Hinamak ng Kaniyang mga Kaanak ang Asawang Traysikel Drayber sa Kanilang Reunion; Mapapahiya ang mga Ito sa Kaniyang Sasabihin
Nakapostura na si Aling Tanya. Handa na siyang dumalo sa reunion ng kanilang angkan, na gaganapin ngayong araw. Darating kasi mula sa malalayong lugar ang iba sa kanilang mga kaanak na noon ay hindi nila madalas makita, kaya naman kahit nagdadalawang isip ay napilitan pa rin silang dumalo.
Kasama ni Aling Tanya ang kaniyang asawang si Mang Oscar, na isang tricycle driver. Pareho silang nakasuot lamang ng simpleng mga kasuotan, dahil doon sila kumportable. Pagkatapos nilang maghanda ay sumakay na sila sa tricycle na siya nilang magsisilbing service ngayong araw. Maya-maya lamang ay naroon na sila sa itinakdang lugar ng kanilang reunion.
“Tanya, ikaw na ba ’yan?!” natutuwang bati ng kaniyang mga pinsan kay Aling Tanya. Matagal din silang hindi nagkita-kita. Halos sampung taon din, simula nang magkaroon sila ng kani-kaniya nilang mga asa-asawa. Pare-pareho na silang may edad ngayon ay may mga dalaga’t binata nang anak. Sa katunayan, ang iba sa kanila ay may mga apo na rin dahil maagang nagsipag-asawa ang iba sa anak ng mga ito.
“Naku, ako nga ito! Kumusta na kayo?” ganting bati ni Aling Tanya na hindi naman naiwasang mamangha sa naggagandahang gayak ng kaniyang mga pinsan. Talagang halatang pinaghandaan ng mga ito ang kanilang reunion dahil nakasuot sila ng magaganda at magagarang mga damit na animo mamahalin. Dahil doon ay hindi niya naiwasang purihin ang mga ’yon.
“Ang gaganda ng mga suot n’yo, a! Mukhang mamahalin!” komento ni Aling Tanya sa kaniyang mga pinsan na agad namang nagkatinginan.
“Naku, ganoon talaga ang nagagawa ng pera, Tanya. Ikaw, napakasimple naman ng suot mo,” sita naman nito sa kaniya.
Napangiwi si Aling Tanya sa narinig, ngunit minabuti niyang huwag na lamang ’yong palakihin. Nginitian na lamang niya ang mga ito. “Naku, ganito talaga ako manamit. Hindi naman kasi ako mahilig magsuot ng mga magagara at mamahaling kasuotan, e. Isa pa, sayang sa pera.”
“Naku, bakit kasi kumuha ka ng tricycle driver lang? Sayang ang ganda mo noong araw, dahil isang hamak na mahirap ang kinuha mo. Tingnan mo, hanggang ngayon ay ganiyan pa rin ang buhay mo,” naiiling pang komento ng mga pinsan niya gayong hindi naman sila bulag at nakikita naman nilang katabi lamang niya ang kaniyang asawa! “Siguro, pati mga anak mo, maagang nagsipag-asawa dahil mga hindi nakatapos ng pag-aaral, ano? Ang mga anak din naman namin, maagang nagkaasawa pero pare-parehong may mga business na ngayon. Magaganda naman ang buhay kahit papaano at hindi katulad ng inyo,” tila nagyayabang pang dugtong ng kaniyang pinsan na talagang ikinakunot na ng noo ni Aling Tanya.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang mga ito. Naghirap na’t lahat ay ganoon pa rin ang mga ugali. Ang totoo ay mayaman ang angkan nina Aling Tanya noon, ngunit ang iba sa kanila, dahil sa pagiging maluho ay naghirap kaya kinailangan ng mga itong lumayo upang hindi iyon mabalitaan ng mga kaanak nilang natitira sa probinsyang iyon.
Nanatili namang may kaya ang pamilya ni Aling Tanya ngunit hindi siya umasa kailan man sa mga ito dahil napakasipag naman ng kaniyang asawa. Ginawa nito ang lahat upang mabigyan sila ng magandang pamumuhay, kahit hindi ganoon karangya, kaya naman mahal na mahal niya ito at kailan man ay hindi niya ikahihiya ang trabaho nito.
Dahil doon ay hindi nakapagpigil si Aling Tanya. “Ayos lang na kumuha ako ng isang tricycle driver. Kahit kailan naman ay hindi ako niloko ng asawa ko. Hindi ako kailan man umiyak nang dahil sa kaniya at itinuring niya akong reyna ng aming tahanan. Minahal niya ako nang tapat at taos puso kaya nga hanggang ngayon ay magkasama pa rin kami. Oo nga’t mga nakakuha kayo ng asawang may pera, pero asan na ang mga ’yon ngayon? Hindi ba at pare-pareho nang may ikalawang pamilya?”
Natahimik ang mga ito sa sinabi ni Aling Tanya. Lalo na nang hindi nagtagal ay may isang magarang sasakyang pumarada sa harapan ng venue ng kanilang reunion at iniluwa niyon ang mga anak nina Aling Tanya at Mang Oscar… si Mariz, na isa nang engineer, at si Carla na isa namang CEO ng sarili nitong kompaniya!
Halos mapanganga ang mga pinsan ni Aling Tanya nang malaman ng mga ito na ang ‘tricycle driver’ na hinahamak nila kanina ay nakapagpatapos na pala ng dalawang anak na pawang mga propesyonal at matatalino! Samantalang sila’y pawang mga suwail na anak ang napalaki, gayong sila ang may pera. Doon ay napahiya sila at halos wala nang mukhang maiharap sa pamilya nina Aling Tanya kaya napilitan silang humingi ng tawad. Agad naman iyong tinanggap ng mabait na ginang upang hindi na lumaki pa ang gulo. Ang mahalaga ay napatunayan niyang mali ang panghuhusga ng mga ito sa ama ng kaniyang mga anak.