Nasampal ng Babae ang Estrangherong Lalaking Sumusunod-sunod sa Kaniya sa Loob ng Mall; May Sasabihin Pala Ito sa Kaniya
Hindi pa handa si Cassandra na magkaroon ulit ng nobyo.
Ngunit biglang may dumating, sa hindi inaasahang tagpo. Sa hindi inaasahang pagkakataon.
“Excuse me? Sinusundan mo ba ako?”
Tinarayan ni Cassandra ang lalaking kanina pa sunod nang sunod sa kaniya habang naglalakad siya sa mall. Pakiramdam ni Cassandra ay pagkaganda-ganda niya kanina pa dahil bagong rebond siya. Pinagtitinginan siya ng lahat.
Napasinghap si Cassandra nang mapagmasdan ang lalaking humahabol-habol sa kaniya. Guwapo ito. Teka, hindi lang basta guwapo eh—guwapong-guwapo! Maganda ang tikas nito at kay bango-bango!
Pero syempre hindi siya pahuhuli nang buhay! Kunwari ay tataray-tarayan pa rin!
“H-Hindi miss… don’t get me wrong… kasi…” at ilalapit sana ng lalaki ang mukha nito sa mukha niya.
Nagulat si Cassandra dahil akala niya ay hahalikan siya nito. Mas naamoy pa niya ang panlalaki at mabango nitong amoy.
Ngunit awtomatikong umangat ang kanang palad niya at lumagapak sa mukha ng lalaki.
Parang isang eksena sa pelikula ang mga naganap. Napahinto ang mga naglalakad sa mall. Ang mga mata ay natuon kay Cassandra at sa lalaking tiim ang mga bagang na napahawak sa namumulang pisngi.
“Bastos ka! Bakit mo ko hahalikan! Many*kis ka!”
“Hindi ako many*kis, miss. May ibubulong sana ako sa iyo dahil may gusto akong sabihin sa iyo.”
“At ano naman ang gusto mong sabihin sa akin, aber? Bakit, close ba tayo para lapitan mo pa ako at bulungan mo pa ‘ko ha? Ganyan kayong mga lalaki, para-paraan! Alam ko na ang mga ganiyang galawan ninyo, hindi ninyo ako maloloko!”
“Miss, huminahon ka, okay? Wala akong masamang intensyon sa ‘yo. Sa katunayan, nag-aalala pa nga ako sa’yo. Gusto kong sabihin sa iyo na may naupuan kang mantsa at kitang-kita ito sa puwitan mo ngayon. Para ka tuloy tinagusan.”
Napamaang naman si Cassandra sa kaniyang mga narinig.
“H-Ha?”
“Miss, may naupuan ka yatang ketchup or something na mapula…” segunda pa ng lalaki.
“Oo, miss, tama si Kuya,” sang-ayon naman ng lady guard na kanina pa pala lumapit sa kanilang dalawa dahil sa eksenang ginawa ni Cassandra.
At doon napagtanto ni Cassandra na tama nga ang lalaki. Kitang-kita ang mapulang ketchup na naupuan niya pala sa food court na kaniyang pinagtambayan kanina, bago siya umuwi.
Pulang-pula naman ngayon ang magkabilang pisngi ni Cassandra dahil sa kahihiyan. Wala siyang maipantatakip sa puwitan niya.
Ngunit hindi niya inaasahan ang gagawin ng lalaking nagmalasakit na nga ay nakatikim pa ng sampal mula sa kaniya.
Hinubad nito ang suot na sweater at inialok nitong ilagay muna sa kaniyang puwitan.
May kung anong kuryente ang naramdaman ni Cassandra na gumapang mula sa kaniyang puwitan, patungo sa kaniyang katawan, at humangga sa kaniyang puso.
Ang kaniyang knight in shining armor!
Kaya upang makabawi, nilibre niya ang lalaki sa isang coffee shop upang makapagpasalamat at makabawi rito. Ervin pala ang pangalan nito at isang telecommunication officer.
“Pasensya ka na talaga kanina ah? Akala ko kasi many*kis ka,” abot-langit na paghingi ng dispensa ni Cassandra kay Ervin.
“Sa gwapo kong ito, many*kis?” pagbibiro ni Ervin na ikinatawa naman ni Cassandra. “Biro lang, pinapatawa lang kita.”
Matapos ang ilang kuwentuhan ay nagpaalam na si Cassandra. Ngunit kinukuha ni Ervin ang kaniyang numero ng cellphone at social media accounts.
“Hoy grabe ka naman, liligawan mo ba ako? Bago lang tayong magkakilala, duma-the moves ka na?” biro ni Cassandra.
“Uy, hindi ah. Paano mo masasauli sa akin ang sweater ko? S’yempre kailangang magkita ulit tayo, ‘di ba?” nakangising sabi ni Ervin.
Ay oo nga ‘no? May punto ang kumag.
Ibinigay niya ang numero ng cellphone niya at pati na ang social media accounts.
Habang nasa taxi na siya pauwi ay naisip ni Cassandra na naisahan siya ni Ervin. Puwede naman kasing nang inihatid na siya nito patungo sa sakayan ng taxi, sana pala ay isinauli na niya rito ang sweater niya.
Pero hindi niya ginawa.
Dahil gusto rin niyang makipagkita rito ulit.
Kinabukasan, muling nagkita sina Cassandra at Ervin. Isinauli ni Cassandra ang sweater na pinahiram sa kaniya ng lalaki.
“Mabango na ba ito? Baka amoy-puwit ito ah,” biro ni Ervin.
“Hoy, hoy, grabe ka! Nilabhan ko ‘yan, amuyin mo pa…”
Hanggang sa ang pagkikita nilang iyon ay nasundan pa… isa, dalawa, tatlo, at marami pang beses.
Hanggang sa nagkapalagayan na ang mga loob nila. Niligawan ni Ervin si Cassandra. Sinagot naman niya ito at tumagal ang kanilang relasyon ng dalawang taon bago nagpasyang magpakasal.
Kaya napagtanto ni Cassandra na ang tunay na pag-ibig ay bigla na lamang darating—minsan, sa hindi inaasahang tao, pagkakataon, at sitwasyon!