
Nabuntis ang Dalaga sa Murang Edad pa Lamang Niya; Ngunit Mabibigyan Siya ng Panibagong Pag-asa
Maagang nagkaroon ng anak si Francine. Kinse anyos lamang siya nang siya ay magluwal ng isang anak na babae.
Hindi pa man handa ay wala na siyang pagpipilian dahil naroon na siya sa sitwasyong iyon. Alam niyang nagkamali siya, kaya handa siyang harapin ang kapalit nito.
Ngayon nga ay nasa ikasiyam na grado na siya sa mataas na paaralan sa kanilang lugar at nagsusumikap upang sa kalaunan ay mabigyan niya ng magandang kinabukasan ang kaniyang anak at makabawi na rin sa kaniyang mga magulang.
Alam ni Francine na mababa ang tingin sa kaniya ng ilan sa kaniyang mga guro, mga kaklase at kaeskuwela ngunit minabuti niyang huwag na lamang iyong indahin dahil mas kailangan niyang maging matatag para sa kaniyang anak. Dahil doon ay mas naging masikap sa pag-aaral ang batang ina, sa kabila ng pag-aasikaso niya sa kaniyang paslit na minsan ay kinakailangan niya pang dalhin sa eskuwela dahil ang kaniyang mga magulang ay nagtatrabaho sa bukid, buong maghapon.
Nagtatrabaho rin si Francine sa kantina bilang tagahugas ng pinggan sa tuwing recess habang bitbit sa kaniyang likuran, gamit ang kaniyang baby carrier na talagang pinag-ipunan niyang bilhin noon upang magawa niya ang kaniyang mga gawain. Dahil dito ay maraming naantig at natutuwa sa kanilang mag-ina.
“Francine, baka naman pagod ka na, ha?” tanong ng isa sa kaniyang mga kasamahan sa kantina kung saan pinilit niyang makapasok kahit pa wala pa siya sa tamang edad. Nakiusap lamang kasi siya sa kanilang principal.
“Naku, ate, hindi po! Kayang-kaya ko po ito!” nakangiting sabi naman ni Francine sa kausap.
“E, ipinatatawag ka raw ng principal, e. May sasabihin daw sa ’yo,” muli ay sabi ng kaniyang kasamahan na agad naman niyang tinalima. Istrikto kasi ang kanilang principal at hindi nito gustong pinaghihintay.
Ngunit hindi alam ni Francine kung bakit bigla na lang nag-iiyak ang kaniyang Baby Lian habang tinatahak niya nag daan papunta sa opisina ng kanilang principal. Hanggang sa makapasok na siya sa loob ay iyak pa rin ito nang iyak!
“Ma’am, pasensiya na po kayo. Hindi ko po alam kung bakit iyak nang iyak si baby, e!” nag-aalalang hinging paumanhin ni Francine sa kanilang punong-guro.
Kunot-noo itong tumayo at lumapit sa kaniya. Akala ni Francine ay kung ano ang gagawin nito, ngunit nagulat siya nang kunin nito ang anak niya at inihele.
“Naiinitan na ito riyan sa puwesto niya. Siguro’y kanina pa siya nariyan, ano?” malumanay na sabi nito habang nakangiting tinititigan ang ngayon ay humahagikhik na niyang anak!
“Opo, ma’am, e. Naghugas po kasi ako ng plato sa canteen,” sagot naman niya. Nahihiya siya, sa totoo lang ngunit sa kabilang banda ay namamangha rin dahil tila nag-iba ang pakikitungo sa kaniya ng kanilang punong guro.
“Francine, alam mo bang ayoko sa mga batang kagaya mo na maagang nabubuntis? Kasi, ang tingin ko sa inyo ay pabigat lang sa magulang,” deretsahang saad ng kanilang punong guro na agad na nakapagpayuko kay Francine.
“Pero pinatunayan mo sa akin na hindi pala lahat, gan’on. Maaaring nagkamali ka, pero sinisikap mong gawin ang lahat upang patunayang kaya mong ituwid ang nagawa mong pagkakamali, para sa iyong anak at sa iyong mga magulang kaya naman talagang natutuwa na ako sa ’yo,” ngunit dagdag nito.
Agad na napatunghay si Francine. Napatitig siya sa kanilang punong-guro sa maluha-luhang mga mata.
“Kaya naman gusto kong ipaalam sa ’yo na balak kitang tulungang makapagtapos ng pag-aaral, anak. Bibigyan kita ng scholarship hanggang makapagtapos ka ng kolehiyo sa kahit anong kursong gusto mong piliin,” nakangiting pagpapatuloy pa nito na nakapagpabagsak na sa nagbabadyang luha ni Francine!
“T-talaga po, ma’am?” nanginginig pa ang tinig na aniya na agad namang tinanguan nito.
“Hindi lang iyon, Francine, dahil kasama sa ibibigay ko sa ’yo ang allowance na maaari mong gamitin para sa inyong mag-ina, upang hindi mo na kailanganin pang mag-trabaho. Hangad ko ang ikauunlad mo, Francine. Sana ay makabangon ka mula sa pagkakamali mo.”
Hindi na napigilan pa ni Francine ang mapayakap sa kaniyang punong guro. Lubos siyang nagpapasalamat sa kabutihang ipinapakita nito sa kaniya at sa kaniyang anak. Ipinangako ni Francine na hindi niya bibiguin ang kanilang punong-guro at patutunayan niyang hindi ito nagkamali sa pagbibigay sa kaniya ng tulong, at sa pagbibigay sa kaniya ng pangalawang pagkakataong makabawi.