Pinagbabawalan Siyang Magnobyo ng Ina sa Murang Edad; Dapat nga bang Tumakas na lang Siya Dito para Makaranas ng Pagmamahal?
Labinlimang taong gulang pa lang si Jaymie nang huli siyang magkaroon ng kasintahan. Puppy love pa nga ang turing niya sa relasyong iyon dahil ni minsan, hindi sila nakapag-date ng nobyo niya noon dahil labis itong hinahadlangan ng kaniyang mga magulang – partikular na ang kaniyang ina.
“Ang bata-bata mo pa, nagnonobyo ka na agad! Hindi mo ba alam na bibigyan ka lang ng sakit sa puso at trauma ng mga gan’yang klaseng relasyon na wala namang balak na ituloy hanggang sa kasalan?” sermon pa ng kaniyang ina noon kaya takot na takot siyang makipagkita sa kasintahan.
Tinuturing na niyang swerte noon ang araw niya tuwing nakakausap niya sa tawag ang binatang iyon at makakapagpalit ng mga katagang, “mahal kita,” dito dahil halos araw-araw ay tahimik niya lang itong sinusulyapan sa paaralan nitong nasa tapat lang ng kanilang bahay.
Katulad ng sabi ng kaniyang ina, ilang buwan pa ang lumipas ay bigla na lang hindi nagparamdam ang kasintahan niyang iyon. Ni walang sinabi kung tapos na ang relasyon nila o ayaw na sa kaniya. Bigla na lang itong tumigil sa pagpapadala ng mensahe at pagtawag sa kaniya na nagbigay ng malalim na sugat sa puso niya.
Simula noon, labis na niyang pinigilan ang sarili na huwag munang pumasok sa isang relasyon upang maproteksyunan ang sarili sa sakit na hindi niya naman dapat maranasan sa murang edad. Sinulit niya ang kaniyang kabataan at ang buhay kolehiyala niya na labis namang ikinatuwa ng kaniyang ina.
Kaya lang, ngayong bente uno anyos na siya at malapit nang makapatapos ng pag-aaral, muling nagparamdam ang binatang iyon sa kaniya at nais siya nitong makausap nang personal dahilan para siya’y magpaalam sa kaniyang ina.
“Iyong dati mong kasintahan na biglang naglahong parang bula, gusto kang makita at makausap ngayon?” gulat nitong tanong.
“Opo, mama, papayagan niyo po ba ako?” tanong niya rito.
“Aba, s’yempre hindi! Sasaktan ka na naman niyan, Jaymie! Tigil-tigilan mo ‘yang kalandian mo, ha! Sinasabi ko sa’yo, malilintikan ka talaga sa akin! Baka bukas o kaya sa makalawa malaman ko na lang na nabuntis ka ng lalaking ‘yan! Magtatapos ka pa naman ng pag-aaral!” sermon nito sa kaniya kaya wala siyang nagawa kung hindi ang magtakip na lang ng tainga.
Susundin na niya sana ang kaniyang ina nang bigla namang nagpadala ng mensahe ang binata sa kaniya.
“Hihintayin kita sa bus station bukas ng umaga. Magpupunta tayong Tagaytay at doon kita personal na liligawan. Huwag kang mag-alala, ihahatid kita pauwi at haharap na ako sa nanay mo. Na-miss kita, Jaymie,” sabi nito na talagang nagpatunaw ng puso niya at dahil nga hindi siya pinayagan ng ina, naisipan niya na lang na tumakas dito.
Kinabukasan, maaga siyang umalis ng kanilang bahay. Paalam niya sa kaniyang ina na pupunta lang siya sa bahay ng kaniyang kaklase upang gumawa ng proyekto kaya siya’y agad nitong pinayagan ngunit siya’y dumiretso sa istasyon ng bus at doon nakipagkita sa binatang hanggang ngayon ay laman ng puso niya. Nakangiti siya nitong sinalubong at niyakap na para bang hindi ito nakagawa ng kasalanan sa kaniya.
Tila ba isang panaginip ang date nilang iyon. Hawak niya lang ang kamay nito buong biyahe habang nagkukwento ito tungkol sa buhay nito sa abroad. Pagkadating nila sa Tagaytay, pinahiram pa siya nito ng jacket at binilhan siya ng kape na labis niyang ikinakilig.
Marami rin silang pinuntahang tourist spot at doon nagnilay-nilay tungkol sa kanilang nasirang relasyon na ngayon ay muli nilang uumpisahan.
Bandang alas kwatro ng hapon, nagyaya na siyang umuwi upang makauwi siya ng bahay nang maaga na agad namang sinang-ayunan ng binata.
Kaya lang, punuan na ang mga bus na naghihintay sa istasyon. Maaari naman silang makasakay ngunit hindi sila makakapagtabi dahilan para ilang bus ang palagpasin nila dahil gusto niyang buong biyahe ay katabi at kahawak-kamay niya ang binata.
Ang paghihintay nila sa bus ay umabot na ng alas sais ng gabi. Saka lang siya napapayag na sumakay ng binata kahit hindi sila magkatabi nang tumawag at nabisto na siya ng nanay niyang nasa Tagaytay siya kasama ang lalaking kinaiinisan nito.
Pagkauwi nilang dalawa sa bahay, katulad ng inaasahan niya, bunganga ng kaniyang ina ang sumalubong sa kanila. Galit na galit din ito sa kaniyang kasintahan lalo pa’t mag-aalas diyes na sila nakauwi ng bahay.
Ilang beses man niyang ipaliwanag na wala itong kasalanan, ito pa rin ang sinisi ng kaniyang ina dahilan para ito’y marindi at hindi na muling magparamdam sa kaniya matapos ang gabing iyon.
“Hindi siya seryoso sa’yo, anak, iyon lang ang tanging ekplanasyon d’yan! Dahil kung seryoso ‘yon at mahal ka niya, ipaglalaban ka niya! Kaso hindi, eh, binungangaan ko lang, iniwan ka na naman!” sambit pa ng kaniyang ina nang magtapat siya ritong muli siyang iniwan ng binata.
“Siguro nga, hindi niya talaga ako mahal, mama. Ako nga, nagawa kong tumakas sa kumander ng bahay na ito, eh, tapos siya, hindi man lang naging matapang na kaharapin ka. Patawarin mo ako, mama, ha? Hindi ako nakinig sa’yo, ngayon tuloy, nasasaktan na naman ako,” iyak niya sa ina dahilan para agad itong huminahon at siya’y yakapin nang mahigpit.
Wala mang binatang nagpapakilig sa kaniya hanggang ngayon, mataba naman ang puso niyang kapiling ang nanay niyang tunay na nagmamahal sa kaniya kahit ano pang kaharapin niya sa buhay.