Inday TrendingInday Trending
Nawalan ng Tiwala ang Nanay sa Kaniyang Binatilyong Anak na Bulakbol; Lalong Lumala Ito Nang Gabi na Ito Kung Umuwi Pagkatapos ng Klase sa Umaga

Nawalan ng Tiwala ang Nanay sa Kaniyang Binatilyong Anak na Bulakbol; Lalong Lumala Ito Nang Gabi na Ito Kung Umuwi Pagkatapos ng Klase sa Umaga

Laging pinapagalitan ni Aling Marta ang kaniyang anak na si Carlo dahil lagi itong umaalis ng bahay at nagtutungo sa kaniyang mga kabarkada.

“Ano ka ba naman, Carlo! Anong oras na! Kanina ka pang umaga umalis ng bahay at pumasok sa paaralan. Ang inaasahan ko pa naman ay uuwi ka rito kaagad sa bahay upang tulungan man lamang ako sa paglalaba o paglilinis. Puro lakwatsa ang inaatupag mo! Napakasamang impluwensya talaga ng kaibigan mong si Alvin!” tungayaw ni Aling Marta sa anak nang umuwi na ito.

Parang pagod na pagod ang binatilyong anak na magtatapos na sa Senior High School. Ang totoo niyan, dapat ay nasa kolehiyo na ito; tumigil lamang ito ng isang taon dahil ‘nagloko’.

Napabarkada.

Nagbulakbol.

Masisisi ba siya kung minsan ay mawalan siya ng tiwala sa kaniyang anak? Na baka ulitin na naman nito ang paglilimayon?

“Eh ‘Nay… may mga ginawa lang ho kami nina Alvin…”

“Ginawa, ginawa! Puro ganyan naman ang sinasabi mo eh! Ganyan din ang sinabi mo dalawang taon na ang nakalilipas. Oh, tingnan mo ngayon, napag-iwanan ka na ng mga kasabayan mo! Ang iba ay nasa kolehiyo na samantalang ikaw ay nasa Senior High School pa rin. Ano ka ba naman Carlo, magpakatino ka naman! Hindi biro ang sakripisyo ng Tatay mo sa ibang bansa bilang OFW para lang mapag-aral, makatapos ng pag-aaral, at magkaroon ka naman ng maganda-gandang buhay balang araw!” tuloy-tuloy na litanya ni Aling Marta sa kaniyang anak.

Kapag ganito na ang pagrepeke ng bibig ng ina ay hindi na lamang kumikibo si Carlo. Alam niyang mataas na ang emosyon nito at ayaw naman niyang makipagsabayan. Kahit na naging pasaway siya ay wala naman sa bokabolaryo niya na bastusin at sagut-sagutin ang kaniyang nanay. Mahal na mahal niya ito at mataas ang paggalang niya rito.

Aminado naman siyang napariwara siya noon.

Gusto sana niyang tutulan ang pangingibang-bansa ng kaniyang tatay subalit hindi na niya napigilan pa ito. Kaya naisipan niyang magpakawalwal at nagbaka-sakali siyang ito ang magiging dahilan upang mapabalik ito sa Pilipinas, subalit hindi siya nagtagumpay. Ang kinalabasan, mas lalo pa itong nagpursige at nagsipag sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Ang hindi alam ng kaniyang nanay, kaya siya halos gabihin na sa bahay nina Alvin, ay nagrerebyu na sila para sa nalalapit na entrance exam sa pamantasang kanilang papasukan. Balak niyang ilihim ito sa kaniyang nanay at sorpresahin na lamang ito. Balak niyang maging isang arkitekto. Kaya naman, pagkagaling sa paaralan ay dumidiretso siya kina Alvin upang sumama sa pagrerebyu nila.

“Ituwid na natin ang mga buhay natin,” wika ni Alvin, bagay na sinang-ayunan naman ng tropa nila.

Isang araw, kagaya ng kinagawian ay dumiretso na nga si Carlo sa bahay nina Alvin.

“Medyo mahirap ang kailangan nating aralin ngayon ha, Matematika kasi. ‘Di bale, nariyan naman si Carlo, mahusay siya rito,” nakangiting sabi ni Alvin.

Kinabukasan, nagpaalam si Carlo na aalis siya subalit hindi niya sinabi kung saan siya pupunta. Nakatanggap pa siya ng sermon mula kay Aling Marta sa pag-aakalang sa lakwatsahan na naman ang punta niya.

Ang hindi alam ni Aling Marta, iyon ang araw ng kanilang pagkuha ng entrance exam sa pamantasan na kanilang balak pag-aralan.

Makalipas ang tatlong araw, lumabas na ang resulta. Pasado silang lahat!

Pagkauwi niya, sermon na naman ang inabot niya.

“Kailan ka ba titino ha bata ka? Diyos ko naman, sumasakit ang dibdib ko sa iyo eh—”

“’Nay, nakapasa ako sa pamantasan na balak kong pasukan!”

“Eh ano ngayon kung nakapasa ka…” at biglang pumasok sa kamalayan ni Aling Marta ang sinabi ng anak. “Ano? Nakapasa ka? Saan?”

Inulit ni Carlo ang kaniyang mga sinabi.

Tuwang-tuwa si Aling Marta at napayakap sa kaniyang anak. Napaiyak ito sa tuwa.

“Iyan po ang dahilan kung bakit lagi akong ginagabi. Opo, nagpupunta po ako kina Alvin, pero hindi upang maglaro o magbulakbol kundi upang mag-aral. Nais na po naming ayusin ang mga buhay namin, ‘Nay. Sana po hayaan ninyo akong makabawi sa inyo ni Tatay,” wika ni Carlo.

“Anak, kahit saang paaralan ka pa mag-aral, kahit anong kurso pa ‘yan, suportado ka namin ng Tatay mo,” nakangiting sabi ni Aling Marta.

At nagsimula na ngang mag-aral ng Arkitektura si Carlo kasama sina Alvin.

Makalipas ang limang taon, nasaksihan ni Aling Marta at ng kaniyang Tatay ang kaniyang pagtatapos. Pareho pa silang umakyat sa entablado upang isabit sa kaniya ang medalya ng pagiging isang cum laude!

Pinatunayan ni Carlo na hindi pa huli ang lahat upang magbago, dahil walang mababago kung walang babaguhin.

Advertisement