Palaging Umiiyak ang Kaniyang Kapatid Habang Yakap ang Isang Litrato; Tama Kaya ang Hinala Niya sa Dahilan Nito?

Naririnig na naman niyang umiiyak ang kaniyang ate. Sinipat niya ang malaking orasan sa dingding. Alas-dos na ng madaling-araw. Dahan-dahan siyang bumangon at tinungo ang kaniyang silid. Sumilip siya sa siwang ng bahagyang bukas na pinto. Nakatagilid ang kaniyang ate paharap sa pintuan kaya naman kitang-kita niya ang bawat pagkilos nito. Nakita niyang yakap nito ang isang larawan na hindi niya naman mabanaagan kung sino ang nilalaman.

“Bakit gabi-gabing iniiyakan ni ate ang larawan na iyon?” tanong niya sa kaniyang sarili. Bumalik na siya sa kaniyang silid ngunit nahihiwagaan pa rin siya sa mga ikinikilos ng kaniyang ate nitong mga nakaraang buwan. Naging malulungkutin kasi ito at walang kibo. Ni hindi na siya nakikisalamuha sa kanila lalo na kapag may ibang tao sa bahay. Nagkukulong lamang ito sa kuwarto. Ito ang pinakamagiliw sa kanilang tatlong magkakapatid.

Lumipas ang ilan pang araw na ganoon pa rin ang nangyayari. Kaya naman kinausap na ng dalagitang si Winona ang kaniyang ate.

“Bakit ayaw mong magkuwento sa akin, ate? Baka makatulong ako.” Pilit niyang inuusisa ang kapatid. Tumingin lamang sa kaniya ang kapatid na noon ay tumitipa sa kompyuter ng isinusulat nitong artikulo para sa magasin.

Pinagmasdan niya ang kaniyang ate. Sa kanilang tatlo ay aminado siya na si Ate ang pinakamaganda at pinakamabait. Gustong-gusto niya ang buhok nito. “Kulot mayaman”—iyan ang bansag nila sa kaniyang hangang baywang at itim na itim na buhok. Ang mga mata niya ay may makakapal na pilikmata na kapag ngumingiti ay naniningkit na nilangkapan pa ng dalawang biloy sa magkabilang pisngi.

Inialis nito ang kaniyang salamin. Tumingin muli sa kaniya saka siya nagsalita.

“Huwag mo nang alamin. Ayokong pati ikaw ay malungkot kapag nalaman mo kung bakit. May mga bagay na kailangan, sarilinin ko na lang upang hindi ako makaabala sa iba.”

Makahulugan ang sagot ng kaniyang ate. Hindi niya na lamang pinansin. Nasanay na rin naman siya sa mga matatalinhaga nitong mga sagot palagi. Writer kasi ito. Siguro ay napansin nito ang ginagawang pagtitig ni Winona sa kaniyang tiyan kaya naman agad na tinakpan nito iyon ng unan.

Advertisement

Nang gabing iyon ay narinig na naman niya ang impit na paghikbi ng kaniyang ate. Sumilip siyang muli sa silid nito. Kapansin-pansin ang malaking umbok sa tiyan ng kaniyang ate sa suot nitong nighties.

“Totoo kaya ang hinala ko? Buntis si ate?” tanong niya sa kaniyang sarili.

“Huwag sanang magalit si ate sa akin sa gagawin kong ito. Gusto ko lang naman siyang tulungan,” bulong ni Winona habang hinahanap niya kung saan naibaba ni ate ang larawang palagi na lamang nitong yakap. Naroon lamang pala sa tabi niya. Bahagya pa itong nadaganan nito kaya nahirapan si Winona sa pagkuha.

Sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi. Bagaman naaawa siya sa kapatid ay masaya siya na sa wakas ay mapupunuan na ang kaniyang kuryosidad. Ilang buwan niya na ring napapansin ang pagluha nito.

Ngunit halos manlaki ang mga mata ni Winona nang mapagtanto nito kung ano ang tunay na nilalaman ng litratong ’yon!

Hindi pala baby ang laman ng tiyan ng kaniyang ate. Ang yakap pala niya gabi-gabi ay larawan ng ultrasound na nagpapakita na may malaking bukol siya sa matris. Iyon pala ang dahilan ng gabi-gabing pag-iyak nito!

Kinabukasan ay sinabi agad ni Winona sa kanilang mga magulang ang kaniyang nalaman. Nagpasiya sila na kausapin ang kapatid niya at napaamin naman ito agad. Kinakailangan na maoperahan agad ang bukol sa kaniyang matris. Inaalala niya ang malaking gastos kaya hindi niya ipinagsasabi ang pinagdaraanan niya lalo’t siya ang breadwinner ng kanilang pamilya!

Dali-daling sinamahan ng kanilang mommy at daddy sa ospital ang kaniyang ate upang kumuha ng mga test na kakailanganin sa pagpapaopera nito. Nangako ang kanilang ama na gagawin ang lahat ng paraan upang maipagamot ang anak.

Advertisement

Hindi nagtagal ay isinagawa agad ang operasyon at naging matagumpay ito. Naalis ang bukol na nagsisilbing banta sa buhay ng kanilang minamahal na ate.

Nang magising ito sa ospital matapos ang operasyon ay nakita ulit ni Winona na umiiyak ito, ngunit ngayon, hindi na luha ng sakit ang dahilan. Luha iyon ng pasasalamat dahil sa pagsuporta at pagmamahal ng pamilya sa kaniya. Napagtanto niyang wala palang maidudulot na maganda ang paglilihim ng dinadamdam sa pamilya dahil sila lamang ang makakatulong sa ’yo.