Isang Aswang ang Gumagala sa Bayan ng San Isidro; Pero Bakit Iba ang Nahanap ng Dalaga sa Kakahuyan?

Isang malakas na tili ang gumulantang sa bayan ng San Isidro.

“Aswang, aswang!” takot na nagsisigaw ang isang dalaga.

Binalot ng takot ang buong bayan dahil sa kakatwang karanasan ng kanilang kababayan.

Kasalukuyan daw itong naglalakad sa may kakahuyan nang makita nito ang isang lalaki na sunog ang mukha. Pangit at nakakatakot daw ang hitsura nito.

Kung hindi raw ito nakatakbo ay baka ito na ang naging hapunan ng aswang.

“Jessica, ikaw, ‘wag kang masyadong kampante ha. Alam mo na na may gumagalang aswang, kaya mag-iingat ka at ‘wag kang magpapagabi sa trabaho,” paalala ng kaniyang ama nang umagang iyon.

“Opo, Tatay,” sagot na lamang niya kahit hindi siya naniniwala sa mga aswang. Ayaw niya lang humaba pa ang diskusyon.

Nais naman sana ni Jessica na sundin ang payo ng magulang ngunit hindi niya iyon magawa dahil sa kaniyang trabaho.

Advertisement

Tambak ang trabaho niya nang gabing iyon kaya hindi niya na namalayan ang oras. Nagulat na lamang siya nang makitang pasado alas-nuwebe na pala ng gabi.

“Naku, mag-aalala na naman ‘yun sila Nanay,” namomroblemang bulong niya habang naghahanda sa pag-uwi.

Pasado alas diyes na nang makarating siya sa bukana ng kanilang bayan. Hanggang alas nuwebe lang ang biyahe ng mga tricycle kaya naman kakailanganin niyang maglakad mula sa bukana hanggang sa bahay nila.

Nang mapadaan siya sa kakahuyan na pinaniniwalaang pinamumugaran ng aswang ay wala siyang naramdamang takot kahit pa malakas ang ihip ng hangin.

Subalit maya maya ay nakarinig siya ng yabag mula sa likuran niya. Sa tingin niya ay hindi lang isa kundi marami ang taong nasa likod niya. Hindi niya maiwasang kabahan.

Mas lalo siyang kinilabutan nang maulinigan ang malisyosong komento ng isa sa mga ito.

“Pare, ang kinis! Jackpot tayo dito!”

“Ako ang mauuna, ha!”

Advertisement

Naramdaman niya na ang nakaambang panganib.

Binilisan niya ang lakad upang makalayo sa panganib. Sa kaniyang pagmamadali ay nagkamali siya ng liko, dahilan upang mapasok niya ang kakahuyan.

Kasalukuyan siyang naghahanap ng mapagtataguan nang may humigit sa kaniya.

Napasigaw siya sa gulat ngunit tinakpan ng estranghero ang bibig niya.

“‘Wag kang maingay kung ayaw mong pati ako ay mapahamak,” malamig na bulong nito, na nagpatahimik sa kaniya.

Natameme siya sa ganda ng boses ng estranghero!

“Pare, narinig kong tumili, baka nakuha na ng aswang!” naulinigan niyang wika ng isang lalaki.

“Oo nga, pare, ayoko na dito, nakakatakot!” bulalas naman ng isa.

Advertisement

Naramdaman niya ang pag-iling ng estranghero. “Nananakot ng babae, takot naman sa aswang,” bulong pa ng lalaki.

Nang sa wakas ay mawala ang mga lalaking nagtangka sa kaniya ay lumabas sila ng lalaki sa kanilang pinagtataguan.

“Tsk tsk tsk! Ano ba kasing ginagawa mo at gabing gabi’y naglalakad ka mag-isa? Alam mo namang may mga masasamang loob na gumagala!” tila galit na sita ng lalaki. 

“Hindi naman totoo ang aswang,” nakalabing tugon niya.

“Hindi aswang ang tinutukoy ko. ‘Yung mga lalaking ‘yun, sa tingin mo, maganda ang intensyon ng mga ‘yun? Paano kung naabutan ka ng mga ‘yun? Eh ‘di bukas palutang lutang ka na sa ilog!” ‘di patatalong saad nito. 

“Eh ‘di salamat at iniligtas mo ako! Bakit ka ba nagagalit? Ikaw nga, gabing-gabi nandito ka sa kakahuyan! Bakit ka nandito?” kompronta niya sa lalaki. 

“Dito ako nakatira,” sagot ng lalaki.

Saktong tinamaan ng sinag ng buwan ang mukha ng lalaki kaya nakita niya ang mukha nito sa unang pagkakataon.

Advertisement

Hindi naitago ng sunog na parte ng mukha nito ang kakisigan nitong taglay.

Noon niya napagtanto ang katauhan ng lalaki. Naalala niya ang sinabi ng kabaranggay nila na sunog ang mukha ng nakita nitong aswang.

“Ikaw, ikaw ‘yung aswang!” nanlalaki ang matang turo niya sa lalaki.

Nakita niya ang simangot na bumalatay sa gwapo nitong mukha.

“Kapag pangit, aswang kaagad? Lalapitan ko lang ‘yung babae kasi parang may problema siya, bigla siyang nagsisigaw na may aswang daw!” tila batang sumbong nito. 

Hindi niya napigilang matawa sa sentimyento ng lalaki, dahilan upang matawa na rin ito.

Ilang sandali pa ay napuno ng matinis nilang halakhakan ang kakahuyan.

“Anong pangalan mo?” hindi maiwasang usisa niya sa lalaki.

Advertisement

“Aries.”

“Aries, ang gandang pangalan para sa isang aswang,” natatawang komento niya. “Ako si Jessica.”

Kahit malalim na ang gabi ay nakipagkwentuhan siya sa sa bagong kaibigan. Nais niya kasing malaman kung bakit sa kakahuyan ito nakatira.

“Naghahanap ako ng matitirahan doon sa karatig-bayan pero walang gustong magpaupa sa akin. Baka raw kasi katakutan ako ng mga tao. Kaya lumayo ako, at dito ako nagtayo ng sarili kong bahay,” malungkot na kwento ng lalaki.

“Grabe ang panlalait na nakuha ko noon. Sa totoo lang, mas nakakatakot pa ang tao sa kaysa sa mga aswang. Kasi ang aswang, siguro uubusin lang ang dugo mo at lamang loob. Pagtapos nun, wala na. Pero ang tao, kaya kang p*tayin nang paulit ulit, sa salita pa lang,” dagdag pa ni Aries.

Lungkot na lungkot naman si Jessica para sa bagong kaibigan.

“Pwede ka sa bayan namin. Mababait ang mga tao doon. Tutulungan kitang makakuha ng bahay na matutuluyan,” alok niya. 

“Salamat, Jessica. Malungkot nga mag-isa dito.”

Advertisement

Iyon ang naging simula ng pagkakaibigan nila ni Aries.

Tinulungan niya itong makakuha ng bahay, na sa kabutihang palad ay malapit lamang sa bahay nila.

Mainit din ang naging pagtanggap ng kanilang mga kabaranggay kay Aries, lalo pa’t nawala na ang takot ng mga ito nang malamang hindi totoo ang aswang.

Dahil sa atraksyong nadama ni Jessica para sa lalaki ay tuluyan nang nahulog ang loob niya rito. Napakabait, galang, at matulungin din kasi nito. Panalangin niya na sana ay parehas sila ng nararamdaman.

Makalipas ang ilang buwan ay dininig ng langit ang kaniyang panalangin nang sabihin sa kaniya ni Aries ang pinakaaasam-asam niya. Mahal din siya ni Aries!

“Mahal kita nang higit pa sa isang kaibigan, Jessica. Pwede ba kitang maging girlfriend?” nahihiyang tanong ng lalaki.

“Mahal din kita, Aries. Noong araw pa lang na iniligtas mo ako sa kakakuhuyan,” nakangiting sagot niya.

“Naku, sinasabi ko na nga ba, eh!” nakangising pambubuska ng binata.

Advertisement

Masayang masaya si Jessica. Naisip niya na marahil ay aswang nga talaga ang lalaki, dahil kinuha nito ang puso niya!