Tinulungan ng Dalagang Ito ang Matandang Nanginginig Habang Kumakain; Isa Lamang Pala Iyong Palabas!

Kagagaling lamang ni Karina sa trabaho nang mga sandaling iyon at binabagtas niya ang kahabaan ng kalsada pauwi sa kaniyang tinutuluyang apartment. Pagod siya at sa totoo lang ay gusto na niyang sumalampak sa higaan upang magpahinga. Sa araw-araw ay napakahirap ng dinaranas niyang trabaho bilang caregiver ng maraming matatanda sa isang home for the aged institution na pinopondohan ng gobiyerno sa kanilang lugar. Ganoon pa man ay masaya pa rin siya sa kaniyang trabaho. Masaya siya sa kaniyang ginagawa at hindi matutumbasan ng malaking sweldo ang kaniyang labis na dedikasyon sa trabaho.

Tatawid na sana siya sa isa sa mga pedestrian lane doon nang makita niya sa gilid ng isang waiting shed ang isang matandang kumakain ng baon nitong biskuwit.

Agad na nakadama ng awa si Karina sa naturang matanda nang makita niyang tila mayroon itong iniindang karamdaman. Ang nakikita niya kasing kondisyon nito ay tila nanginginig ang buo nitong katawan na siyang nagiging dahilan kung bakit hindi nito makain ang hawak nitong biskuwit. Ni hindi rin ito makainom nang maayos dahil natatapon sa katawan nito ang kaniyang hawak na inumin kaya naman walang pagdadalawang-isip na nilapitan ito ni Karina upang tulungan…

“Lolo, kailangan n’yo po ba ng tulong?” agad na tanong niya sa matanda. Napakagalang ng kaniyang tono kaya naman agad na napangiti ang nanginginig pa ring matanda.

“Naku, hija, hindi na… nakakahiya kasi, makakaabala lang ako,” tugon naman nito.

“Hindi po, lolo. Isa po akong caregiver kaya sanay po ako sa ganitong gawain. Hayaan n’yo pong subuan ko kayo, ha?” Malumanay ang tinig ni Karina habang kausap ang matanda. Kinuha niya ang hawak nitong biskuwit at inumpisahang isubo rito nang marahan. Hinayaan niyang namnamin ng matanda ang pagkain at hindi niya ito minadali. Ang totoo ay kinukuwentuhan niya pa ito tungkol sa kaniyang trabaho nang nakangiti para hindi ito mailang sa kaniya. Nagpakita pa nga siya ng ilang litrato niya habang inaalagaan ang mga elderly sa kaniyang pinagtatrabahuhan.

Nang matapos na niya itong pakainin, ganoon na lamang ang gulat niya nang biglang may lumapit sa kaniyang isang lalaki. May hawak itong camera na nakatutok sa kaniya…

“Hi, ma’am! Napakabait po ninyo at naa-appreciate po naming lahat ang inyong taos pusong kabutihan para kay tatay… pero gusto ko lang pong sabihin na palabas lang ang lahat ng ito at napapanood po kayo sa buong plaza.”

Advertisement

Laking gulat ni Karina sa narinig na sinabi ng lalaki. Parang bigla siyang nahiya ngunit natuwa dahil nakaka-proud sa sarili ang kaniyang ginawa! Napatakip siya sa kaniyang mukha at muling hinarap si tatay na ngayon ay nakangiti sa kaniya at panay ang sambit ng pasasalamat.

“Isa po itong social experiment na naghahanap ng mga good samaritan upang ipakita sa mas marami pa nating kababayan na kung kaya ng isa, kaya rin ng lahat. Saludo po kami sa inyo, ma’am. Isa po kayong mabuting example sa lahat!”

Naantig ang puso ni Karina sa narinig. Pakiramdam niya ay lalo siyang nakadama ng ligaya sa paggawa ng kaniyang tungkulin kahit sa labas pa iyon ng kaniyang workplace.

Inimbita siya ng team ng mga ito sa plaza kung saan napapanood ng live ang kaniyang ginawang kabayanihan at ganoon na lang ang gulat niya nang makitang napakarami palang tao roon! Palakpakan sila nang siya ay kanilang makita at walang pagsidlan ang labis nilang paghanga sa kaniya!

Hindi lang sa araw na iyon nagtapos ang pagkilala ng mga tao kay Karina dahil matapos iyon ay kilala na siya ng halos lahat ng mga tagaroon sa kanilang lugar. Naging instant celebrity ang dating ni Karina lalo na at mula nang mangyari iyon ay tila tumaas ang bilang ng mga good samaritan sa kanilang lugar.

Marami na kasi ang nagkukusang tumulong sa mga nakikita nilang nangangailangan. Bukod doon ay marami na rin ang nagsasauli ng mga napupulot nilang mahahalagang bagay sa daan. Nabawasan ang bilang ng gumagawa ng kr*men sa kanilang lugar at lahat ng iyon ay dahil sa nakita nilang kabutihang loob ng isang caregiver na walang iba kundi si Karina.

Si Karina na hindi naghangad ng kahit anong pagkilala o gantimpala sa kaniyang ginawa, dahil iyon ay bukal sa kaniyang puso at masaya siyang tumulong sa kapwa. Nawa ay marami pang maging katulad ni Karina sa paligid dahil hindi imposibleng mangayri ang mga bagay na kaniya ring naipamalas… dahil kung kayang gawin ng isa, siguradong kaya rin itong gawin ng lahat.