Inday TrendingInday Trending
Basagulerong Kagawad Nang Biktima ng Kabataan; Hindi Ba’t Dapat Maging Mabuting Ihemplo si Kagawad?

Basagulerong Kagawad Nang Biktima ng Kabataan; Hindi Ba’t Dapat Maging Mabuting Ihemplo si Kagawad?

“Kagawad, maaari po ba kaming magtanong kung pwede kaming humingi ng kaunting tulong sa Barangay. Nama*tay kasi ang anak ng pinsan ko kanina. Baka pwede kaming humingi ng kaunting pinansyal,” mahina at nahihiyang wika ni Aleng Melba sa Barangay Kagawad na si Jose.

“Gano’n po ba, Aling Melba. Pumunta kayo sa Barangay mamaya at tiyak na tutulungan nila kayo,” wika ni Jose saka tinapik ang balikat ng babae.

“Maraming salamat, kagawad.”

Isa si Jose sa maaasahang kagawad sa Barangay nila. Mabilis itong lapitan at napakamatulungin nitong tao. Kaya hindi kataka-taka kung bakit lagi itong nananalo sa halalan.

“Kagawad Jose, mayroon kaming natanggap na report sa Lerma Street, mayroon daw mga kabataang nanggugulo. Baka pwedeng ikaw na lang ang pumunta at umawat. Marami pa kasi akong inaasikaso sa Barangay.” Nakikiusap na wika ni Kagawad Harold kay Jose.

“Gano’n ba p’re? Sige ako na ang bahala doon,” anito na agad ding pununtahan ang kalsadang sinasabi ni Harold, kung saan nagkakagulo ang mga kabataan.

Pagkarating nga niya sa Lerma Street ay agad niyang nakita ang mga kabataang nambabato sa mga sasakyang dumadaan. May iba pang nagsasapakan at nagpapagitna sa daan.

“Hoy! Itigil niyo ‘yan!” Matigas na awat ni Jose sa mga kabataan. Ngunit nagpatuloy lamang ang mga ito at tila walang naririnig. “Aba’t mga siga pala kayo ah!” aniya saka inilabas ang batuta saka sinimulang paghahampasin ang mga kabataang nanggugulo sa kalsada. Dahilan upang hindi makadaan nang maayos ang mga sasakyan.

Agad namang nagtakbuhan ang iba, ngunit mga lima rito ay nahuli nila. Agad niyang dinala ang mga iyon sa Barangay. ‘Yong iba ay basag ang mukha ang iba naman ang may mga pasa dahil sa palo niya.

“Anong ginawa mo sa mga batang ito Kagawad Jose?” Takang tanong ni Kapitan Anthony.

“Binigyan ko ng leksyon kap,” sagot naman ni Jose.

“Pero bakit naman ganito kalala?”

“Mga pasaway kasi, kap. Ayaw paawat kaya sinampolan ko na,” aniya.

“Pa*tay tayo sa mga magulang nito,” kakamot-kamot na sambit ni Kapitan Anthony.

Nang magdatingan ang mga magulang ng limang bata ay tama nga ang hinala ni Kapitan Anthony.

“Kahit kagawad ka ay wala kang karapatang bug*bugin ang mga anak namin. Wala kang kwentang kagawad. Karahasan lang ang alam mo!” Galit na sumbat ng isang nanay kay Jose.

“Idedemanda ka namin! Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa mga anak namin!” Galit ring wika ng isang tatay na tinawanan lamang ni Jose.

“Alam niyo mga nanay at tatay. Bago kayo magalit sa’kin, bakit hindi niyo muna tanungin ang kaniya-kaniyang sarili niyo kung naging mabuting magulang ba kayo sa mga anak niyo ‘no,” kalmadong wika ni Jose.

“Anong karapatan mo para pangaralan kami! Alam mong mga bata, hindi mo na lang inawat at kinausap nang maayos. Dinaan mo pa sa pambubu*gbog! Tignan mo ngayon ang itsura nila. May konsensya ka pa ba?” Nanggigigil na wika naman ng isa pang nanay.

“Wala nga po akong karapatang pangaralan ang pagiging magulang ninyo. Pero sana bago niyo ibuhos sa’kin ang lahat nang sisi. Isipin niyo munang ginawa ko lang ang trabaho ko.” Mahinahong sambit pa rin ni Jose. Naiintindihan niyang mainit ang mga ito dahil sa nangyari sa mga anak nito.

“Trabaho mo bang magpasimuno ng gulo? Hindi ba’t dapat ikaw ang maging mabuting ihemplo, pero anong ginawa mo! Binugbog mo pa silang walang kalaban-laban sa’yo!”

“Nay, ipapaliwanag ko sa’yo ang nangyari bago ka pa magalit d’yan,” aniya habang pilit pinapakalma ang isang ina. “Hindi na po batang walang muwang ang mga anak niyo. Maaaring menor de edad pa sila, pero may alam na po silang kasamaan.

“Binabato nila ang mga sasakyang dumadaan at kapag pinatulan sila ng driver ay doon na nila isasagawa ang mudos nilang pagnanakaw. May nakuha po kaming ice pick at kutsilyo sa kanila. May mga pera din po na mukhang galing sa pagnanakaw. Kung nagkataon na hindi ko sila inunahan, baka kami pa ang map*tay ng mga anak niyo nay, tay.

Kaya ko tinatanong kung naging mabuting magulang ba kayo sa kanila. Hindi gawain ng mga kabataang may sapat na pagmamahal sa magulang ang gano’ng bagay. Napaka-bata pa nila, pero halang na po ang mga kaluluwa nila. Kaya hindi niyo ako masisisi kung nasaktan ko ang mga anak ninyo,” mahabang paliwanag ni Jose, saka lamang natameme ang kaninang maiinit na mga magulang.

“Sa pagkakaalam ko po. Nauuna sa sariling tahanan ang tamang pagdidisiplina. Baka nga po hindi kayo marunong dumisiplina sa mga anak niyo, dahilan para magkaganyan sila,” singit naman ni Kapitan Anthony.

“Kung ‘di niyo po kayang pangalagaan ang mga anak niyo. Ipaubaya niyo na lang po sila sa DSWD,” wika ni Jose saka iniwan ang mga magulang na ngayon ay tahimik na.

Bago mo isisi sa iba ang masamang nangyari sa anak mo, tanungin mo muna ang sarili mo kung naging mabuting magulang ka ba sa anak mo.

Advertisement