
Putol ang Kaniyang Kamay at Paa Ngunit Malaking Karangalan ang Kaniyang Inuwi; Ano nga Ba ang Kwento sa Likod ng Buhay ng Kilalang Pintor?
Si Robert, isang person with disability. Ipinanganak siyang putol ang mga kamay at paa… ngunit siya ang itinanghal na champion, sa naganap na World’s King/Queen of Arts Competition, na sa bansang Singapore pa ginanap!
“Napakahusay n’yo po, Sir Robert! Maraming salamat po sa pagbibigay ng isa na namang karangalan sa ating bansa!” pagbibigay pugay sa kaniya ng host ng isang talk show kung saan siya naimbitahang mag-guest ng araw na iyon. “Gusto lang po naming malaman, ano po ba ang inyong sikreto o inspirasyon para sa napakagagandang obrang nililikha n’yo?”
“Walang iba kundi ang pamilya ko po. Napaka-cliché nang pakinggan ng ganitong linyahan, ngunit talagang sila ang aking inspirasyon sa lahat ng ginagawa ko.” Nakangiti si Robert habang siya ay nagsasalita’t sinserong nakaharap sa naturang talk show host.
Malakas na nagpalakpakan ang audience ng show na iyon sa isang channel sa telebisyon na muntik nang ikaiyak ni Robert. Mabuti na nga lamang at mabilis niyang nabawi ang kaniyang luha.
“Paano po ba nagsimula o paano ninyo nadiskubre ang inyong talento sa pagpipinta gamit lamang ang inyong bibig?” muli ay tanong ng host kay Robert bago itutok ulit sa kaniyang bibig ang mikropono.
“Ang totoo ay nag-umpisa lang ito, nang minsang magpatulong sa akin ang anak ko sa kaniyang school project… hindi kasi siya marunong magpinta.
Nakaramdam ako noon ng hiya sa sarili ko. Tingin ko, isa akong inutil dahil hindi ko man lang magawang tulungan ang anak ko. Kaya naman sa sobrang desperado ko, sinubukan ko siyang tulungan sa pagpipinta, gamit ang aking bibig…” sagot niya na mabilis na nakapagpaantig sa puso ng mga manonood, maging ng mismong host na siyang kausap niya.
“Pagkatapos, nagulat na lang ako nang umuwi ang anak ko galing sa eskuwela na malungkot, dahil hindi raw naniniwala ang kaniyang guro na ang tatay niya ang tumulong sa kaniyang magpinta, dahil alam nga ng mga ito na ako ay ipinanganak na putol ang mga kamay at paa,” aniya pa sa nakakatawang paraan kaya naman natawa ang mga audience.
“Nagpunta ako sa school nila. Sa harap ng kaniyang teachers ay nagpinta ako ng isang bulaklak para patunayang totoo ang sinasabi ng aking anak, at doon, inimbitahan nila akong sumali sa isang art competion na gaganapin sa eskuwelahang iyon para sa gaganaping Father and Son Program… at hulaan ninyo kung sino ang nanalo?”
Agad na sumagot ang mga audience ng, “ikaw!” ngunit umiling si Robert.
“Mali!” aniya. “Hindi kami ang nanalo! Sabi ko sa inyo, hindi marunong mag-drawing ang anak ko. Singer kasi ’yon, e,” dagdag pa niya na sinabayan niya ng halakhak kaya naman natawang muli ang mga audience.
“Pero ang pangyayaring ’yon ang nagtulak sa akin upang ituloy ko ang ginagawa ko, at iyon ang nagdala sa akin tungo sa bansang Singapore upang ipanalo ang laban natin!” ang makabagbag damdaming dagdag pa nito at dahil doon ay napuno ng malalakas na palakpakan na may kasama pang hiyawan ang buong studio ng naturang talk show.
Nagtapos nang matiwasay ang kaniyang unang interview pagkatapos niyang manalo at napakaganda ng feedback kaniya ng mga tao. Animo nga siya naging instant celebrity sa mga ito, dahil na rin sa taglay niyang kuwelang pagkatao.
Bukod doon, humataw rin sa ratings ang episode na iyon kaya naman iba’t ibang programa na rin sa telebisyon ang nag-imbita sa kaniya upang maging guest!
Walang pagsidlan ng paghanga ang buong pamilaya ni Robert para sa kaniya habang siya ay pinanunuod sa bawat paglabas niya sa telebisyon upang ipamalas ang kaniyang talento!
Tunay ngang isang inspirasyon ang mga kagaya ni Robert na sa kabila ng kakulangan at kapintasan sa kanilang pisikal na kaanyuan ay nagagawang maging positibo sa buhay at mag-uwi pa ng malaking karangalan sa kanilang pamilya!
Dahil sa kaniyang artworks ay napag-aral ni Robert ang kaniyang tatlong mga anak dahil sa loob ng mahabang panahon ay tinangkilik ng napakaraming tao ang kaniyang mga obra! Bukod doon ay naging matalino rin siya sa paghawak sa kaniyang pera kaya naman lumago rin iyon nang lumago.
Hindi isang suwerte kundi himala na may kasamang pagsisikap kung ituring ni Robert at ng kanilang pamilya ang nangyari sa kanilang buhay. Ngayon ay retired na sa kaniyang propesyon si Robert ngunit kailanman ay hindi na siya malilimutan ng nakararami, lalo na ng kaniyang mga anak na hanggang sa kanilang pagtanda ay nangakong patuloy siyang ipagmamalaki!