Dahil sa Kayabangan ay Muntik nang Mawala ang Perang Napanalunan Niya sa Lotto; Isang Leksyon Pala ang Ituturo Nito sa Kaniya!

“Kapag nakubra ko na ang panalo ko sa lotto, lahat ng kapitbahay natin bibigyan ko ng balato.” Ibinaba ni Mang Tasyo ang hawak na tandang saka tumayo habang nagsasalita. Nagtatakbo naman palayo ang manok nang bitiwan niya ito.

Halos hindi na maintindihan ang mga sinasabi nito dahil simula pa lamang umaga ay umiinom na ito kasama ng mga kaibigan.

Si Julius, ang sampung taong gulang na anak ni Mang Tasyo ay kasalukuyang nasa harapan ng pinto, naggugupit ng kuko sa mga daliri sa kamay at nakikinig sa pagbibida ng kaniyang ama. Katabi niya ang kapatid na si Bea na naglalaro ng mga manyika na animo ay mga totoong bata na sinusuklayan pa nito.

“Kuya, gutom na ako,” maya-maya ay wika ni Bea.

“Hintayin nating matapos uminom ang tatay, Bea. Kaunting tiis pa.”

“O anak, nariyan ka pala! Abutan mo nga ako ng itak at ipagkakatay ko ng manok ang bisita nating taga-Maynila. Naubusan na kami ng pulutan,” utos ni Mang Tasyo sa anak. Saka ito muling nanghuli ng isa pang manok na nakadapo sa sanga ng puno.

Dali-daling sumunod si Julius, ang hawak na nail cutter ay hinagis sa loob ng bahay at paglabas ay may dala na itong matalas na itak.

Pinanood niya kung paano gilitan ng kaniyang ama ang leeg ng manok saka ito inilapag sa lupa bago tuluyang bawian ng buhay. Nang kumulo ang laman ng kaserolang kanina pa isinalang sa de-kahoy na kalan ay inilublob doon ni Mang Tasyo ang kinatay na manok. Inutusan nitong muli si Julius na walisan ang mga natanggal nitong balahibo ng manok upang hindi na liparin pa ng hangin.

Advertisement

“Pagtapos mo riyan ay ibili mo ako ng suka kina Aling Bebang para dito sa aadobohin kong manok. Bilhin mo na rin ang anumang gusto mong bilhin.”

“Ah, eh, Itay? Saan po ako kukuha ng pambili?”

“Hanapin mo ang pitaka ko roon sa kuwarto, kunin mo roon ang pinakamalaking halaga ng perang makikita mo at ibayad sa tindahan.” Bahagya nitong nilakasan ang boses upang marinig ng mga kainuman nito.

“Ibang klase ka talaga, Tasyo!” kantiyaw ng mga ito.

Muling pumasok sa loob ng bahay si Julius at kinuha ang iniutos ng ama. Dire-diretso na itong umalis patungo sa tindahan at pagbalik ay may dala na itong suka at ilang piraso ng kendi at saka binigyan ang kapatid bago pa nito agawin ang hawak niya.

Hindi na alintana ni Mang Tasyo kung may sukli ang anak o wala. Barya-barya na lang ito para sa kaniya dahil bukas ay milyonaryo na siya. Isa siya sa dalawang mapalad na nakakuha ng jackpot prize ng lotto na nagkakahalaga ng isang bilyon.

Kinabukasan ay maagang naligo at nagbihis si Mang Tasyo. Ngunit hindi ito makaalis dahil nawala sa pitaka ang ticket ng lotto nito.

“Anak, nakita mo ba rito ang papel ko sa lotto?” tanong nito kay Julius.

Advertisement

“Itay, iyon po bang sinabi ninyo na milyon ang halaga? Ibinayad ko po kay Aling Bebang. ‘Di ba po sabi ninyo kahapon, kunin ko po ang pinakamalaking halaga ng pera na makikita ko? Iyon po ang ibinayad ko.”

Nanlaki ang mata ni Mang Tasyo sa narinig.

“Sabi pa nga po ni Aling Bebang, sabihin ko raw po sa inyo na ‘wag na ninyong subukan na bawiin iyon at aalis na raw po sila sa lugar na ito.”

Iyon ang mga huling salitang narinig ni Mang Tasyo bago ito panawan ng ulirat. Inatake ito sa puso at agad na dinala sa ospital.

Nakarating kay Aling Bebang ang sinapit ni Mang Tasyo at binagabag ito ng konsensya kaya naman, dali-dali siyang nagtungo sa ospital upang isauli ang tiket ng lotto sa mag-ama.

Humingi ng tawad si Aling Bebang sa kapangahasan na itakbo ang isang bagay na hindi niya pag-aari ngunit sa huli ay pinagsisihan naman niya ito. Hindi niya sukat akalain na hahantong sa ganoon ang paghahangad niya nang sobra. Napatawad naman siya ni Mang Tasyo at nangako si Aling Bebang na hindi na niya uulitin pa ang nangyari.

Makalipas ang ilang araw ay nakalabas na ng oapital si Mang Tasyo. Suwerte siya at hindi naging grabe ang naging atake niya kung hindi ay ‘di na niya matatamasa pa ang hinahangad na magandang buhay.

Nang makuha ang milyon-milyong panalo sa lotto ay binahagian niya ang lahat ng kaniyang mga kaibigan at kamag-anak. Nagbagong-buhay si Mang Tasyo at hindi na muli pang inuna ang alak at mga kaibigan sa kaniyang dalawang anak.