Laging Ninanakawan ng Pera ng Dalaga ang Nanay na Labandera; Ikadudurog ng Puso Niya ang Kasasapitan Nito
Nag-iisang anak lamang si Farrah, iniwan silang mag-ina ng kaniyang ama noong bata pa siya at sumama sa ibang babae. Hindi na ito nagpakita pa sa kanila kaya ang mag-isang bumubuhay sa kaniya ay ang inang labandera na si Aling Lupe.
May edad na ang ale, sisenta y dos anyos na ito at medyo mahina na rin ang pangangatawan pero tinitiis pa rin magbanat ng buto kahit uugud-ugod na para mapatapos sa pag-aaral ang disi otso anyos na anak. Kapag dumating ang panahon na mawala na rin siya sa mundo ay panatag siya na hindi magiging kawawa ang anak dahil ito’y nakatapos sa pag-aaral.
Pero sa halip na makita iyon ng dalaga ay tila balewala pa rito lahat ng sakripisyo ng ina, wala itong ibang ginawa kundi sumama sa mga kaibigan, makipag-date, at waldasin ang perang pinaghirapan ng nanay niya.
“Babe, gusto ko ng bagong sapatos. Bilhan mo naman ako,” malambing na sabi ng nobyo niya sabay yakap sa kaniya nang mahigpit isang beses na namamasyal sila sa mall, nag-cutting classes sila upang makapag-date. Kasama niya rin ang mga barkada niya na may kasama ring mga dyowa.
Napakaguwapo kasi ng boyfriend niya kaya pat*y na pat*y siya rito at lahat ng gusto ng binata ay ibinibigay niya gaya ngayon, kinukulit na naman siya nito, nagpapabili ng bagong sapatos. Kung tutuusin ay siya dapat ang binibigyan nito ng regalo dahil siya ang babae pero tila iba ang sitwasyon nila, siya ang mapagbigay sa nobyo.
“Sige, gagawan ko ng paraan,” sagot niya.
“Dapat mo talagang gawan ng paraan, babe. ‘Di mo naman siguro gustong kay Paning na parlorista ako manghingi, ‘di ba?” nakangising sabi ng binata at nagtatampo pa.
Ang tinutukoy nito ay ang b*ding nilang kapitbahay na malaki ang pagkagusto sa boyfriend niya. Siyempre, hindi siya papayag na gawin iyon ng nobyo.
“Oo na sabi eh. Ako ang bahala, gagawan ko ng paraan iyan. Bukas din ay may bago ka nang rubber shoes,” wika niya rito at tinitigan pa sa mata bago dinampian ng halik sa labi. Masayang masaya namang napatango ang nobyo at nagpatuloy na sila sa pamamasyal.
Alas nuwebe na ng gabi siya nakauwi sa bahay nila. Inayos pa niya ang sarili para hindi mahalata ng nanay niya na nakainom siya. Bago sila naghiwalay ng barkada ay nagkayayaan pa sila na uminom sa bar.
“O, ginagabi ka yata, anak? Kumain ka na ba? Ipinagluto kita ng paborito mong pritong tilapya,” wika ni Aling Lupe na hindi pa rin magkandaugaga sa mga labahin. Kahit pagod na ay gumagawa pa rin ang ginang para maraming kita.
“Sige po, magbibihis lang po ako,” tangi niyang sagot.
“Napakasipag talaga ng anak ko. Gabi na umuwi dahil maraming ginagawa sa eskwela, ano? Pagbutihan mo ang pag-aaral ha, anak?” malambing na sabi ng ina na hinaplos pa sa ulo ang dalaga.
‘Di naman sumagot si Farrah at pabalagbag na umupo sa hapag kainan matapos na makapagpalit ng damit. Nang makahain ang ina ay sinimulan na niyang kumain at ‘di man lang nagtangkang yayain ito. ‘Di niya alam na nagparaya lamang ang ina sa kaniya at hindi pa rin naghahapunan.
Kinaumagahan, maagang nagising si Farrah. Hindi siya papasok sa eskwela dahil mamamasyal sila ng nobyo at ibibili ito ng gusto nitong sapatos.
“L*ngyang buhay ito, dapat ako ang binibilhan, eh pero ano ang magagawa ko? Mahal ko ang g*gong iyon, eh,” bulong niya sa isip.
Pero saan nga ba niya kukunin ang perang pambili ng luho ng boyfriend niya?
Maya maya ay may kung anong pumasok sa isip niya. Binuksan niya ang aparador ng ina at kinuha roon ang alkansya nito. Laking tuwa niya nang makitang maraming laman iyon at halos mapupuno na. Sa tantiya niya ay kulang kulang limang libo iyon. Mabibili niya na ang gustong sapatos ng nobyo niya, makakapagyabang pa siya sa mga kaibigan niya at planong ilibre ang mga ito.
Hindi siya nagdalawang isip na kupitin ang pera sa alkansya at umalis na. Tuwang-tuwa ang boyfriend niya dahil bukod sa sapatos naibili pa niya ito ng T-shirt. Talagang big time ang dating niya rito pati sa mga kabarkada niya. Sinabi pa nga ng nobyo niya na babawi raw ito sa susunod at siya naman ang bibilhan nito ng regalo. Siyempre, kinilig naman siya.
Kinagabihan, inabutan niya ang ina na taranta at hindi mapakali. Ayaw man niya pero hindi niya napigilan ang sarili na magtanong.
“A-ano pong hinahanap mo, inay?”
“N-nawawala kasi ‘yung pera na nakalagay sa alkansya ko, anak, eh. May pinaglalaanan ako niyon, imposibleng mawala iyon dito,” nag-aalalang sabi ng nanay niya na napapakamot na sa ulo.
“So, ako ang pagbibintangan niyong kumuha niyon?” inis niyang sabi.
“Hindi naman ganoon anak, wala naman akong sinasabi na ikaw ang kumuha, ang akin lang kasi…”
“Eh ano? Sa tono ng pananalita niyo, ako ang pinagbibintangan niyo eh! Malay ko sa pera niyo! Baka nariyan lang iyan, wala namang ibang kukuha niyan sa loob ng aparador niyo,” paangil pa niyang sabi saka tuluyang tinalikuran ang ina.
Narinig niyang tinawag pa siya ng ina at humihingi ng paumanhin pero ‘di niya ito pinakinggan. Dire-diretso siyang lumabas ng bahay at pumunta sa mga kapitbahay niyang kaibigan.
Hindi doon natapos ang pangungupit niya sa ina, itinuloy niya ang palihim na pagkuha sa perang itinatago nito, ang mga halagang iyon ay mula sa kinikita nito sa paglalabada. Wala siyang ginawa kundi waldasin sa walang kapararakan ang perang pinaghirapan ng nanay niya. Kapag nalalaman naman nitong nawawalan ito ng pera ay hindi ito nagagalit sa kaniya, hinayaan siya nito sa pangungupit niya kaya sa isip niya ay tatanga-tanga ang nanay niya na madaling linlangin at mauto.
Makalipas ang ilang taon
Nakapagtapos na sa kolehiyo si Farrah at nakakuha na rin siya ng magandang trabaho sa Makati. May sarili na rin siyang pamilya. Sa kasamaang palad ay hindi sila nagkatuluyan ng dati niyang nobyo ngunit suwerte naman siya sa naging asawa niya dahil isa iyong guwapung-guwapong piloto na nagmula sa may kayang angkan. Biniyayaan sila ng dalawang anak kaya masasabi niyang natupad na ang pangarap niyang maayos na buhay.
Sa kabila ng tinatamasa niyang karangyaan ay kinalimutan niyang isama roon ang sarili niyang ina. Mula nang makagradweyt at nagtrabaho ay iniwan niya ang nanay niyang si Aling Lupe sa maliit nilang barung-barong. Wala na rin siyang balak na balikan pa ito ang miserable nilang buhay noon, pero isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa dati niyang kapitbahay.
“Dalawin mo naman ang nanay mo dito. May sakit siya ngayon, kailangan niya ng pambili ng gamot,” sabi ng nagmamagandang loob na kapitbahay sa kabilang linya.
“L*tse! Ayaw ko na ngang bumalik doon, eh,” inis niyang sambit sa sarili.
Pero naisip niya na baka itsismis naman siya ng kapitbahay niyang iyon kapag nalaman nitong hindi man lang niya pinuntahan ang ina at hindi ito tinulungan kaya wala na siyang nagawa kundi bumalik sa lugar na pinagmulan niya. Ang masikip, marumi at mabahong iskwater kung saan nakatira ang nanay niya.
Pagkalabas niya sa opisina ay agad siyang nagtungo roon. Bumungad sa kaniya ang barung-barong. Mas luma na ito at napag-iwanan na ng bahay na bato sa paligid. Madilim na loob, baka ‘di nakakabayad ng kuryente ang nanay niya.
“Si Lupe? Nandyan sa loob, pakilala ka nalang ineng at ulyanin na ang matandang iyan, eh. Matagal na ring naputulan ng ilaw dahil wala namang ibabayad iyan dahil nahinto na rin sa paglalabada. Nakaratay na lamang siya sa papag, hindi na makatayo. Malala na kasi ang sakit niya sa atay. Nagtutulong-tulong na lang kaming magkakapitbahay para sa matanda, nakakaawa rin kasi,” sabi ng may edad na babaeng naabutan niya sa loob ng barung-barong, may dala itong pinggan. “Ito nga at binigyan ko ng pagkain, eh, hindi pa raw nanananghalian,” saad pa ng ale.
Hindi siya sumagot at tuluyan nang pumasok sa loob. Nakita niya ang ina na nakahiga sa lumang papag, payat na payat na ito at mahinng-mahina na.
Maya maya ay nagsalita ang matanda.
“Naku, anong oras na ba? Hindi pa ako nakakapagluto ng hapunan para sa anak kong si Farrah. Pagod sa eskwela ang batang iyon, eh, nakakaawa naman ang anak ko. Nagsisipag sa pag-aaral para makatapos siya sa kolehiyo, proud na proud ako sa anak kong iyon,” wika ni Aling Lupe.
Unti-unting gumuhit ang sakit sa dibdib ni Farah. Hanggang ngayon ay siya pa rin ang iniisip ng kaniyang ina, kahit pa iniwan niya ito’t pinabayaaan sa miserableng buhay.
Mas lalo niyang ikinapanlumo ang sumunod na sinabi ng nanay niya.
“Kaya niya siguro kinukuha ang pera ko sa alkansya para may pambili siya ng projects sa eskwela? Kawawa naman si Farrah ko, kaya nga hinahayaan ko na lang na iyon ang gawin, niya para naman iyon sa pag-aaral niya, eh. Iniipon ko sana ang perang iyon para pampagamot ko sa sakit ko sa atay pero mas mahalaga sa akin ang pangarap ng anak ko kaya ayos lang. Makita ko lang na masaya at matagumpay sa buhay ang aking si Farrah ay maligayang-maligaya na ako, mahal na mahal ko ang anak kong iyon eh,” sambit pa ng kaniyang ina.
Hindi na napigilan ni Farrah na mapahagulgol. Tigib ang luha niya dahil sa pagsisisi sa mga nagawa niya sa ina. Matagal na pala nitong alam ang pagnanakaw niya ng pera pero inuunawa pa rin siya ng nanay niya. Buong buhay nito ay inialay sa kaniya. Imbes na gamitin sa pagpapagamot sa sakit nito ang naipong pera ay hinayaan ng ina na gamitin niya ang pera. Laking pagsisisi niya dahil sa kabila ng pagiging matagumpay ay iniwan niya ito at pinabayaan sa kabila ng lahat sakripisyo nito. Hindi niya namalayan na nakita siya ng ina at narinig siyang umiiyak.
“O, sino ka ineng at bakit ka umiiyak? Huwag ka nang umiyak, ako nga hindi umiyak nang iwan ako ng pinakamamahal kong si Farrah, eh. Alam kong maayos na ang lagay niya, para sa akin ay masaya na ako sa narating niya. Malaman ko lang na okay na ang anak ko’y wala na akong mahihiling pa,” sabi ng matanda na hinawakan siya sa kamay.
Walang anu-ano ay niyakap ni Farrah ang ina at humingi ng tawad sa lahat ng kasalanan at pagkukulang niya rito. Inalis niya ito sa bahay na iyon at inalagaan. Binigyan niya ito ng magandang buhay at ipinagamot din niya ang karamdaman nito. Nakakalungkot lang dahil huli na, kahit anong gawin niya ngayon, kahit bumawi pa siya ay ‘di na siya natatandaan ng nanay niya.
Ipinakita sa kuwento na huwag tayong mag-atubili na iparamdam sa ating mga magulang ang ating pagmamahal dahil maiksi lamang ang buhay. Habang narito pa sila sa mundo ay sulitin na natin ang bawat oras na kasama sila.