Inday TrendingInday Trending
Nagtataka ang Ginang Kung Bakit ang Batang Babae ang Nagpupunta sa Kaniyang Tindahan Upang Umutang; Nabagbag ang Kalooban Niya sa Natuklasan

Nagtataka ang Ginang Kung Bakit ang Batang Babae ang Nagpupunta sa Kaniyang Tindahan Upang Umutang; Nabagbag ang Kalooban Niya sa Natuklasan

Katulad ng nakagawian ay maagang gumising si Aling Thalia, 53 taong gulang, upang magbukas ng kaniyang munting tindahan sa harapan ng kaniyang munting tahanan. Katwiran niya, kailangang maagang magbukas upang maaga ring masalo ang mga biyayang kaloob ng Maykapal.

Noon pa man ay isa na ang pagtitinda sa mga pinagkakakitaan ni Aling Thalia. Sanay na siya sa kalakaran ng ganitong negosyo lalo’t nakatira siya sa isang pamayanan na kagaya niya ay todo-kayod ang mga tao upang makakain at maagpangan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay.

Sanay na siya sa mga umuutang na nagbabayad, umuutang na hindi nagbabayad, o hindi rin bumibili sa kaniya.

“Aling Thalia, pakuha raw po si Mama ng dalawang kilong bigas, dalawang noodles at dalawang itlog…” bantulot na bungad sa kaniya ni Elsa, 7 taong gulang na batang babae.

“Uy, Elsa… bakit ikaw ang nagpunta rito at hindi ang Mama mo?” tanong ni Aling Thalia sa bata. Sanay kasi siya na ang bumibili sa kaniyang tindahan ay ang nanay nitong si Aling Filomena.

“Eh… abala po si Mama, may mga tanggap pong labada,” kiming tugon ni Elsa na hindi makatingin nang diretso kay Aling Thalia. Palagay niya ay nahihiya sa kaniya.

“Ah ganoon ba. Sige. Oo nga pala Elsa, may ibibigay akong listahan sa iyo ah. Ibigay mo sa Mama mo,” bilin ni Aling Thalia kay Elsa. Ang listahan na binanggit niya ay listahan ng mga utang nila na kailangan na nilang bayaran.

Tumango-tango naman si Elsa.

Maya-maya ay nakuha na nito ang inutang na bigas, noodles, at itlog. Iniabot na rin ni Aling Thalia ang papel na may kalahating haba. Nakalista rito ang mga produktong nakuha ng Mama nito at ang halaga. Pumapatak na nasa 750 piso ang kailangan nilang bayaran.

“Ibigay mo ‘yan sa Mama mo ha, anak…” masuyong paalala ni Aling Thalia.

Habang palakad na ang bata ay sinundan ito ng tingin ni Aling Thalia. Naaawa siya kay Elsa. Kay gandang bata pa naman subalit kapansin-pansing kulang ito sa sapat na nutrisyon. Hindi naman niya masisi ang ina nitong si Aling Filomena dahil masipag din naman ito, kaya lang ay mukhang hindi nito kayang ibigay ang mga pangangailangan ng anak simula nang iwanan ito ng mister at sumama sa ibang babae.

Kinabukasan ay muling lumapit sa tindahan ni Aling Thalia si Elsa. Umuutang ulit. Kape at asukal naman ngayon.

“Naibigay mo ba ang papel sa Mama mo, Elsa?” untag ni Aling Thalia sa bata.

Marahang tumango si Elsa. Ngunit napansin ni Aling Thalia na parang mugto ang mga mata nito.

“Umiyak ka ba, Elsa? Anong nangyari? Bakit namamaga ang mga mata mo?”

Hindi naman kumibo si Elsa. Kita ni Aling Thalia na nangingilid ang mga luha sa mga mata nito.

“Saka bakit ikaw ulit ang nagpunta rito? May ginagawa ba ang Mama mo?”

Hindi na tumugon pa si Elsa. Tumango na lamang ito.

Ang kagandahan kay Aling Thalia, kahit na alam niyang malaki na ang utang sa kaniya ng suki, ibinibigay pa rin niya kung umuutang ito. Naisip niya kasi na kung tutuusin, mas mapalad pa siya kahit paano dahil nakakapagtinda pa siya. Nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, minsan ay sobra pa nga.

Ibinigay ni Aling Thalia ang inuutang na kape at asukal kay Elsa. Pagkakuha rito ay nagpasalamat ito at tumalikod na, naglakad pabalik sa kanila.

Hindi maiwasang mapaisip si Aling Thalia. Naiisip niya kung bakit umiyak si Elsa at kung bakit ito ang nagpupunta sa kaniya upang umutang. Napagpasyahan niyang sadyain ang mga ito sa bahay nila.

At hindi niya inaasahan ang kaniyang mabubungaran.

Sinusubuan ni Elsa ang kaniyang Mama na nakahiga sa papag. Kanin na sinabawan ng kape. Ito ang kape na inutang ni Elsa. Mukhang masama ang pakiramdam ni Aling Filomena.

“Elsa, anong nangyari sa Mama mo? Bakit hindi mo sinabi sa akin?” naaawang tanong ni Aling Thalia.

“Noong isang araw pa po siya nilalagnat,” at tuluyan nang umagos ang mga luha sa mga mata ni Elsa. “Kaya ako na lang po ang umuutang sa inyo para may makain kami ni Mama.”

Nabagbag ang kalooban ni Aling Thalia sa tagpong kaniyang nasaksihan.

Kaya naman, tinulungan niya si Elsa sa pag-aalaga sa Mama nito. Ipinagluto niya ng nilagang baboy si Aling Filomena upang makahigop ito ng sabaw. May trangkaso ang kaawa-awang ginang.

Makaraan ang tatlong araw, sa wakas ay gumaling na rin si Aling Filomena.

“Maraming salamat Aling Thalia. Nakakahiya naman sa iyo… hindi na ako nakabayad sa mga utang ko sa iyo, tapos heto, tinulungan mo pa ako,” umiiyak na pasasalamat ni Aling Filomena sa mabuting kapitbahay.

“Filomena, ayos lang ‘yun. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo ring magkakapitbahay? Huwag mo munang intindihin ang mga utang mo. Kapag malakas ka na, makakabayad ka rin. Kaya magpalakas ka hindi para sa utang mo kundi para sa anak mong si Elsa.”

Masayang-masaya ang pakiramdam ni Aling Thalia dahil nagawa niyang magpakita ng kabutihan sa kaniyang kapwa. Mas lalong lumakas ang tindahan niya at mas lalo siyang minahal ng kaniyang mga kalugar.

Advertisement