Napagbuhatan Siya ng Kamay ng Kaniyang Ina Kaya Agad Siyang Lumayas; Mas Matindi pala ang Aabutin Niya sa Kaniyang Paglabas!

“Anak, Jeneviv? Kanina pa kita tinatawag para kumain. Halika na rito,” pang-ilang ulit nang tawag ni Aling Vivien sa kaniyang anak na si Jeneviv ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito tumitinag mula sa paghilata nito sa kaniyang kwarto habang nagse-cellphone.

“Jeneviv, ano ba?” medyo mataas na ang boses ni Aling Vivien sa sumunod napagtawag niyang iyon kaya naman tila naapektuhan na si Jeneviv.

“Ano ba ’yon, ’ma?!” pagalit na anito sa kaniya. “Istorbo masiyado, e! Epal!” dinig pa niyang dagdag nito na agad niyang ikinagulat!

Hindi na nakapagpigil si Aling Vivien at inakyat na sa kwarto nito si Jeneviv. Hinablot niya ang teleponong hawak ng kaniyang anak at initsa iyon, dahilan upang mabasag iyon at madurog!

“Mama, anong ginawa mo?!” hiyaw nito habang umiiyak na pinupulot ang mga piraso ng nabasag niyang cellphone.

“Akala mo ba hindi ko naririnig ang sinasabi mo tungkol sa akin? Tinatawag lang kita para kumain, pagkatapos ay ginaganiyan mo na ako?!” galit pang ani Aling Vivien sa dalagita.

“Epal ka naman talaga, e!”

Nagulat siya sa naging tugon ng kaniyang anak. Nanlaki ang kaniyang mga mata at hindi na niya napigilan nang umangat ang kaniyang palad at lumagapak iyon sa pisngi ni Jeneviv!

Advertisement

“Bastos kang bata ka!” aniya. “Kailan ka pa natutong sumagot nang ganiyan?!”

Hindi na nakaimik pa ang dalagita at wala na itong nagawa kundi tumalima sa lahat ng kaniyang sinasabi. Simula nang mapabarkada si Jeneviv sa bago nitong mga kaibigan ay nagsimula nang magbago ang ugali nito kaya naman gusto na itong palayuin ni Aling Vivien sa mga iyon.

“Simula ngayon ay hindi ka p’wedeng lumabas ng bahay na ’to hangga’t hindi mo napag-iisipan ’yang mga maling ginagawa mo, Jeneviv. Hindi ka naman ganiyan noon. Napakabait at napakamasunurin mong bata pero dahil sa impluwensya ng mga kaibigan mo, nagiging ganiyan ka na?” Napakahaba na ng litanya ni Aling Vivien ngunit parang hindi nakikinig ang anak niya. Dahil doon ay hinayaan na lamang muna niyang lumipas ang buong gabi at nagpasyang bukas na lamang ito kausapin.

Lingid sa kaalaman ni Aling Vivien ay may plano nang nabuo sa utak ni Jeneviv… balak niyang tumakas mamayang gabi at layasan ang ina! Tutal ay inalok naman siya ng kaibigan niya na doon muna tumuloy sa kanila upang bigyan ng leksyon ang kaniyang mama.

Ganoon nga ang ginawa ni Geneviv. Sa kalagitnaan ng gabi ay tumakas siya sa kanilang bahay, dala ang ilan sa kaniyang mga gamit at perang kinupit niya mula sa ina. Tuwang-tuwa pa siya nang tuluyan nang makalabas ng kanilang bakuran, ngunit ang tuwang iyon ay agad na napalitan ng takot nang habang nasa kalagitnaan na siya ng walang katao-taong daanan ay bigla siyang nakursunadahan ng ilang mga kalalakihang nakatago sa gilid ng talahiban. Ang mga ito ay humihithit ng bisyo.

Dama ni Jeneviv na sinusundan siya ng mga ito kaya naman agad siyang tumakbo pabalik sa direksyon ng kanilang tahanan ngunit mabilis siyang nahabol ng mga kalalakihan!

“Saan ka pupunta, hija? Halika rito, samahan mo kami!” nakakatakot na sabi ng isa sa mga lalaki habang tumatawa nang pagkalakas-lakas. Nagsisigaw si Jeneviv ngunit walang nakakarinig sa kaniya.

Bigla siyang natauhan sa kaniyang mga ginagawang masama laban sa kaniyang ina. Napatanong siya sa kaniyang sarili kung ito na ba ang kaniyang karma? Ang buong akala ni Jeneviv ay iyon na ang kaniyang katapusan ngunit bigla siyang nakahinga nang maluwag nang marinig ang pagpito ng isang tanod, at ang umiiyak na pagtawag ng kaniyang ina sa kaniyang pangalan!

Advertisement

Akala ni Jeneviv ay makakatikim na naman siya ng sampal mula sa ina ngunit isang mahigpit na yakap lamang ang iginawad nito sa kaniya. “Diyos ko, salamat po!” sambit pa nito habang hinahalikan ang kaniyang noo.

Biglang napahagulhol si Jeneviv dahil sa labis na pagsisisi. Mabuti na lamang at pumasok sa silid niya ang kaniyang ina upang humingi ng tawad sa nagawang pagsampal nito sa kaniya at nalaman nitong wala na siya sa kaniyang kwarto.

“Mama, sorry po!” paulit-ulit na sambit ni Jeneviv sa kaniyang ina habang mahigpit na nakayakap dito hanggang sa makauwi sila ng bahay. Talagang pinagsisisihan niya ang kaniyang nagawa at nangakong hindi na muling uulitin pa iyon.

Napakalaki ng maaaring maging impluwensya ng kaibigan sa ating pagkatao kaya naman sana ay matutong mamili kung sino sa mga ito ang pagkakatiwalaan.