Isang Babae ang Dalawang Taon nang Nawawala; Anong Misteryo ang Matutuklasan ng Bagong Hepe?
“Hepe, may naghahanap po sa inyo. Gusto raw po nila kayong makausap,” pahayag ng isa sa mga pulis na kasama niya sa istasyon.
Pinigil ni Marvin ang nararamdamang iritasyon.
“Pakisabi, abala ako. Sa susunod ko na lang sila haharapin,” sagot niya na hindi man lang nag-angat ng tingin. Abala kasi siya sa pagpirma sa samu’t saring mga dokumento.
Magmula nang dumating siya sa bagong opisina matapos malipat ng istasyon, panay bisita na ang mga residente na gusto siyang makilala at batiin. Dahil maliit ang bayan, mukhang magkakakilala ang lahat at malalapit sa isa’t isa kaya gusto rin ng mga itong mapalapit sa kaniya.
Hindi niya masisisi ang mga ito dahil sa tradisyon, pero napagtanto niya na nakakaubos ng oras na makipag-usap lalo pa’t marami siyang kailangang gawin.
Nag-angat siya ng tingin. Hindi pa rin kasi umaalis sa harap niya ang kasamahang pulis. Nakangiwi lang ito at nakahawak sa batok.
“Umiiyak po ‘yung matandang babae. Hindi ko yata matatanggihan,” paliwanag nito. Napabuntong-hininga na lang si Marvin at sinenyasan ang kasamahan na papasukin ang bisita.
Pumasok ang dalawang matanda na sa tingin niya ay mag-asawa. Nakahawak ang babae sa braso ng lalaki habang ang lalaki naman ay may dalang basket ng prutas.
“Heto ho. Para sa inyo,” anito sabay abot ng basket sa kaniya.
“Salamat ho. Maupo ho muna kayo riyan,” pilit ang ngiting sagot niya sa mag-asawa.
Akala niya ay normal na kumustahan lang ang mangyayari pero nagkamali siya nang marinig niya ang pakiusap ng mag-asawang nagpakilalang sina Mang Herbert at Aling Salome.
“Hepe, halos magdadalawang taon na magmula nang huli naming makita ang anak naming si Charlene. Kahit na anong gawin namin, hindi talaga namin siya matunton. Ang sabi ng mga tao, kailangan na naming tanggapin na wala na siya. Kung totoo man iyon, gusto kong makita kahit na katawan lang niya para matahimik na ang pamilya namin. Hindi kami natulungan ng mga pulis noon. Umaasa kami na baka matulungan n’yo kami, Hepe,” umiiyak na kwento ni Aling Salome.
“Pakiusap po. Gusto lang namin siyang makita kahit na sa huling pagkakataon at mabigyan ng tamang libing. Magmula nang mawala siya, hindi na siya nawala sa isip naming mag-asawa, para na rin ho sa katahimikan namin,” dagdag pa ng matandang lalaki.
Nakaramdam siya ng simpatya para sa mag-asawa. Walang pagdadalawang-isip siyang tumango at nangakong tutulungan niya ang mga ito sa abot ng kaniyang makakaya.
Nang makaalis ang mga ito, agad niyang tinawagan ang pulis na nakadestino sa lugar na iyon bago siya. Naisip niya kasi na kung dalawang taon na ang kaso, siguradong alam nito ang tungkol doon.
Ito ang inaasahan niyang tutulong sa kaniya pero nagkamali siya. Unang banggit niya pa lang sa kaso ay agad na itong umalma.
“Para saan pa? Ako mismo ang nag-imbestiga sa kaso na ‘yan ng ilang taon pero wala akong napala kahit na anong gawin ko. Matagal ko nang tinapos ang kaso, kaya bakit balak mo pang kalkalin uli?” Halata ang inis sa boses nito.
“Alam ko, pero lumapit sa akin mismo ang mga magulang niya. Hindi naman pwedeng tanggihan ko, hindi ba?” aniya, balot ng pagtataka sa kawalan nito ng simpatya sa pamilya ng nawawala.
“Malamang hindi nila matanggap-tanggap na wala na ang anak nila. ‘Yun lang ‘yun, kaya ‘wag mo nang pansinin. Hayaan mo na lang para matahimik na ang lahat. ‘Wag mo nang buksan muli ang kaso dahil kung hindi, iisipin ko na wala kang respeto at tiwala sa akin,” pinal nitong pahayag bago ibinaba ang tawag.
Napabuntong-hininga na lang si Marvin. Mukhang galit talaga ito at walang balak na tumulong. ‘Di hamak na mas mataas ang posisyon nito sa kaniya kaya’t ayaw niya rin sanang kalabanin. Gayunpaman, mas nanaig ang kagustuhan niya na matulungan ang dalawang matanda, lalo na’t halos araw-araw kung magtungo ito sa istasyon.
Hanggang sa nakapagdesisyon siya. Hahanapin niya si Charlene at susubukan niyang tuldukan ang misteryo na bumabalot sa pagkawala nito.
Hindi biro ang hirap ng pag-iimbestiga. Walang gustong tumulong sa kaniya, na sa hinuha niya ay kagagawan ng dating hepe na residente mismo ng lugar na iyon.
Gayundin ang mga residente. Walang naniniwala sa mga ito na may nangyari sa dalaga. Mas naniniwala pa ang mga ito na engkanto o kung anumang lamang lupa ang kumuha sa dalaga. May ilan din na nagsasabi na lumayas ito dahil sa hirap sa probinsya.
Halos mawalan na siya ng pag-asa. Ngunit alam niya na may kung anong mali sa pagkawala ni Charlene. Natuklasan niya kasi na ito na ang pangatlong residente na nawala at hindi na kailanman nakita.
Sa pag-iimbestiga niya ay napadpad siya sa gubat kung saan huling nakita ang nawawalang babae.
Sa totoo lang, pumuslit lang siya para makapasok. Magmula nang mawala kasi ito, sinara na ng mga awtoridad ang lugar at hindi na pwedeng puntahan ng mga tao.
Madilim ang paligid kahit na umaga dahil sa kasukalan. Napakatahimik ng paligid. Napukaw ang atensyon niya nang makakita siya ng isang maliit na bahay sa isang sulok ng gubat. Tagong tago ito at hindi makikita kung hindi lalapitan at tititigan nang maigi. Nabalutan na kasi ng mga halaman ang kahoy na pinto.
Maingat siyang naglakad palapit. Pasimple niya ring binunot ang baril kung sakali mang may panganib na dumating.
“Tao po? May tao ba rito?” tanong niya.
Namayani ang katahimikan pero maya-maya lang ay nakarinig siya ng mahihinang kaluskos at impit na sigaw ng isang babae.
Maingat siyang pumasok sa loob ng bahay. May isang kwarto na naka-kandado, at doon galing ang tunog.
Pwersahan niyang sinira ang pinto. Tumambad ang isang babaeng nakakadena at nakabusal ang bibig.
Nang makalagan ito ay noon niya nakumpirma na ito si Charlene. Ang taong hinahanap niya.
“Ano’ng nangyari sa’yo? Sino ang nagkulong sa’yo rito?” tanong niya sa pobreng dalaga.
Matagal itong hindi nagsalita. Tuloy-tuloy lamang itong humahagulgol na para bang wala nang bukas.
“Ang H-hepe… Siya ang n-nagkulong d-dito sa akin,” nangangatal na sagot nito.
Tila may bombang sumabog sa harapan niya. Isa-isang bumalik sa isip niya ang mga kaduda-dudang kilos at salita ng dating hepe. Kaya pala ganoon na lang ang pag-alma nito sa imbestigasyon, takot pala itong mabunyag ang totoo.
Doon nito sinabi at ikinuwento ang lahat. Mula sa pagdukot dito ng pulis na pinagkakatiwalaan, pang-aabuso at pagkulong rito sa loob ng dalawang taon para itago ang totoo.
“Paano ka nabuhay nang ganito? Paano ka kumakain o umiinom?” takang usisa niya.
“Isang beses sa isang linggo, dumarating siya rito, nagdadala ng pagkain. Tapos pauli-ulit akong pagsasamantalahan,” kwento ni Charlene.
Napakuyom ang kamao niya. Napakahayop nito!
“Salamat po! Akala ko, dito na ako mamamat@y!” umiiyak na bulalas ni Charlene.
“‘Wag kang mag-alala. Tutulungan kita na makamit ang hustisya,” pangako niya.
Nang araw na iyon, muling nakauwi si Charlene sa pamilya nito. Naaresto ang dating hepe sa salang ginawa nito.
Sinubukan nitong umalma, ngunit napakaraming ebidensya, lalo pa’t paulit-ulit nitong pinagsamantalahan si Charlene.
Ang pangyayaring iyon ay nagdulot ng takot, ngunit nagdala na rin ng kamalayan sa maraming residente.
Tunay ngang hindi natin lubusang makikilala ang isang tao, minsan kung sino pa ang pinagkakatiwalaan natin nang husto, kung sino ang hindi natin pinagdududahan, sila pa itong maraming itinatago!