Naluha ang Babaeng Ito sa Ginawa ng Kaniyang Ama; Hindi Niya Inasahan ang Ginawa Nito Upang Maibili ng Gatas ang Anak Niya
Dinig ng matandang si Mang Ed ang pagpalatak ng kaniyang anak na si Cristy. Dahil doon ay bumangon siya sa kaniyang higaan at sinilip ito sa salas. Doon ay nakita niyang karga nito ang kaniyang dalawang taong gulang na anak, habang inihehele ito. Samantalang ang isa naman nitong kamay ay hawak ang lalagyan ng gatas ng bata at napapailing dahil nakita nitong wala na ’yong laman.
“Wala ka na palang gatas, anak. Hindi pa binabayaran si mama sa paglalabada, e,” ani Cristy na halata ang pagod sa boses.
Buhat kasi nang mawala ang asawa nito sa sakit na TB, limang buwan na ang nakalilipas ay ito na ang pumasan ng lahat ng gastusin sa bahay, pati na rin sa pag-aalaga sa kaniya. Paralisado na kasi si Mang Ed at hindi na kayang kumilos pa nang walang kaagapay, kaya naman pati siya ay pasanin pa ng kaniyang anak.
Sa totoo lang ay nahihiya na si Mang Ed sa anak na si Cristy. Nakokonsensiya rin siya dahil alam niyang nahihirapan ito at wala siyang magawa upang makatulong. Ni hindi man lang ito nagsasabi sa kaniya ng mga problema nito dahil ayaw nitong makadagdag pa sa kaniyang isipin. Sinisikap ni Cristy na pasanin ang lahat ng problema kahit pa alam naman ni Mang Ed na hirap na hirap na ito. Kung anu-ano na ngang trabaho ang pinapasok nito para lang kumita. Basta marangal ay pinapatos nito, kahit maliit lamang ang halagang nakukuha niya rito. Dahil doon ay ma naisip siyang paraan. Bukas na bukas ay mangangalakal si Mang Ed upang may maibili man lang ng gatas ng kaniyang apo.
“Sisenta’y siyete, sisenta’y otso, sisenta’y nueve…” bilang ni Mang Ed sa halaga ng baryang kaniyang naipon sa pangangalakal nang araw na ’yon habang wala ang kaniyang anak at apo. Isinasama kasi ni Cristy ang anak nito sa pinaglalabadahan nito upang hindi na iyon problemahin pa ni Mang Ed.
Napangiti ang matanda nang siya ay matapos magbilang, dahil sasakto na ang perang kinita niya ngayon upang may maibili siyang gatas ng apo. Pagkatapos ay may pasobra pa ’yon at makakabili pa siya ng giniling na bigas na siya niyang gagawing am mamaya upang maging matipid sila sa gatas. Masustansya pa ang ganoon kung tutuusin.
Ikinagulat ni Cristy nang makita niyang may isang kahon ng gatas siyang nadatnan sa kanilang mesa. Mayroon ding nakahandang am sa lalagyan na tila napalamig na ng kaniyang ama. Nakahiga ngayon si Mang Ed sa salas nila at naghihilik dahil sa sobrang pagod sa maghapong pangangalakal, makaipon lang ng pambiling gatas, at dahil doon ay napaluha si Cristy. Hindi man niya nakita ay alam niya ang ginawa ng ama, dahil nasabi iyon sa kaniya ng kanilang mga kapitbahay. Nanghingi raw kasi si Mang Ed ng mga pastic na bote na siya nga raw nitong ibebenta. Ganoon din ang mga walang lamang bote ng mantika, mga gamit na hindi na napapakinabangan at kung anu-ano pa.
Naantig ang puso ni Cristy dahil sa pilit na pagtulong sa kaniya ng ama. Kumaripas siya ng lapit sa natutulog na si Mang Ed at niyakap niya ito nang mahigpit…
“Tatay, maraming salamat po. Hindi n’yo naman po iyon kailangang gawin, pero malaking tulong na po ’yon sa akin,” umiiyak na sabi ni Cristy sa ama na tinugon naman ang kaniyang yakap.
“Wala ’yon, anak. Sa ’yo nga dapat ako nagpapasalamat dahil hindi mo ako pinababayaan kahit na nahihirapan ka na. Tatagan mo lang ang loob mo, dahil nandito lang ang tatay, ha? Hindi kita pababayaan, kahit na ganito na ang sitwasyon ko ngayon,” sagot pa ni Mang Ed na lalong tumunaw sa puso ni Cristy.
Talagang malaki ang paghanga niya sa ama, simula noon hanggang ngayon. Sa totoo lang ay ito ang kaniyang idolo, dahil napakabuti nitong padre de pamilya. Lalo nga niya itong hinangaan nang maparalisa ang kalahati ng katawan nito, dahil lalo nitong ipinakita kung gaano siya katatag, na siya namang tinutularan ni Cristy. Dahil sa ama, sigurado siyang walang pagsubok na hindi niya kayang lampasan. Dito siya humuhugot ng lakas, maging sa kaniyang anak, lalo na ngayong nagluluksa pa rin siya sa pagkawala ng kaniyang mister. Ganoon pa man ay alam niyang makakayanan niya ito, sa tulong ng kaniyang pamilya at sa pagmamahal ng mga ito.