Inday TrendingInday Trending
Pinagtaguan ng Lalaking Ito ang Nag-iisa Niyang Inaanak; Pahiya Siya nang Bigla Silang Magkasalubong sa Daan

Pinagtaguan ng Lalaking Ito ang Nag-iisa Niyang Inaanak; Pahiya Siya nang Bigla Silang Magkasalubong sa Daan

“Kapag may naghanap sa akin, sabihin n’yo, walang tao rito sa bahay ko, ha? ’Ka n’yo, umalis o nagbakasyon,” bilin ni Mang Tom sa kaniyang mga kapitbahay na nakaistambay malapit sa gate ng kanilang compound.

Natawa naman ang isa sa kaniyang mga kapitbahay na nakaupo sa grupo ng mga kalalakihang nag-iinuman nang araw na ’yon. “Naku, alam ko na ’yang ganiyan, Tom. Nagtatago ka sa inaanak mo, ano?” sabi pa nito kaya naman napuno ng kantyawan ang paligid.

“Oo, e.” Hindi na nakatanggi pa si Mang Tom at napakamot na lang sa kaniyang ulo. Totoo naman kasing iyon ang dahilan.

Dalawang buwan na ang nakalilipas mula nang mawalan siya ng trabaho kaya naman namomroblema siya sa pambigay ngayon sa kaniyang inaanak, gayong iisa pa lamang naman ito. Walong taong gulang na ang bata kaya naman iniisip niya na hindi na niya ito maaaring bigyan ng pabente-bente pesos lang. Kaya nga lamang, maging siya nga ay ni walang maihanda ngayong Pasko. Wala siyang makain. Salamat na nga lamang at binibigyan siya ng kaniyang mga kapitbahay ng kani-kaniya nilang handa lalo pa at alam ng mga ito na hindi na siya nag-abala pang magluto dahil mag-isa lang naman siya sa bahay.

Buong maghapong nagkulong si Mang Tom sa kaniyang tahanan. Hindi siya lumalabas. Sa totoo lang ay aakalain nga naman ng kahit na sino na talagang walang tao sa kaniyang bahay. Sa kuwarto lang kasi siya namamalagi kaya naman halos hindi maririnig na may kumikilos sa loob ng bahay niya.

Ngunit kinabukasan ay hindi na natiis pa ni Mang Tom ang mamalagi sa kaniyang bahay. Bagot na bagot na siya at gusto naman niyang makalanghap ng sariwang hangin. Dahil doon ay napilitan siyang lumabas saglit upang magtungo sa tindahan at bumili ng isang stick ng sigarilyo…ngunit isang malaking pagkakamali pala ang kaniyang ginawa, dahil pagkalabas na pagkalabas pa lamang niya sa gate ng kanilang compound ay nakasalubong niya ang kaniyang inaanak, kasama ang kumpare niya na siyang ama nito!

“Oy, pare, buti naman at naabutan ka namin ng inaanak mo. Umuwi ka raw ng probinsya sabi ng mga kapitbahay mo?” nakangiting bati sa kaniya ng kaniyang kumpare.

Si Mang Tom naman ay wala nang nagawa kundi ang pilit na mapangiti na lang din. “A-ah, oo,” aniyang kakamot-kamot sa ulo pagkatapos ay bumaling ang tingin niya sa kaniyang inaanak.

“Naku, pare, nandito ba kayo para mamasko?” nahihiya pang tanong ni Mang Tom sa kaniyang kumpare. “P-pasensiya ka na, ha? P’wede bang sa susunod na lang ’yong papasko ko rito sa inaanak ko? Dalawang buwan na kasi akong walang trabaho buhat nang matanggal ako sa pabrika,” dugtong niya pa na halos hindi makatingin sa kaniyang inaanak.

Tinapik naman ng kaniyang kumpare ang balikat niya. “Alam ko naman ’yon, pare. Ang totoo, hindi naman kami nagpunta rito para manghingi ng aguinaldo sa ’yo ’tong inaanak mo. Sa katunayan nga, siya ang may surpresa sa ’yo,” balita naman sa kaniya ng kaniyang kumpare.

Doon ay sumingit na ang kaniyang inaanak na si Jimwel. “Ninong, ito po, o! Gift ko sa ’yo,” nakangiting sabi nito. Nanlaki naman ang mga mata ni Mang Tom habang tinitingnan ang regalong iniaabot ng kaniyang inaanak sa kaniya.

“P-para saan ito?” nahihiyang tanong niya.

“Para po sa palagi n’yong pag-alala sa akin, ninong, pati na rin po sa pagtayo n’yo bilang ikalawang magulang ko. Buong taon po akong nag-ipon para ako naman ang magbibigay ng aguinaldo sa mga ninong at ninang ko ngayong Pasko. Thank you po sa inyo!” magiliw na sabi pa ng bata na halos magpatunaw naman sa puso ni Mang Tom.

“Maraming salamat sa ’yo, inaanak,” naluluhang sabi niya pa kahit pa ang totoo ay kanina pa siya nakokonsensiya sa ginawa niyang pagtatago sa bata kahapon.

Hanggang sa makaalis na ang mga ito ay nanatili siyang nakatayo sa labas ng kanilang gate at nakatulala lamang na pinagmamasdan ang papalayong pigura ng mabuting mag-ama. Hangang-hanga si Mang Tom sa paraan ng pagpapalaki ng mga magulang ng kaniyang inaanak sa batang ’yon, dahil ’di ’tulad ng iba’y hindi nila sinanay ang bata na manghingi nang manghingi sa kaniyang mga ninong at ninang.

Lalo pang naantig ang puso niya nang sa pagpasok niya sa kaniyang tahanan ay binuksan niya ang regalo ng kaniyang inaanak at nakita niyang groceries ang laman n’yon. Kaunti man, ngunit sapat na upang may maipangtawid gutom siya sa loob ng ilang araw.

Advertisement