Pakiramdam ng Dalaga’y Nasa Kaniya na ang Lahat; Gumuho ang Mundo Niya nang Biglang Nakipaghiwalay ang Nobyo Niya
Pagod sa trabaho ngunit may ngiti pa rin sa mga labi. Ilang oras na lamang at sa wakas ay matatapos na ang mga trabaho ng dalagang si Zen. Dalawang linggo silang hindi nakapagkita ng nobyo niya dahil sa pagkaabala niya sa dalawa niyang trabaho, kaya naman sabik na sabik na siya dahil may date sila nito mamaya.
“Zen, nandiyan na ang sundo mo! Grabe ka talaga, mapapa-sana all na lang talaga kami sa’yo,” pang-aasar ng katrabaho niyang si Joanna nang makita nitong bumaba na ng taxi ang nobyo niyang si Karlo upang siya’y sunduin.
Napangiti na lamang ang dalaga, at saka nanumbalik sa kaniya ang mga alaala ng nakaraan.
Limang taon na ang nakalipas, malayo si Zen sa kung ano ang mayroon siya ngayon. Iniwan ng nobyong nangaliwa, mataba dahil nagpabaya nang maging kampanteng hindi na iiwan ng nobyo, walang trabaho at pabigat sa bahay nila – kaya madalas ay makaalitan ng mga magulang at kapatid niya. Katunayan, matalino’t masipag naman si Zen. Ang kaso’y desisyon niya ang huwag humanap ng trabaho dahil ang nais lamang niya noon ay buong araw na kapiling ang dating nobyong si Paul.
Kaya’t nang iwan siya ng dating kasintahan dahil nakahanap na raw ito ng ipapalit sa kaniya, gumuho ang mundo ng dalaga. Ilang buwan siyang nagpakalango sa alak kasama ang kung sino-sinong lalaki na nakikilala niya sa kung saan-saang bar siya mapadpad. Matapos magpalipas ng gabi sa bahay ng kung sinumang lalaki, uuwi lamang siya sa kanila upang kumain at magpalipas ng kalasingan. Sa pagsapit ng gabi’y ganoon muli ang gagawin niya.
Lumipas ang isang taon, napilitan nang magtrabaho si Zen dahil nahihirapan na rin siyang manghingi ng pera sa mga magulang niya para may pang-gimmick at pang-inom siya. Naisip niyang kung may sarili na siyang pera, hindi lang hanggang Maynila ang inumang maiikutan niya. Wasak pa rin ang puso niya, at tanging pag-inom lamang ng alak ang nagbibigay ginhawa sa nagdurugo niyang puso.
Dahil nga matalino naman at masipag, agad na napasok sa trabaho ang dalaga sa isang call center sa Quezon City. Sa biyahe pa lang ay natagtag na ang katawan niya, idagdag mo pa ang stress na dulot ng sangkatutak na tawag na kailangan niyang sagutan na siyang trabaho niya. Kaya ‘di kataka-taka na ilang buwan lamang ay namayat na ang dating siksik niyang katawan – bagay na ikinatuwa naman niya. Nang makita ang pagbabago sa katawan ay dinaluhan niya pa ito ng ehersisyo at pagkain nang tama. Ilang buwan pa at seksing-seksi na ang dalaga.
Sa trabahong iyon, doon niya nakilala ang kasalukuyan niyang nobyong si Karlo. Ilang buwan din itong nanligaw sa kaniya. Naging mailap siya dahil sariwa pa rin sa kaniya ang sakit na dulot ng dating nobyo, idagdag pa na tatlong lalaki ang sabay-sabay na nanliligaw sa kaniya noong mga panahong iyon. Pakiramdam niya’y kailangan niyang mamili nang maayos.
Sa tatlong manliligaw, isa lamang ang pasado sa panlasa niya – si Karlo. Kaya’t matapos ang ilang buwang ligawan, sa huli’y dito niya rin ibinigay ang matamis niyang oo. Buhat noon ay itinigil na niya ang pag-inom at pagsama sa kung sino-sinong lalaki gabi-gabi. Nang dahil din kay Karlo ay tuluyan na niyang nalimot ang pait ng kahapon buhat ng manlolokong si Paul.
At iyon na nga, inlab na naman ang dalaga.
Ngunit sabi niya sa isip niya noon, gagawin niya ang lahat upang hindi maging gaya ng dati ang patunguhan ng relasyon nila ni Karlo. Kung dati’y hindi siya mahiwalay kay Paul at puro ang binata na lang ang inaatupag, ngayon ay tumutok siya sa kaniyang trabaho, pamilya, kaibigan, at maging sa kaniyang sarili. Isang taon lang ang itinagal niya sa kompanyang iyon at nagdesisyon lumipat sa iba na nag-offer sa kaniya ng mas malaking sahod. Tinanggap niya iyon kahit pa magkahiwalay sila ng pinagtatrabahuan ni Karlo – may tiwala naman daw kasi sila sa isa’t isa. Kaya nga ngayon, paganda na nang paganda ang pinansyal na estado niya. Bagay na ikinatuwa ng mga magulang niya dahil malaki ang naiaabot niya sa mga magulang buwan buwan.
“Hoy mars, ano ka ba! Pinaghihintay mo naman masyado si Karlo!” hiyaw ni Joanna kay Zen kaya’t nagbalik na sa kasalukuyan ang pag-iisip niya.
Nang makababa ay binigyan niya ng sabik na halik ang nobyo.
“Grabe babe! Sobrang pagod ko, pero nawala agad pagkakita ko palang sa’yo!” paglalambing ni Zen sabay yakap kay Karlo. Nagtataka naman siya kung bakit wala itong kibo.
“Uy! Ok ka lang? Tara na, excited na ako sa date natin. Maganda ‘yong pina-reserve kong restaurant, sosyal at romantic ang datingan!” dagdag pa niya, ngunit walang pagbabago sa ekspresyon ng binata.
Doon na siya labis na nagtaka at nangamba.
“Zen… Kaya ako nagpunta rito, para lang pormal na sabihin sa’yo na… ayoko na. Napapagod na ako…” bungad ni Karlo sa kaniya.
‘Di makapaniwala si Zen sa kaniyang narinig.
“Ha? Bakit? Prank ba ‘to?” nakatawa pang tanong ng dalaga, mahilig kasi sa kalokohan si Karlo at pakiramdam niya’y biro lamang ito. Birong hindi nakakatuwa.
“Hindi, hindi ito prank. Zen, tatlong taon na tayo. Sa tatlong taong iyon, palagi akong nasa huli ng prayoridad mo. Madalas, mainit ang ulo mo dahil pagod ka sa trabaho. Tatlong taon kitang inintindi… pero ngayon, sagad na ako, ubos na. Ayoko na,” wika ng binata, wala man lang mababakas na lungkot sa mukha nito. Matapos sabihin ang pakay ay umalis na rin ito kaagad.
Naiwang nakatulala si Zen sa lobby ng opisina nila. Ang dami niyang gustong sabihin kay Karlo ngunit hindi man lang siya nito binigyan ng pagkakataon. Gusto niya mang habulin ito at magmakaawa – bagay na ginawa niya dati sa dati niyang nobyo, pinigilan niya ang sarili niya. Ayaw niyang muling magmukhang desperada at kawawa. Gayunpaman, ang kirot na dati niyang nadama, tila ba mas mahapdi ngayon.
“Tang *na! Ito na naman ba?!” napamura sa sarili ang dalaga. Wala sa sarili ay pumara siya ng taxi.
“Manong, sa Rookies tayo,” aniya sa drayber, lugar iyon kung saan siya madalas magpakalango sa alak noong iwan ni Paul.
Pagdating sa bar, umorder agad ng sangkatutak na alak si Zen.
Isa. Dalawa. Tatlong lagok. Sunod-sunod.
Ito ang alam niyang paraan para makalimot. Ito lang. Ang magpakalango sa alak.
Halos maibalibag niya ang kaniyang selpon nang makita sa social media ang larawan ni Karlo. May kinakalantari na palang ibang babae ang mokong. Kunwari pa’y isinisi sa kaniya ang pakikipaghiwalay, ‘yon pala’y ilang buwan na ring nagpapakasasa sa piling ng iba.
Lagok pa. Pito. Walo. Siyam.
Pinagtitinginan na siya ng mga tao, lalo na ng mga kalalakihan. Dala kasi ng kalasingan ay halos mahubaran na siya. Wala na sa sarili. Hulas na ang make up nang dahil sa walang patid na pagluha.
Maya maya pa, isang lalaki ang lumapit. Matipuno ito, gwapo.
“Miss, ok ka lang? Hatid na kita, you want?” nakangisi nitong tanong sa kaniya.
“Yup, let’s go. My place or your place?” dire-diretsong sagot niya sa lalaki. Wala siyang pakialam kung anuman ang mangyari sa kaniya. Alam niyang makakatulong ang isang gabi kasama ang lalaki upang makalimot sa sakit na dulot ng pag-iwan ni Karlo sa kaniya.
Nagulat naman ang lalaki sa sagot niya. “Jackpot! Easy to get pala ‘to,” mahinang bulong ng lalaki, ‘di niya inasahang maririnig iyon ni Zen.
Bigla na lamang napahinto si Zen. Kinuha niya ang kaniyang bag, nagdire-diretso palabas ng bar at saka pumara ng taxi. Napakamot na lang sa ulo ang lalaki.
Nagpahatid si Zen, hindi sa panibagong bar, hindi sa bahay ng kung sinumang lalaki, kundi sa bahay nila ng kaniyang mga magulang at kapatid.
Nang makauwi, walang sali-salita ay niyakap siya nang mahigpit ng kaniyang ina. Tila ramdam nito ang pinagdadaanan niya. Ilang minuto pa ay tila nahulasan na si Zen, maya maya pa’y nagpaalam na siyang papasok na sa kwarto’t magpapahinga na.
“You deserve better, anak. Nothing’s wrong with you,” wika ng kaniyang ina saka siya nito hinalikan sa noo.
Pagkahiga sa kaniyang malambot na kama, may luha man sa mga mata ay napangiti ang dalaga.
Nagbago na siya. Nawala man si Karlo sa kaniya, hindi nawala sa kaniya ang sarili niya. Hindi nawala sa kaniya ang respeto niya sa pagkababae niya, at lalong hindi nawala sa kaniya ang ilan pang mga bagay na dati ay wala sa kaniya. Nariyan ang pamilya niya, mga kaibigan niya, ang trabaho niya na nagbibigay ng maalwang buhay sa kaniya.
“Isa lang ang nawala sa akin. Isa lang. Napakarami pang ibang bagay na dapat kong ipagpasalamat,” aniya sa sarili.
Kinabukasan, kulang man sa tulog ay pumasok sa trabaho si Zen. May kulang man sa kaniya, nawala man si Karlo sa buhay niya, hindi roon natatapos ang pag-inog ng mundo niya.
Sa ngayon, pagpapahingahin niya muna ang puso niya. Pagod na siya, ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa. Alam niyang balang araw, makatatagpo rin niya ang tunay na nakatadhana sa kaniya.