Ipinagtabuyan ng Babaeng Ito ang Pulubing Nakapulot ng Isang Maruming Supot; Pagsisisihan Niya nang Maigi ang Ginawa Niyang Iyon!

“Ale! Ale!”

Napalingon si Daniela sa makailang ulit na pagtawag na iyon at napag-alaman niyang mula pala iyon sa isang gusgusing pulubing papalapit sa kaniya. Kunot-noo niya itong tiningnan. “Ano’ng kailangan mo?” tanong niya rito sa pagalit na tono.

“Ale, sa inyo po ba ’to? Bawal po kasing magkalat doon, e,” tanong nito sa kaniya sabay pakita sa isang maruming supot na kanina ay nakapatong lamang sa gilid ng kaniyang kinauupuan. Nakita siguro ito ng pulubi at inakalang sa kaniya kaya hinabol siya nito.

“Hindi sa akin ’yan, ’no! Nandoon na ’yan kanina noong umupo ako r’on!” galit pa ring aniya.

“Promise po? Hindi po talaga sa inyo ’to?” tanong muli ng pulubi.

“Oo nga! Bakit ba ang kulit mong pulubi ka? Doon ka na nga!” Kulang na lang ay itulak niya ito para lang lumayo na ito sa kaniya dahil nandidiri siya sa hitsura nito.

“Ale, sa inyo po ito, e! Kunin n’yo na po!” ngunit giit pa rin ng pulubi. Ipinagpipilitan talaga nitong siya ang may-ari ng basurang ’yon kaya naman binilisan na niya ang paglalakad upang hindi siya abutan nito.

“Ale! Sandali po, ale!” paulit-ulit pang sigaw ng pulubi habang iwinawagayway ang maruming supot. Hiyang-hiya na si Daniela sa ginagawa ng pulubing ito. Pinagtitinginan na sila ng mga tao lalo’t isang mataong kalsada pa naman ang kanilang dinaraanan!

Advertisement

“Ano ba ’yon? Bakit ba ayaw mo akong tigilan? Sinabing hindi nga sa akin ’yang basurang ’yan! Hindi ba’t ikaw ang nakapulot niyan? E ‘di sa ’yo na ’yan!” hiyaw niya pa na talagang ipinarinig niya pa sa mga taong nasa paligid upang malaman ng mga ito na talagang hindi kaniya ang naturang supot.

“Talaga po, ale? Hindi sa ’yo ’tong supot?” muli ay tanong ng pulubi na sa tingin niya ay may kaunting kakulangan sa pag-iisip dahil sa paraan ng pagsasalita nito.

“Hindi nga! Kaya lumayo ka na at dumidikit sa akin ’yong mabaho mong amoy!” sabi niya pa sabay paikot ng kaniyang mga mata.

“Okay po.” Iyon na lang ang isinagot ng pulubi at akma na itong tatalikod ngunit naisipan muna nitong buksan ang supot upang tingnan kung ano nga ba ang laman niyon… at ganoon na lang ang kaniyang pagkagulat nang makita ang isang makapal na bungkos ng perang tig-iisang libong papel!

Nanlaki ang mga mata ni Daniela habang ang pulubi naman ay naghihiyaw sa tuwa!

“Wow, pera! May nakita akong pera!” sigaw nito habang nagtatatalon sa galak.

“H-hindi! S-sa akin talaga ’yan! Akin na!” akma niyang aagawin sa pulubi ang supot nang biglang mag-react ang mga taong nasa kanilang paligid.

“Hoy, ate! Kanina pa ibinibigay sa ’yo ni totoy ’yang supot pero ayaw mong tanggapin, ’di ba? Kasi, akala mo, basura lang? Ngayong nakita mong pera ang laman, kukunin mo na?” mataray na sabi ng isang babae sa kaniya na agad namang sinegundahan ng katabi nitong lalaki.

Advertisement

“Oo nga! Siya ang nakapulot niyan kaya sa kaniya na ’yan! Bakit mo kukunin?!” sabi nito.

Hindi nakaimik si Daniela sa tinuran ng mga taong nakakita sa ginawa niya kaninang pagtataboy sa pulubi kaya naman wala na siyang nagawa kundi manahimik.

“Boy, iuwi mo na ’yan sa inyo. Itabi mo ’yan para may pambili ka ng pagkain,” sabi pa ng mga tao na agad namang sinunod ng pulubi.

Humanap siya ng tiyempo upang masundan niya ang pulubi dahil balak niyang agawin dito ang pera. Sising-sisi si Daniela sa kaniyang ginawa. Pera na, naging bato pa! Kung hindi niya sana pinagtabuyan at tinakbuhan dahil sa pandidiri ang pulubi, edi sana’y napunta sa kaniya ang perang ’yon! Gusto niyang umiyak sa sobrang pagkadismaya sa kaniyang sarili.

Nagtaka si Daniela sa daang tinatahak ng pulubi. Imbes kasi na umuwi ito sa kanilang bahay ay dinala nito sa barangay ang napulot nitong pera upang maisauli sa tunay na may-ari!

Isang babaeng humahagulhol ang naabutan nilang naroon sa tanggapan ng barangay at humihingi ng tulong na mabawi daw, ’di umano ang perang naiwala niya kanina. Pambayad pala iyon sa pampaospital ng ina nitong may karamdaman! Dahil sa sobrang pagkatuliro ay hindi na nito alam kung saan nito naipatong ang pera.

Tuwang-tuwa ang lahat nang isauli ng pulubi ang supot na ’yon, kasama ang kabuuan ng perang nakita nito kanina.

Biglang nakadama ng hiya si Daniela sa kaniyang sarili. Mabuti pa kasi itong pulubi, marunong magmalasakit sa kapwa, hindi katulad niya na matapobre na’y gahaman pa!