Inday TrendingInday Trending
Itinago ng Kaniyang Kapatid ang Tunay na Kinaroroonan ng Kanilang Ina; Ano Nga ba ang Dahilan Nito?

Itinago ng Kaniyang Kapatid ang Tunay na Kinaroroonan ng Kanilang Ina; Ano Nga ba ang Dahilan Nito?

“Kuya, bakit po ba nasa heaven na si mama? Ano po ang nangyari sa kaniya?”

Naaalala ni Venice na lagi niyang itinatanong iyon sa kaniyang kuyang si Densyo noong siya ay batang paslit pa lamang.

“Kasi, nagkasakit siya, bunso. Pero, binabantayan ka niya ngayon. Lagi siyang nakatingin mula sa itaas para tingnan kung okay ka ba o inaalagaan ba kita nang maayos,” sa tuwina ay lagi namang sagot ng kaniyang kuya.

Lumaki si Venice na walang kinagisnang pamilya kundi ang kaniya lamang Kuya Densyo na dalawangpu’t isang taon ang tanda sa kaniya. Ang sabi nito ay binawian daw ng buhay ang kanilang ina dahil sa isang karamdaman noong siya ay limang taong gulang pa lang, habang ang kanila namang ama ay pumanaw na rin bago pa man siya maipanganak.

Ngunit habang lumalaki ay napupuno ng tanong ang utak ni Venice, katulad ng, bakit wala silang dinadalaw na puntod ng kanilang ina hindi gaya ng kaniyang ama? Ano ba ang sakit ng kaniyang mama? Ano ang hitsura nito, dahil kahit sa litrato man lany ay hindi ito naipakita sa kaniya ng kaniyang Kuya Densyo?

Minsan na niyang itinanong iyon sa kaniyang kapatid ngunit natakot siya sa matinding galit na ipinakita nito nang itanong niya nga ang mga bagay na ito. Tila ba ayaw nitong sagutin ang lahat ng kaniyang mga katanungan kaya naman simula noon ay hindi na iyon muling inulit pa ni Venice.

Ganoon pa man ay hindi naman tumigil ang dalagita sa pag-alam ng mga bagay na bumabagabag sa kaniyang isipan… hanggang isang araw ay nalaman niya ang katotohanan dahil sa isang sulat na ipinadala ng isang ospital sa kaniyang Kuya Densyo…

Binasa niya iyon, at ganoon na lang ang kaniyang gulat nang basahin niya iyon! Ang sabi kasi sa sulat ay pumanaw na raw ang asawa ni Densyo!

“Kuya… may asawa ka na?” laking gulat na tanong niya sa kaniyang kuya!

Biglang napipi ang lalaki at nawalan ng isasagot, ngunit maya-maya ay bigla na lamang itong napabuntong-hininga.

“Oras na siguro para malaman mo ang totoo, bunso,” sabi nito sa kaniya.

“Ano’ng totoo, kuya?” umiiyak nang tanong ni Venice dahil malakas ang kutob niya na hindi ito magandang balita.

“Ang totoo, kapatid lang kita sa ama, Venice… at ang asawa kong si Carlota ang mama mo,” malungkot na sagot nito sa kaniya. Nagayon ay siya naman ang napipi kaya ipinagpatuloy ni Densyo ang sinasabi nito.

“Bago pa lang kaming nagsasama noon ng asawa kong si Carlota nang umuwi mula sa abroad ang papa kong OFW. Sa amin siya nakitira. Hindi ko akalaing dahil doon ay magkakamabutihan sila ng asawa ko at magagawa nila akong pagtaksilang dalawa…”

Biglang nanghina ang tuhod ni Venice sa narinig niya mula sa kapatid.

“Hindi totoong pumanaw si Carlota, bunso. Ang totoo, nasiraan siya ng bait nang pumanaw dahil sa atake sa puso ang tatay natin bago ka pa man tuluyang maipanganak. Nang iluwal ka niya ay muli ko kayong inalagaang mag-ina, pero malala na ang kalagayan ni Carlota. Gusto ka na niyang saktan. Gusto ka niyang isama sa hukay para magsama-sama na kayong tatlo, para daw mabuo ang pamilya n’yo, dahil mahal na mahal niya ang ama ko.” Bakas na bakas ang hinagpis sa mga mata ng kaniyang Kuya Densyo at halos hindi iyon kinaya ni Venice.

“Itinago ko sa ’yo ang totoo dahil ikaw ang sinisisi ni Carlota sa pagkawala ng papa. Ayokong danasin mo ang sakit masasakit na salita mula sa babaeng ’yon. Kahit bunga ka ng kasalanang ginawa ng dalawang taong ’yon sa akin ay hindi ko kailan man naisipang pabayaan ka. Mahal na mahal kita, bunso. Sana mapatawad mo si kuya,” humahagulhol na ani Densyo sa kaniya.

Patakbong tinungo ni Venice ang pagitan nila ng kaniyang kuya. Niyakap niya ito nang mahigpit!

“Kuya, salamat po sa lahat ng ginawa mo para sa akin! Napakabait mo pong tao! Sapat na sa akin na ikaw lang ang kinagisnan kong pamilya dahil sa tingin ko’y hindi magiging ganito kaayos ang buhay ko kung ang mga magulang ko mismo ang nag-alaga sa akin. Kuya, patawad sa nagawa nila sa ’yo.”

Kakaiba ang kuwento sa likod ng lihim na itinago at kinimkim ng kaniyang Kuya Densyo upang protektahan lamang ang kaniyang damdamin. Hindi niya maisip kung gaano ito nasasaktan sa tuwing maaalala nitong siya ang bunga ng kataksilan ng asawa nito at sariling ama sa kaniya, ngunit mas minabuti nitong maging masaya na alagaan siya’t mahalin bilang isang kapatid. Sinisigurado ni Venice na hinding-hindi niya pababayaan ang kaniyang Kuya Densyo, kailan man at susuklian niya ang kabutihan nito sa kaniya.

Advertisement