiging maluwag sa dibdib ko kasi alam ko kung para saan at kanino nakalaan,” pagpapaunawa ni Via sa kaniyang anak.
Humingi ng patawad si Nico at nangako sa ina na pahahalagahan na niya ang susunod na mga sapatos at mga gamit na ibibigay sa kaniya ng Mama at Papa niya. Nangako rin siyang hindi na siya magsisinungaling, anupaman ang dahilan.