Pensyon Lang Daw ni Nanay ang Habol Niya: Totoo Ba ang Ibinibintang ng Karamihan sa Kaniya?
“Robilyn, may nakarating sa’kin na balitang pinapabayaan mo lang daw si nanay. Kung ganyan lang din naman ay ibalik mo siya sa’kin at ako na ang mag-aalaga sa kaniya!” Galit na wika ng panganay na kapatid ni Robilyn na si Rosalyn.
“Ate kung sino man iyang source mong mali kung magbigay nang balita, sabihin mo sa kaniyang wala siyang kwenta! Inaalagaan namin si nanay dito at wala akong balak ibalik siya sa’yo. Kaya nga siya na sa’kin dahil pinabayaan mo lang siya noon,” galit ring sagot ni Robilyn.
“Bakit ba ayaw mong ibigay sa’kin si nanay? Siguro dahil sa pensyon niya ‘no! Ayaw mong mawala si nanay para makinabang ka sa pensyon niya,” nangbibintang na sambit ni Rosalyn sa kabilang linya.
“Pwede ba ate at huwag mong pinapasa sa’kin ang ugali mo! Nagpapasalamat ako dahil kahit papaano ay may sariling perang natatanggap si nanay. Tatlong libong pensyon, ipagpapalit ko sa kalusugan ni nanay? Hindi ko na siya muling ipagkakatiwala sa’yo.
Minsan mo na siyang inalagaan, pero anong ginawa mo? Pinabayaan mo lang siya sa bahay niyo habang ikaw kumakayod para sa pamilya mo. Kaya huwag ka ngang nagmamagaling na akala mo kung sino ka na!” Galit niyang wika saka ibinaba ang tawag.
Hindi niya alam kung ano ang nais iparating sa kaniya ng kapatid. Pero hindi siya nagkulang sa pag-aalaga sa ulyanin niyang nanay.
Makalipas ang isang linggo ay biglang nakatanggap ng sulat si Robilyn galing sa Barangay. Iniimbitahan siya ng Punong Barangay upang pag-usapan ang inireklamo ng kaniyang kapatid na si Rosalyn.
“Kapitan, ang totoo niyan kaya ako naparito ay dahil nais kong kunin ang nanay ko sa kapatid kong si Robilyn. Ayon kasi kay Ma’am Fatima, na kapitbahay lang nila ay kinakawawa ng kapatid ko ang nanay namin. Magigising nang madaling araw upang manghingi nang makakain, pero binabalewala lang ni Robilyn ang nanay namin. Minsan pa nga ay nawala daw ang nanay ng tatlong araw dahil sa kapabayaan nitong si Robilyn,” mahabang litanya ni Rosalyn sa Kapitan ng Barangay.
“Gano’n po ba misis? Ikaw Mrs. Robilyn, baka may paliwanag ka sa lahat nang reklamo nitong kapatid mo,” kausap ng kapitan sa kaniya. Binibigyan siya nito ng tsansa upang ipaliwanag ang kaniyang sarili.
“Meron nga kap, ganito po kasi ‘yan. Ulyanin na ang nanay namin. Siyempre, pinapakain ko siya nang tamang oras dahil may mga maintenance siyang dapat inumin at alam naman natin kap na bawal lumampas sa oras ang pag-inom no’n.
Dahil nag-uulyanin na nga ang nanay, kaya kahit kakakain lang niya sasabihin niya na hindi pa siya nakakakain at nakakainom ng gamot kahit tapos na. Madalas walang pinipiling oras ang pagsumpong nang kaniyang kalimot.
Doon naman sa tatlong araw na nawala ang nanay. Agad ko iyong ipina-blotter dito sa Barangay ang pagkawala ng nanay ko. Hindi iyon dahil sa kapabayaan ko. No’ng nagpaalam siyang lalabas dahil may bibilhin lamang siyang kung ano, maayos pa ang takbo nang isip niya.
Hanggang sa bigla na naman siyang sinumpong sa sakit niyang kalimot kaya bigla siyang nawala. Lilinawin ko lang pala, hindi talong araw nawala ang nanay. Kahit tingnan niyo pa sa record ng Barangay. Isa at kalahating araw lang, iyong isa pang araw ay nasa center siya no’n ginagamot dahil sa natamong sugat sa pagkaligaw niya.” Mas mahabang paliwanag ni Robilyn sa Kapitan.
“Mas marami ka pang kasalbahiang ginawa kay nanay Robilyn, alam mo ‘yan sa sarili mo. Kaya kung hindi mo na kayang alagaan ang nanay ay ibigay mo na lang sa’kin,” mataray pa ring wika ni Rosalyn.
“Ganito na lang madam. Tutal sapat na rin siguro ang panahon sa pag-aalaga mo sa nanay mo. Kaya baka mas maigi ngang ipaubaya mo muna siya sa ate mo,” nakikiusap na kausap ng Kapitan kay Robilyn.
Matalim na tinitigan si Robilyn ang kapatid. “Ayoko kap!” Matigas niyang tanggi.
“Tignan mo kap. Ayaw talaga niyang mawala sa poder niya si nanay dahil sa pensyon ng matanda. Iyon ang totoo,” muling wika ni Rosalyn.
Tabingi namang ngumiti si Robilyn dahil sa sinabi ng kapatid. “Ibabalik ko naman sa’yo ang sinabi mo. Bakit bigla-bigla na lang ay nais mong makuha ang nanay? Ngayon pang pareho kayong mag-asawa na walang trabaho. Siguro dahil sa pensyon ni nanay. Para sa’yo mapunta ang tatlong libong natatanggap ni nanay kaya gusto mong nasa poder mo ang matanda. Tama ako ‘di ba ate?”
“Naku ma’am kung ganyan ang motibo niyo sa nanay niyo’y masama iyan,” singit ng kapitan. “Kunin niyo ang nanay niyo dahil nais niyong alagaan. Hindi dahil sa kakarampot lang na halaga. Ginagamit niyo pa ang matanda.”
“Hindi po totoo iyan kap,” buong tigas na tanggi ni Rosalyn.
“Sa tagal pong nanirahan ni Ma’am Robilyn dito ay hindi pa kami nakakatanggap ng reklamong pang-aab*uso. Minsan lang siyang humingi sa’min nang tulong, iyon ‘yong nawala ang nanay niyo. Pero bukod doon ay wala na. Mabait na kapitbahay ang kapatid mo ma’am. Mas marami nga pong records sa Barangay ang kakampi ninyong si Mrs. Fatima. Kaya sa’king palagay ay wala kayong dapat ikabahala sa nanay ninyo, sa poder ni Ma’am Robilyn.” Malinaw na paliwanag ni Kapitan.
“Ano pa nga bang magagawa ko? Malamang kakampihan niyo si Robilyn dahil residente siya rito. Pero kung akala mo, hindi kita babantayan, nagkakamali ka,” inis na wika ni Rosalyn saka naglakad palabas sa Barangay.
“Salamat po kap ah,” nakangiting pasasalamat ni Robilyn sa kapitan nila.
“Walang ano man iyon misis. Alam kong hindi ka masamang anak sa nanay mo. Sadyang may mga gano’n lang talagang kapatid. Sana hindi ka magsawang alagaan ang mama mo,” wika ng kapitan saka tinalikuran si Robilyn.
Walang sawa niyang aalagaan ang ina, dahil nais niyang humaba pa ang buhay nito. Kahit nahihirapan siya’y hindi niya iyon alintana. Basta ang mahalaga ay nakikita niya ito at nakakausap. Masaya na siya sa bagay na iyon. Wala siyang pakialam sa pera o pensyon nito. Maliit lang na bagay iyon, kumpara sa kalusugan ng nanay niya.