Inday TrendingInday Trending
Sinasaktan ng Pamilya ang Binata Dahil Hindi Suportado ng mga Ito ang Hilig Niya sa Pagsusulat; Sa Huli ay Nakamit Din Niya ang Tagumpay

Sinasaktan ng Pamilya ang Binata Dahil Hindi Suportado ng mga Ito ang Hilig Niya sa Pagsusulat; Sa Huli ay Nakamit Din Niya ang Tagumpay

Nasa elementarya pa lang si Jeremy ay hilig na niya ang pagsusulat. Ang problema lang ay mahirap ang buhay nila noon kaya hindi niya natupad ang pangarap niya at hilig ng kaniyang puso, hindi rin siya suportado ng kaniyang pamilya sa gusto niya. Mahilig manakit ang mga magulang niya kapag sinusuway niya ang mga ito lalung lalo na ang nakatatanda niyang kapatid na si Jemil.

Ngunit kahit impyerno ang nararanasan niya sa sariling pamilya ay ipinagpapatuloy pa rin niya ang hilig sa pagsusulat. Nakukuntento na lamang siya sa paggawa ng mga magagandang kuwento sa pagsulat nito sa mga scratch paper. Kahit doon man lang ay nagagawa niya ang kaniyang pangarap.

Sa apat na magkakapatid ay siya ang hindi paborito. Mahina kasi ang ulo niya pagdating sa mga aralin sa eskwela, ‘di gaya ng mga kapatid niya na palaging may honor. Sa pagsusulat lang talaga siya magaling kaya sa inis ng mga magulang niya ay pinahinto na siya sa pag-aaral nang makagradweyt siya sa hayskul. Hindi raw magsasayang ng pera ang mga ito para sa kursong gusto niya kaya inalipin na lang siya sa bahay. Lahat ng mga gawain doon ay siya ang gumagawa. Kapag hindi nagugustuhan ng mga magulang niya at ng Kuya Jemil niya ang pagluluto niya at paglalaba ay pinagbubuhatan siya ng mga ito ng kamay, binubugb*g siya.

“P*nyeta! Anong klaseng luto ito, ito na nga lang ang gagawin mo, hindi mo pa magawa nang maayos!” napapitlag pa si Jeremy nang marinig ang malakas na boses ng kuya niya, lasing na naman ito.

Hinagis ng kapatid ang pinggan sa harap niya, buti ay ‘di siya tinamaan.

“Pasensya na kuya, h-hindi talaga ako magaling magluto, eh. Ayaw naman akong tulungan nina nanay at tatay…”

Hindi pa siya natatapos magpaliwanag ay hinampas na siya ng sandok sa ulo ng kapatid.

“At sasagot ka pa?! Wala ka na ngang silbi dito sa bahay ay tat*nga-t*nga ka pa, g*go!” sabi ng kuya niya at sinikmuraan pa siya.

Namilipit sa sakit si Jeremy, hindi pa nga magaling ang mga pasa niya sa tiyan nang huli siyang saktan nito.

“Huwag, kuya, maawa ka,” halos pagmamakaawa niya nalang, kahit naman pumiglas siya ay wala siyang laban sa lakas ng kapatid niya. Mas lalo itong nainis nang makita ang scratch paper na nakapatong sa mesa.

“Eto na naman! Umaasa ka pa talaga eh ‘no? Pasulat-sulat ka kaya nagkakandapalpak ka sa mga gawain dito sa bahay,” dinampot ng kapatid ang papel at akmang pupunitin pero napaluhod si Jeremy sa harap ni Jemil. Iyon na lang kasi ang kaligayahan niya, naroon ang kuwentong pinaghirapan niya.

Ayaw niyang bitawan iyon kaya naman pinagsisipa siya ng kapatid at nilamukos ang papel at itinapon sa basurahan saka padabog na pumasok sa loob ng kuwarto nito.

Nagpasalamat si Jeremy dahil hindi tuluyang pinunit ng kuya niya ang papel kaya kinuha niya iyon sa basurahan at inayos ang lukot. Tiniklop niya iyon at inilagay sa kaniyang bulsa.

Sa sobrang sama ng loob ay naisipan niyang lumabas ng bahay para maglakad-lakad hanggang sa napadaan siya sa harap ng isang karinderya. Maya maya ay napahawak siyang muli sa tiyan niya, hindi dahil sa sakit ng pagkakasuntok sa kaniya ng kapatid kundi dahil sa kumakalam niyang sikmura. Nagugutom na siya. Nahihiya naman siyang bumalik pa sa kanila. Tiyak na pagagalitan din siya ng mga magulang niya kaya buo na ang pasiya niya na lumayas na lang at huwag na bumalik pa roon. Ipinasok niya ang isang kamay sa kaniyang bulsa ngunit wala ni barya roon na pambili sana kahit tinapay lang. Bigla siyang naawa sa kaniyang sarili. Tama nga siguro ang pamilya niya, hindi siya mapapakain pangarap niya. Nabubuhay lang siguro siya sa mundo ng ilusyon na may mararating siya sa pagsusulat pero ang totoo’y wala naman.

Hindi niya napansin na nahulog sa bulsa niya ang papel na naglalaman ng ginawa niyang kuwento.

Lumapit siya sa tindera sa karinderya para makiusap na baka maaaring makahingi siya ng kaunting makakain ngunit gaya ng inasahan ay hindi siya pinagbigyan nito at itinaboy pa siya.

“Paano kaya ito? Hindi ko na talaga matiis, kumakalam na ang sikmura ko,” sambit niya sa isip.

Isang boses ang narinig niya.

“Teka, boy, sa iyo ba ito?”

Nang lingunin niya ang taong nasa likuran ay laking gulat niya nang mapansin ang isang matandang lalaki na nakangiti sa kaniya. Hawak-hawak nito ang scratch paper na naglalaman ng isinulat niyang kuwento.

“O-opo, sa akin po iyan,” sagot niya na kinuha ang papel sa lalaki.

“Ako si Pacito, kanina pa kita minamasdan, eh… at nang makita kong nahulog itong papel sa bulsa mo’y isasauli ko sana sa iyo kaso naintriga ako sa nakasulat kaya binasa ko at napanganga ako sa ganda ng istorya!” sambit ng matanda.

“T-talaga po? Nagustuhan niyo ang istorya?” tanong niya.

“Oo. Kahanga-hanga! Maikli lang pero detalyado at punumpuno ng puso. Ikaw ba ang sumulat nito?” balik na tanong ng kausap.

“O-opo, ako po. Matagal ko na pong gustong maging manunulat kaso ay hindi po ako nabigyan ng pagkakataon kaya ang naiisip kong mga kuwento ay isinusulat ko na lamang sa mga lumang papel,” tugon niya.

“Ganoo ba? Ang mabuti pa ay sumama ka sa akin, hijo. Pupunta tayo sa opisina ko,” wika ng matanda na niyaya siya na sumakay sa kotse nito. Dahil mukhang mabait naman ito ay hindi siya nag-alinlangan na sumama rito.

Dinala siya ng matanda sa sa kumpanyang pagmamay-ari nito. Isa iyong kilalang publishing company. Nalaman niya na galing din pala sa hirap ang matanda na nagsumikap na maabot ang pangarap at ngayon nga ay may-ari na ng isang kumpanya. Mahilig itong tumambay sa mga karinderya dahil dating may-ari ng karinderya ang namayapa nitong ina. Masuwerte namang naroon ito at nakilala siya. Ikinuwento niya rito ang mga pinagdaanan niya at nakaramdam ito ng awa sa kaniya kaya kinupkop siya nito.

Dahil nakitaan ng malaking potensyal ng matanda si Jeremy sa pagsusulat ay pinag-aral siya nito sa kolehiyo at ang kursong kinuha niya ay creative writing. Habang nag-aaral ay nagsusulat siya ng mga kuwento sa publishing company ni Ginoong Pacito at inilalathala iyon. Laking gulat nila nang wala pang isang buwan ay pumatok agad at namayagpag sa mga mambabasa ang mga gawa niyang istorya.

Sa ngayon ay nakatapos na siya sa pag-aaral at nakapagpundar na ng sariling bahay at lupa. Patuloy siyang umaani ng papuri at parangal bilang isa sa mga pinakamahuhusay na manunulat sa Pilipinas.

Nang minsang naglakakad-lakad siya sa mall ay nakasalubong niya roon ang Kuya Jemil niya. Dali-dali siyang nilapitan nito.

“Jeremy, patawarin mo ako, kami nina nanay at tatay, sa hindi namin pagsuporta sa iyo lalo na sa pananakit namin sa iyo noon. Nagsisisi na kami sa mga nagawa namin. Umuwi ka na sa atin. Matagal ka na nilang hinahanap at hinihintay. Mahina na sila at may mga karamdaman na rin, maawa ka sa kanila,” maluha-luha nitong sabi na halos lumuhod na sa harap niya.

Pinagsisisihan na ng mga ito ang hindi magandang turing sa kaniya noon. Ipinagmamalaki rin siya ng mga ito sa mga naabot niya sa buhay.

Ngumiti si Jeremy at hinawakan ang kamay ng kapatid.

“Dahil sa inyo kung bakit ko narating ang lahat ng ito, kuya…dahil kayo ang isa sa mga inspirasyon ko. Matagal ko na kayong napatawad. Miss na miss ko na rin kayo,” tugon niya na hindi na rin napigilan ang sarili na maiyak.

Sino ba naman siya para hindi magpatawad? Lalo na sa sarili niyang pamilya, ‘di ba? Mula noon ay sinuportahan na siya ng magulang at mga kapatid niya sa pagsusulat niya.

Dahil nahanap na rin niya sa puso niya ang pagpapatawad ay mas lalo pa siyang sinuwerte, mas nakilala pa ang pangalan niya at ang galing niya sa pagsusulat maging sa ibang bansa. Lubos ang pasasalamat niya kay Ginoong Pacito na nagbigay daan para matupad niya ang kaniyang pangarap.

Advertisement