Pinaghandaan ng Pamilyang Ito ang Lockdown; Paano Kung May Kumatok sa Kanila ng Tulong na Isang Estranghero?
Pinagmasdan ni Leila ang cabinet nila na pinaglalagyan ng namumutaktak na de-lata, noodles at iba pang pagkain. Kagagaling lamang niya sa supermarket at gaya ng nakagawian, bilang panganay na anak, siya ang nakatokang mamili ng mga kailangan nila sa bahay.
Ngunit mas marami ngayon ang kaniyang pinamili dahil sa napipintong lockdown dahil sa napabalitang v*rus na mapanganib at maaaring magpautas sa buhay ng maraming tao.
“Mabuti nang handa tayo kung anuman ang mangyari, lalo na sa panahon ngayon na walang kasiguraduhan dahil sa pand*mya,” sabi ni Leila sa kaniyang ina.
“Oo anak, mas mainam na rin iyan para hindi na tayo lumabas-labas. Mahirap na. Hindi natin alam ang mga susunod na mangyayari, at bagong sakit ito. Sumunod muna tayo sa sinasabi nila na huwag na munang lumabas. Hay, sana naman hindi magtagal ang pand*myang ito,” nababahalang sabi ni Aling Marisol.
“Huwag kang mag-alala ‘Nay, dahil itong stock na ito ay sapat na sapat para sa halos isang buwan na pamamalagi natin dito sa bahay. Pero kung hindi talaga mapipigilan, may quarantine pass naman ako, ako na lang din ang mamamalengke para naman hindi puro de-lata at noodles ang kainin natin. Masama rin sa kalusugan iyan,” paliwanag ni Leila sa ina. Tumango-tango naman si Aling Marisol.
May hinala si Leila na maaaring tumagal ang pahayag ng mga kinauukulan sa na paglulunsad ng enhanced community quarantine sa buong Metro Manila tatlong linggo na ang nakararaan. Maigi nang sigurado at makapag-imbak ng mga pagkain at gamot na kayang tumagal ng mahigit tatlong buwan.
“Mabuti na lang at may sobra kaming pambili ng lahat ng pangangailangan naming buong pamilya, hindi ako mag- aalala at hindi namin kakailanganing lumabas nang lumabas para makaiwas at mahirap nang makakuha ng sakit sa labas,” nangingiting sabi sa sarili ni Leila.
Nakakaramdam naman siya ng awa sa mga naririnig niya sa balita na maraming tutol sa lockdown dahil paano nga naman ang magiging trabaho nila? Paano na ang kita nila at pagkain ng kanilang pamilya?
Matapos makapag-ayos ng mga pinamili sa cabinet, lumabas sa bakuran si Leila upang makasagap ng sariwang hangin, dahil parang mahihimatay na siya sa pagsusuot ng face mask. Maganda ang kanilang bakuran na napapaligiran ng mga halaman. Natutuwang hinawakan ni Leila ang isa sa malulusog na orkidyas na tanim ng kaniyang Nanay.
Maya-maya ay may napansin siyang babae at batang lalaki, mukhang mag-ina. Nag-uusap sila habang naglalakad.
“Nawalan ng trabaho ang Tatay mo dahil sa pagsasara ng pinapasukan niyang kumpanya. Doon muna tayo titira sa mga lola mo hanggang hindi pa siya nakakahanap ng trabaho para pambayad sa upa sa bahay at pagkain,” narinig niyang sabi ng ina ng bata.
Naantig ang kalooban ni Leila. Naisip niya, napakaganda ng posisyon nilang mag-anak, kompleto na ang mga pangangailangan nila, subalit may mga taong lubhang apektado ng sitwasyon ngayon, na hindi man lamang sumagi sa isipan ng lahat.
Pumasok siya sa bahay para ipagpaalam sa kaniyang nanay na magbabalot siya ng ilang de-lata at bigas na mayroon sila para ipamigay sa mga pamilyang nangangailangan, lalo na sa kanilang mga kapitbahay.
Natuwa at pumayag naman ang kaniyang nanay. Ganoon na nga ang kanilang ginawa. Tuwang-tuwa naman ang mga kapitbahay nila dahil malaking tulong na umano ito sa kanila, lalo na ang bigas. Kahit ano kasing ipareha sa kanin ay nakakabusog na.
Maya-maya tumunog ang doorbell nila. Pagsilip niya, may isang batang nakatayo sa labas na hawak ng isang lola na kung hindi siya nagkakamali ay nasa 80 taong gulang na dahil sa kanyang purong puting buhok, namamayat na katawan at postura.
“Ate, puwede pong makahingi ng tulong? Kahit ano pong puwedeng makain, hindi pa rin po kasi kami nabigyan ng ayuda ng barangay. Parang awa n’yo na po,” pagmamakaawa ng bata.
Agad siyang pumasok sa bahay para kunin ang inayos niyang mga plastik na may lamang pagkain at tubig para i-abot sa mag-lola. Inabutan na rin niya ito ng kaunting pera. Tuwang-tuwa at halos maiyak ang mag-lola sa labis na kasiyahan.
Pagtalikod ni Leila, may kurot siyang naramdaman sa dibdib niya, hindi niya namalayan ang pagtulo ng luha niya habang papasok ng bahay. Mahirap palang maging kampante kung alam mong maraming mga taong nasa paligid mo ang nagugutom. Sa kabilang banda, masaya siya dahil nakatulong siya sa kapwa, sa abot ng makakaya niya.