Nawalan ng Panahon sa Isa’t Isa ang Mag-ina; Hanggang Isang Araw, Natagpuan Nila ang mga Sariling Umiiyak sa Isa’t Isa
Mahal na mahal ni Isidra ang kaniyang anak na si Gelo, 25 taong gulang, na pinalaki niyang mag-isa simula nang hindi siya panagutan ng kaniyang nobyo.
Gayunman, binusog niya sa pagmamahal at pangaral si Gelo kaya naman hindi siya nagkaproblema sa ugali nito. Bukod dito, consistent honor student din ito kaya naman ipinagmamalaki niya ito lagi sa kanilang mga kapitbahay.
Masasabing close sila sa isa’t isa at lahat ng mga nararamdaman at kaganapan sa buhay ni Gelo sa paaralan ay ibinabahagi nito sa kaniya. Sa kaniya rin umamin si Gelo sa tunay nitong sekswalidad. Tinanggap niya nang buong-buo ang anak nang aminin nitong nagkakagusto ito sa kabaro niya.
Dalawa lamang sila sa kanilang bahay, at dahil ayaw rin ni Isidra na wala na siyang ginagawa sa buhay, ipinagpatuloy niya ang pagtatrabaho bilang staff sa isang tanggapan sa pamahalaan. Sayang din naman kasi kung mananatili siya sa bahay. Nakasanayan na rin naman kasi niya ang mga gawain sa opisina.
Si Gelo naman, maganda na rin ang trabaho sa isang kompanya.
Minsan ay hindi nagsasabay o nagtutugma ang kanilang mga iskedyul. Kapag dumarating mula sa trabaho si Isidra ay wala pa si Gelo. Dahil kailangan niyang matulog nang maaga, tulog na siyang maaabutan ni Gelo, na may susi naman din ng bahay kaya nakakapasok kahit hindi na siya gumising pa.
Maaga siyang gigising at tulog pa si Gelo kaya naman nag-iiwan na lamang siya ng niluto niyang pagkain sa mesa.
Tuwing Sabado at Linggo naman ay pumapasok sa paaralan si Gelo para sa master’s degree nito.
Sa mga ganitong pagkakataon ay nalulungkot si Isidra dahil dadalawa na lamang sila ng anak ay parang wala na silang panahon sa isa’t isa.
Hanggang sa isang araw ay napansin ni Isidra ang pagiging matamlay ng anak. Tumagal ito ng dalawang araw. Tila ba hindi ito lumalabas sa loob ng kuwarto.
Kaya ipinasya niyang huwag pumasok nang sa gayon ay alamin ang ikinatatamlay ng anak.
“Gelo anak… puwede ba akong pumasok sa kuwarto mo? Nagluto ako ng paborito mong sopas,” katok ni Isidra sa anak.
“Sige lang po…”
At dahan-dahang pumasok si Isidra. Tumambad sa kaniya ang magulong kuwarto ng anak. Gulong-gulo ang kobrekama nito na halos malaglag na sa sahig. Nakasampay sa isa nitong upuan ang mga pinaghubarang maruruming saplot na dati-rati ay inilalagay nito sa basket. Parang hindi man lamang naghilamos o nagsuklay ang anak.
May pinagdaraanan ang anak. Alam niya… kahit hindi ito magsalita.
“’Ma, bakit nandito ka pa? ‘Di ba may pasok ka?”
“Hindi ako pumasok. Umabsent ako. Kasi alam kong kailangan mo ako ngayon, anak…” at naupo si Isidra sa kama ng kaniyang unico hijo at humarap dito.
“Mugto ang mga mata mo, anak. May problema ka alam ko. Sabihin mo sa akin…”
“’Ma… huwag n’yo akong intindihin… ayos lang po ako…”
“Anak, Angelo… natatandaan mo ba noong maliit ka pa? Halos lahat ng mga pinagdaraanan mo sinasabi mo sa akin. Alam ko nga na crush mo si Carla na anak ng kapitbahay natin, ‘di ba? Tapos noong tinedyer ka na, hindi na si Carla ang crush mo kundi yung kuya niyang balikbayan. Ibalik natin yung dati, anak. Magsabi ka sa akin ng mga problema mo ngayon, makikinig ako…”
At napansin ng ina ang pangingilid ng luha sa mga mata ng anak.
“Baka hindi mo ako maintindihan… hindi mo ako maiintindihan…”
“Anak… kahit hindi ko maintindihan, okay lang. Ang mahalaga, masabi mo sa akin. Makikinig ako. Katulad ng dati.”
Napabuntung-hininga si Gelo.
“Wala ‘Ma… na-in love lang po ang anak ninyo… pero ngayon, mukhang aalis na siya na hindi ko man lang nasabi sa kaniya na mahal na mahal ko siya kasi nagpabebe ako. Hinihintay ko na ako ang kausapin niya pero wala pa akong natatanggap na tawag o text man lang sa kaniya. Anong gagawin ko, ‘Ma?” at tuluyan na ngang bumagsak ang luha sa mga mata ng anak.
Kinuha ni Isidra ang mga kamay ng anak.
“Anak… baka naman hinihintay ka rin niya? Bakit hindi mo siya kausapin? Ikaw na ang gumawa kaysa sa naghihintay ka. Minsan walang nagagawa ang pride. Walang mawawala kung bababaan mo ito. Hindi ka matatahimik hangga’t hindi mo malalaman ang sagot. Malalaman mo ang sagot kung ikaw mismo ang magtatanong. Kung hindi niya sagutin, at least, makakapag-move on ka sa buhay mo na hindi ka nagsisising wala kang ginawa.”
At mukhang nahimasmasan naman ang anak sa kaniyang payo. Niyakap siya nitong umiiyak. Napaiyak na rin si Isidra.
“Salamat po, ‘Ma. You’re the best talaga!”
“Anak… tatandaan mo ito… bago ka pa magmahal ng iba at bago pa may nagmahal sa iyo, ako muna ang unang nagmahal sa iyo… kaya alam ko kung ano ang pinagdaraanan mo dahil nagmula ka sa akin!”
Dahil sa payo ni Isidra ay naayos na nga ni Gelo ang kaniyang pinagdaraanan sa usaping pag-ibig.
Mabuti na lamang at nakinig siya sa kaniyang ina na marami na ring karanasan sa buhay.
Simula noon ay mas lalo pang tumibay ang ugnayan ng mag-ina, kagaya noong maliit pa siya at wala pang muwang sa mundo.