Ginagawa Niya ang Kahit Anong Kalokohan Dahil Alam Niyang Ililigtas Siya ng Kaniyang Ama; Siya pala ay Nagkamali
Sanay ang binatang si Robin na palagi siyang pinagtatakpan at inililigtas ng kaniyang ama kahit anong kalokohan man ang kaniyang gawin. Isa ito sa mga pinakakilalang personalidad sa larangan ng pagnenegosyo at may limpak-limpak na pera dahilan para kahit saang sulok man siya ng mundo gumawa ng kalokohan, anumang oras ay naililigtas siya nito sa tulong ng mga tauhan nito.
Hindi na mabilang sa kamay ang dami ng mga kalokohang ginawa niya na tinatabunan ng kaniyang ama gamit ang pera upang huwag siyang lalong mapahamak o makulong.
Sa tuwing siya’y may naaagrabyadong tao, may katungkulan man o wala, sasapalan lang ng pera ng kaniyang ama ang mga ito at siya’y agad na maaabswelto dahilan para hindi siya matakot na gumawa ng kahit anong kalokohan.
Alam din kasi niyang hinding-hindi talaga siya pababayaan ng kaniyang ama dahil kapag nalaman ng media na anak siya ng isa sa pinakakilalang negosyante, pati negosyo nito ay maaapektuhan.
Sa katunayan, may pagkakataon pa ngang kinuhanan niya ng bidyo ang ilang parte ng pinag-uusapang pelikulang pinanuod niya sa sinehan para lang makapagpasikat sa social media kahit alam niyang pinagbabawal iyon. Katulad ng inaasahan niya, nang siya’y hanapin na ng direktor ng pelikulang iyon, sandamakmak na pera ang binigay ng kaniyang ama roon kapalit ng pananahimik nito.
“Da best ka talaga, daddy!” patawa-tawa niyang sabi matapos nitong bayaran ang naturang direktor.
“Hindi sa lahat ng pagkakataon, mapagtatakpan kita, Robin. Umasta ka batay sa edad mo! Hindi ka na bata para gawin ang mga ganitong klaseng kalokohan!” sermon nito sa kaniya.
“Kunyari ka pa, daddy, eh! Hindi mo rin naman ako matitiis! Baka kahit nga tumapos ako ng buhay ng isang tao, pagtatakpan mo pa rin ako dahil ayaw mong madungisan ang pangalan mo at ng kumpanya mo!” nakangisi niya pang sabi.
“D’yan ka nagkakamali! Isang pagkakamali pa ang gawin mo, hinding-hindi na ako magdadalawang-isip na turuan ka na ng leksyon!” babala nito sa kaniya.
“Naku, nakakatakot naman ‘yon, daddy!” sarkastiko niyang wika saka niya ito iniwang galit na galit.
Upang mapatunayan kung kaya nga itong gawin ng kaniyang ama, siya’y dumiretso sa isang kilalang bar upang doon magpakalunod sa alak. Pagkatapos noon, siya’y nagmaneho pauwi kahit pa doble na ang kaniyang paningin.
Habang nasa daan, siya’y pinatigil ng mga pulis nang mapansing paliko-liko at wala sa linya ang kaniyang pagmamaneho. Ngunit imbes na siya’y sumunod sa mga ito, nagpahabol pa siya sa mga ito.
“Tingnan na lang natin kung mahuhuli niyo ako!” sigaw niya pa sa mga ito saka pinaharurot ang kaniyang sasakyan. Habang abala sa pakikipaghabulan sa mga pulis, tumawag na rin siya sa isa sa mga tauhan ng kaniyang ama upang iresolba na ang gusot na nagawa niya.
Kaya lang, kahit anong tawag niya rito at sa kaniyang ama, hindi siya sinasagot ng mga ito. Hanggang sa bigla na lang siyang nakabangga ng isang matandang namamasada ng pedicab at doon na siya nahuli ng mga pulis.
Agad na dinala sa ospital ang naturang matanda habang siya naman ay diniretso sa pulisya. Muli niyang tinawagan ang kaniyang ama para siya’y muling maabswelto, pero hindi pa rin ito sumasagot.
Nang siya’y ikukulong na sa selda, agad siyang nagpumiglas sa mga pulis. Pinagmumumura niya pa ang mga ito dahil sa tahasang pagdakip sa kaniya.
“Hindi niyo ba kilala ang tatay ko? Siya ang may-ari ng…” hindi na niya natapos ang sinasabi dahil narinig niyang nagsalita ang kaniyang ama.
“Anak ko nga siya pero kung nakasakit na siya ng isang matanda, hindi ko na siya hahayaang maabswelto pa. Mali rin ako na palagi ko siyang pinagtatanggol, ayan tuloy, lumaki ang kaniyang ulo at buong akala niya, kaya niyang hawakan sa leeg ang lahat ng tao dahil tatay niya ako,” sambit nito na agad niyang ikinapanghina.
“Ano’ng ibig mong sabihin, daddy?” tanong niya.
“Ikulong niyo na siya, kahit ilang taon pa. Pasensya na kayo, ha, hindi na ako magtatagal. May meeting pa ako bukas ng umaga,” paalam nito sa pulis saka agad nang umalis kasama ang ilan nitong tauhan.
Sa sobrang inis niya, wala siyang ibang nagawa kung hindi ang maiyak at kusang magpunta sa kaniyang selda.
“Bakit ba hindi ko inintindi ang sinabi niyang hindi niya na ako muling ililigtas? Bakit sinubukan ko pa ang pagmamahal niya sa akin? Ngayon, sa unang pagkakataon, pagsisisihan ko ang pagkakamali ko,” iyak niya bunsod ng matinding pagsisisi.
Nabalitaan niyang tinulungan ng kaniyang ama ang matandang nabangga niya at hinayaang dumaan sa tamang proseso ang kaso niya.
Nang siya’y patawan ng ilang taong pagkakabilanggo, wala rin itong ginawa. Sabi lang nito sa kaniya, “Pagsisihan mo ang lahat ng ginawa mo at ikaw ay magbago upang sa paglabas mo, muli kitang pahahalagahan,” na labis na dumurog sa kaniyang puso.
Mahaba-habang taon pa man ang bubunuin niya sa kulungan, malaki naman ang naitulong nito upang siya’y maging isang mabuting tao na hindi umaasa sa taba ng bulsa ng kaniyang ama.