Inday TrendingInday Trending
Niligawan at Pinakilig ng Kaniyang Kapwa Guro ang Babaeng Ito; Kiligin Pa Kaya Siya sa mga Susunod na Gagawin Nito?

Niligawan at Pinakilig ng Kaniyang Kapwa Guro ang Babaeng Ito; Kiligin Pa Kaya Siya sa mga Susunod na Gagawin Nito?

Kilig na kilig si Sandra nang ligawan siya ng kaniyang kasamahang gurong si Fred. Pareho na silang limang taon sa pribadong paaralang kanilang pinapasukan. Sabay silang nakapasok doon, at hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagbibitiw.

Hindi niya akalain na noon pa raw siya nito gusto. Makalipas ang ilang buwan ay agad na niya itong sinagot. Mainam din naman iyong hindi puro turo o trabaho lang!

Aba, nakakapagod nga namang magturo! At iba ang kilig na dulot kapag natatanaw mo lamang mula sa malayo ang taong nagpapatibok sa puso mo, o kaya naman ay nakakasama sa miting, o paminsan ay nakakasabay sa recess o tanghalian lalo na kapag saktong nagsabay ang mga bakanteng oras.

Sa limang buwang relasyon nina Sandra at Fred, kung tutuusin ay marami nang pabor na nagawa ang babaeng guro sa kaniyang nobyo.

“Mahal, tulungan mo ‘kong hulugan ang motor ko ah? Para naman hindi na ako nagko-commute at nahuhuli sa pagpasok. Makikinabang ka rin naman dito. Ihahatid-sundo kita.”

“Mahal, salamat naman at pumayag kang gamitin ang pangalan mo sa Finance Department para sa laptop loan. Eh hindi pa kasi tapos yung calamity loan ko kaya tiyak na hindi ako papayagang kumuha ulit. The best ka talaga! I love you, mahal ko!”

“Mahal, alam mo, salamat talaga dahil laking tipid ko na, hindi ko na kailangang magpaluto pa ng pagkain kasi lagi kang may dalang mga pagkain para sa akin. Hulog ka talaga ng langit sa akin!”

Maligaya si Sandra na mas naibibigay niya ang mga hiling sa kaniya ni Fred kaysa sa mga naibibigay nito sa kaniya. Hindi naman kasi siya mapagkuwentang tao. Sa palagay niya, ayos lang naman ang mga ginagawa niya dahil magkarelasyon naman sila. Kaya nga magkarelasyon ‘di ba?

Bagay na kabaligtaran pala sa mga taong nakapaligid at tahimik na nagmamasid sa kanilang dalawa: ang mga kasamahan nilang guro. Isang araw ay kinausap na siya ni Minda, isa sa mga kasamahan niyang guro na hindi naman niya kaibigan subalit ka-vibes niya.

“Payong kaibigan lang ah, huwag mo masyadong sinusunod yung mga hiling sa iyo ni Fred. Paano kung maghiwalay kayo, paano na?”

“Bakit mo naman iniisip na maghihiwalay kami? Saka masaya naman ako sa mga ginagawa ko para sa kaniya. Matatanda na kami at alam na namin ang ginagawa namin. Saka pera ko naman ang ginagastos ko, friend.”

At hindi na nga kumibo pa si Minda.

Ngunit isang araw ay lumiban si Fred sa paaralan. Ang sabi ay maysakit daw. Lumipas ang isang linggo. Nagkagulatan na lamang ang lahat nang hindi na pumasok pa si Fred sa paaralan. AWOL. Nang puntahan ni Sandra sa tinutuluyan nitong apartment ay wala na ito roon at limas na limas ang mga gamit.

Sabi ng kasera, tinakbuhan din umano ang bayad sa upa, at mukhang may pinagtataguan.

Galit na galit ang punungguro. Balak umano itong kasuhan ng breach of contract at posibleng matanggalan ng lisensya sa pagkaguro. Malaking perwisyo ang naidulot ni Fred lalo’t isa siyang gurong tagapayo at marami siyang hawak na klase.

Ngunit mas naperwisyo si Sandra.

Siya ang hinahabol-habol ngayon sa pagbabayad ng hulog sa motorsiklo na kinuha nito.

At dahil sa kaniya nakapangalan ang laptop loan na ibinigay niya nang buong-buo ang pera kay Fred at wala naman siyang nakuha ni isang kusing, siya rin ang magbabayad sa utang na hindi naman niya napakinabangan.

Sinubukan ni Sandra na kontakin si Fred sa mga social media accounts nito gayundin sa mga numero ng cellphone nito subalit naka-deactivate na ang lahat.

Para siyang iniwan sa ere.

Hindi pala parang. Talagang iniwan siya sa ere.

Iniwan siya sa ere na sandamakmak ang utang na kailangan niyang bayaran.

Ang ending, lumapit siya kay Minda at humingi ng kapatawaran sa pagtataray na sinabi niya laban dito. Wala siyang mapagsabihan ng kaniyang mga problema. Tiyak na pagagalitan siya ng pamilya niya kapag sinabi niya ang sitwasyong kinalalagyan niya ngayon.

“Kaya tatandaan mo Sandra, hangga’t hindi pa kayo kasal, hangga’t wala ka pang pinanghahawakang legal na dokumento, iwas muna sa mga ganyan na masyadong ibibigay ang lahat sa karelasyon. Nangyari na rin iyan sa akin noon. Nalaman niya ang password ng ATM card ko, at nilimas ang ipon ko.”

Wala nang naging balita si Sandra kung saang lupalop na ba nagpunta ang kaniyang magaling na boyfriend. Pero ang tiyak, siya na mismo ang nakikipagkalas dito at wala na siyang balak na makipagbalikan dito kung babalik man sa buhay niya.

Kaya ang realisasyon ni Sandra, sa pagmamahal, kailangan ding alalahanin ang sarili—at huwag na huwag itong kalilimutan anuman ang mangyari.

Advertisement