Akala ng Binata’y Wala nang Pag-asa ang mga Katulad Niya; Ngunit May Pagkakataon pa Palang Naghihintay Para sa Kaniya

“Baron Salvacion, laya ka na!”

Pinapangarap ng ibang mga kapwa niya preso na marinig ang mga katagang iyon habang naririnig ang kalansing ng unti-unting pagbubukas ng bakal na gate na humaharang sa kalayaan ng mga taong nakagawa ng kasalanan sa kapwa at sa lipunan, katulad niya… ngunit para kay Baron ay isang kalbaryo lamang ang muli niyang paglaya dahil sigurado siyang wala nang kinabukasang naghihintay pa para sa kaniya.

Nauwi sa pagiging bilanggo si Baron sa loob ng limang taon dahil sa salang pagkakap@slang niya sa buhay ng kaniyang bayaw nang makita niyang sinasaktan nito nang pisikal ang kapatid niyang halos malagutan na ng hininga nang mga sandaling iyon. Galing siya noon sa trabaho at bigla na lamang nagpantig ang kaniyang tainga’t nandilim ang kaniyang paningin nang makita ang nakakaawang hitsura ng nag-iisang kapatid niyang babae habang nakahandusay ito sa lupa dahil sinikmuraan ito ng sariling asawa.

Bukod pa roon, habang namimilipit ito’t gumugulong na sa lupa ay sinisipa pa ito ng lalaki, kaya naman dali-dali itong sinugod ni Baron at sinuntok sa dibdib. Sa lakas ng pagkakasuntok niya’y hindi nila inaasahang maaapektuhan ang loob nito’t mapuputukan ng isang ugat na malapit sa puso nito. Iyon ang direktang naging dahilan ng pagpanaw nito at siya namang pagkakakulong niya.

“Kuya, welcome home!” Sinalubong siya ng kaniyang mahal na kapatid. Masayang-masaya ito nang makita niya siya nitong sa wakas ay nakalaya na rin sa likod ng rehas, ngunit hindi man lamang nagawang ngumiti ni Baron.

“Kuya, ipaghahanda kita ng pagkain, ano’ng gusto mo?” tanong sa kaniya ng kapatid, ngunit umiling lamang siya.

“Wala akong gana, Tessa,” malumanay na aniya. “P’wede bang matulog muna ako? Napagod kasi ako sa biyahe, e,” sabi niya pa sa kapatid na agad namang tinanguan nito.

“Nakahanda na ang kwarto mo, kuya. Magpahinga ka na. Ipagluluto pa rin kita ng paborito mong ulam para kung sakaling magutom ka’y may makakain ka,” sabi pa nito sa kaniya kaya naman tinanguan na lamang niya ito.

Advertisement

Umaga na nang muling gumising si Baron mula sa pagkakatulog niya. Bahagya pa nga siyang nanibago nang sa isang malambot at malinis na higaan siya nagising, ngunit agad din siyang nakabawi nang matantong, oo nga pala’t laya na siya.

Nang lumabas siya sa kaniyang silid ay agad siyang dumiretso sa kanilang salas upang hanapin ang kapatid… ngunit hindi ito nag-iisa nang kaniya itong maabutan.

Isang grupo ng mga kababaihan ang naroon sa kanilang salas habang may hawak na bibliya at taimtim na nagdarasal sa panginoon.

“Panginoon, maraming salamat po sa muling paglaya ng kuya ko. Hiling ko po’y sana, gabayan n’yo rin siya at tulungang makabangon mula sa trahedyang aming dinanas at sa pagkakamaling matagal na naming pinagsisisihan. Tulungan n’yo po siya katulad ng ginawa ninyong pagtulong sa akin noon…”

Sa narinig ay hindi maiwasan ni Baron na mapasabay sa pagdarasal ng kaniyang kapatid, kaya naman agad itong napalingon sa kaniya. Nilapitan s’ya nito at walang sali-salitang inakay upang magdasal.

Simula nang araw na iyon ay lagi nang sumasali si Baron sa bible study ng mga churchmates ni Tessa at tila ba dahil doon ay bigla siyang nabuhayan. Nang mga panahong iyon ay hirap siyang makahanap muli ng trabaho dahil sa kaniyang nakaraan, at ang kaniyang nagsilbing sandigan ay ang Panginoon.

Isa sa kanilang mga churchmates ang minsang nagtanong kay Baron. “Pare, marunong ka bang magmaneho ng kotse?”

“Oo, pare, bakit?” agad namang tanong pabalik ni Baron sa kaibigan.

Advertisement

“Hindi ba at naghahanap ka ng trabaho? Nangangailangan kasi ako ng personal driver, pare. Gusto sana kitang i-hire,” anito sa kaniya.

Biglang umaliwalas ang mukha ni Baron nang marinig ang balita ng kaibigan. “Talaga, pare?! Maraming salamat!” tuwang-tuwang aniya at agad na nagpasalamat sa poong maykapal para sa biyayang natanggap.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay iyon na pala ang simula ng kaniyang muling pagbagon. Pakiramdam ni Baron ay nabigyan siya ng ikalawang buhay dahil sa tulong ng kaniyang kaibigan at ngayon ay amo na rin.

Bukod doon ay nakahanap din si Baron ng babaeng kaniyang mamahalin at makakasama na agad niyang inalok ng kasal. Pinaunlakan naman iyon ng babae at hindi ininda ang kaniyang nakaraan. Biniyayaan sila ng Diyos ng dalawang supling at ngayon, maging ang kapatid niya ay nakahanap na rin ng makakatuwang sa buhay. Iba talaga ang nagagawa ng pananalig sa Diyos.