Inday TrendingInday Trending
Utang ang Naipamana ng Kaniyang Yumaong Asawa sa Kaniya; Magagawa Niya Nga Kaya Itong Bayaran?

Utang ang Naipamana ng Kaniyang Yumaong Asawa sa Kaniya; Magagawa Niya Nga Kaya Itong Bayaran?

Hindi maipaliwanag ng ginang na si Marissa ang halo-halong emosyong kaniyang nararamdaman ngayon. Hindi niya alam kung ang mga luhang pumapatak sa kaniyang mga mata ay bunsod ng pagkawala ng kaniyang pinakamamahal na asawa dahil sa isang aksidente o dahil sa laki ng utang nitong naiwan na kailangan niyang bayaran mag-isa.

Gusto man niya sanang sisihin ang asawa sa problemang kinahaharap niya ngayon lalo na tuwing may mga taong namimilit sa kaniya na magbayad na, hindi niya magawa dahil alam niyang nangutang ang kaniyang asawa noon upang may maipakain sa kanilang mag-iina.

“Paano na po tayo niyan ngayon, mama? Nawala na nga ang taong bumubuhay sa atin, sandamakmak na listahan pa ng utang ang naiwan sa atin. May pag-asa pa bang makakain tayo ng tatlong beses sa isang araw o mabigyan natin ng disenteng libing ang tatay nang walang nagwawalang tao sa harap ng bahay natin?” iyak ng kaniyang panganay na anak na dalaga matapos niyang magmakaawa sa isang pinagkakautangan ng kaniyang asawa na nagpahiya muli sa kanilang mag-iina.

“Hindi ko rin alam, anak, kung paano ko sosolusyunan ang problemang ito,” hikbi niya, gusto niya sanang hindi magpakita ng kahinaan sa kaniyang mga anak, hindi niya magawa dahil sa patong-patong na problemang kinahaharap niya.

Katulad ng ikinapag-aalala niya, hindi nga nila nagawang pagluksaan nang maayos ang labi ng kaniyang asawa dahil sa dami ng mga taong nagtutungo sa kanilang bahay upang maningil. Bukod pa roon, wala rin siyang mailabas na pera upang magpa-funeral service kaya naman, silang mag-iina lang ang naglibing dito sa sementeryo.

Kaya lang, matapos nilang mailibing ang kabaong ng kanilang padre de pamilya, bigla namang may isang matanda at ilan nitong tauhang naka-pormal pang damit ang lumapit sa kanila.

“Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo, sir?” tanong niya rito.

“Alam mo bang nangutang ng isang daang libong piso ang asawa mo sa akin upang mapag-aral sa kolehiyo ‘yang tatlo mong anak na dalaga?” sambit nito na agad niyang ikinakaba.

“Ah, eh, opo, sir. Bigyan niyo pa po kami ng isang taon, sir, makapagtatapos na po itong panganay kong anak, tiyak na makakapagbayad na po kami,” pagmamakaawa niya rito.

“Kaso, hindi na ako makapaghintay, eh,” nakangisi nitong sabi habang nakatingin sa kaniyang mga anak.

“Wala pa po kaming maipangbabayad, sir,” nakatungo niyang sabi habang sinesenyasan ang mga anak na tumakbo na palayo.

“Maaari ko namang tanggapin bilang kabayaran ang tatlo mong anak na dalaga. Bibigyan pa kita ng dalawang daang libong piso bilang karagdagan para makapagsimula ka ng buhay mo,” alok nito na labis niyang ikinatakot dahilan para walang ibang lumabas sa bibig niya kung hindi, “Takbo!” na agad na sinunod ng kaniyang mga anak.

Nagawa man nilang makatakas sa matandang iyon, alam niyang anumang oras ay muli silang matutunton noon. Kaya naman, wala na siyang ibang matakbuhan kung hindi ang Panginoon.

“Alam ko pong nagkasala kami ng asawa ko dahil sa labis naming pangungutang. Pero, Panginoon, maawa Ka po sa mga anak ko, ayokong sila ang magbayad sa kasalanan namin,” iyak niya habang pisil-pisil ang kaniyang lumang rosaryo.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, may muli na namang kumatok sa kanilang pintuan. Sa takot na baka ito ang matandang iyon, agad niyang pinagtago ang kaniyang mga anak at siya’y naghanda nang lumaban dito gamit ang nakuha niyang kutsilyo.

Ngunit pagbukas niya ng pintuan, ang pastor sa pinagsisilbihang simbahan ng kaniyang asawa ang bumungad sa kaniya. May bitbit-bitbit itong sandamakmak na grocery at isang kahon na naglalaman nang maraming sobre na agad ibinigay sa kaniya.

“Ano po ‘yan, pastor?” pagtataka niya.

“Bago maaksidente ang asawa mo, lahat ng kita niya sa pamamasada ay pinagkatiwala niya sa Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa simbahan. Sabi niya pa nga sa akin noon, kung may mangyari man sa kaniya, ang biyaya ay idiretso ko raw sa inyong mag-iina. Tila ba alam na ng asawa mong makakapiling na niya ang Maykapal. Kaya ito, sa paniniwalang mayroon siya, kayo ay biniyayaan ng Diyos ng sandamakmak na biyaya,” paliwanag nito na agad niyang ikinaluha.

Wala siyang ibang nasabi noon sa gitna ng kaniyang mga paghikbi kung hindi, “Salamat sa Diyos! Papuri sa Diyos!”

Umabot ng halos dalawang daang libong piso ang nalikom ng simbahan upang sila’y matulungan dahilan para mabayaran niya lahat ng pagkakautang ng kaniyang asawa at ang natitirang mga grocery items ay pinangpuhunan niya sa maliit na sari-sari store na naisip ng kaniyang mga anak.

Sa ganoong paraan, natuldukan na ang problemang kinakaharap nilang mag-iina, sila pa ay nagkaroon ng pangkabuhayan na tiyak, makapagsasalba sa kanila sa araw-araw. “Mahal ko, salamat at ganoon mo pinagkatiwala ang pamilya natin sa Panginoon,” bulong niya sa puntod nito habang nagtitirik ng kandila ang kanilang mga anak.

Advertisement