Inday TrendingInday Trending
Tanging Kwintas ang Napunta sa Bunsong Anak ng Don; Laking Gulat Nila Nang Malaman Kung Ano ang Tunay na Halaga Nito

Tanging Kwintas ang Napunta sa Bunsong Anak ng Don; Laking Gulat Nila Nang Malaman Kung Ano ang Tunay na Halaga Nito

“Marco, may pinapagawa si daddy. Ikaw na nga ang pumunta sa opisina niya,” sambit ng panganay na si Lucas sa bunsong kapatid habang tatawa-tawang umalis ng silid.

“Oo nga, Marco. Tutal wala ka namang ginagawa riyan. Kailangan na naming umalis ni Kuya Lucas dahil may kikitain pa kaming maganda este mahalagang kliyente. Ikaw na ang gumawa ng ipinag-uutos ng daddy,” segunda pa ng isang nakakatandang kapatid na si Samuel.

Wala nang nagawa pa si Marco kung hindi sumunod na lamang sa utos ng kaniyang dalawang nakakatandang kapatid.

Sanay sa luho at karangyaan ang dalawang nakakatandang kapatid ni Marco. Wala silang ginawa kung hindi magpakasasa sa yaman ng kanilang ama na isang magaling na negosyante. Kahit na pilit nang nakikiusap ang kanilang ama na pag-aralan ng dalawa ang kalakaran sa kanilang kumpanya ay mariin ang kanilang pagtanggi sapagkat ayaw nila ng ganoong kabigat na responsibilidad.

Matanda na rin kasi at mabilis ng mapagod si Don Jaime. Ang nais na lamang niya sa kaniyang edad ay magpahinga at lasapin ang kaniyang pinaghirapan. Ngunit paano niya ito magagawa kung ang mga anak niya na inaasahan niya ay walang tiyaga sa pag-aasikaso ng kumpanya.

Hindi pa kasi natatapos sa pagaaral sa kolehiyo itong si Marco. At sa kanilang magkakapatid ay mahahalata mo na siya ang pinakamahina kaya siya ang laging kinakawawa ng dalawa. Ngunit kahit na ganito man si Marco ay maganda ang kaniyang kalooban at ayaw niyang nabibigo ang kaniyang ama.

‘O, bakit ikaw ang narito? Pinapatawag ko ang Kuya Lucas mo at may ipapagawa ako sa kaniya,” sambit ng ama.

“Kanina pa po umalis, dad. Baka pwedeng ako na ang gumawa niyan,” tugon ni Marco.

“Hay, anak. Sana ay matapos ka na sa pag-aaral at ikaw na ang kumuha ng lahat ng responsibilidad ko sa opisinang ito. Ikaw lang ang kinakikitaan ko ng potensiyal at tunay na pagmamalasakit sa kumpanya. Matanda na ako at sa tingin ko ay hindi na matatagal ang buhay ko, nais ko sanang gugulin na ito sa pagtuturo sa inyo kung paano palakarin ang kumpanya ng sa gayon ay may maiiwan ako sa inyo,” saad ni Don Jaime.

Makalipas ang ilang buwan ay binawian na nga ng buhay ang matanda. Kaysa atupagin ng dalawa ang pamamalakad sa kumpanya ay pinabayaan lamang nila ito. Pinaghatian nila kaagad ang kayamanan ng ama at ang tanging ibinigay lamang sa kapatid ay ang kuwintas na laging suot ng ama.

“Para maalala mo si daddy. Iyan na ang sa’yo. Kung may kailangan ka, pera, gamit o kahit ano, magsabi ka na lang sa amin at bibigyan ka namin,” wika ni Lucas.

Labis na paghihinagpis ang naramdaman ni Marco sa pagkawala ng ama habang ang dalawang kapatid niya ay walang ginawa kung hindi lustayin ang lahat ng yaman na mayroon sila.

Napabayaan na rin ng dalawa ang kumpanya hanggang sa tuluyan na itong malugi at ipinagbili na sa iba.

“Sa akin mapupunta ang mga lupain sa probinsiya,” sambit ng nakakatandang si Lucas.

“Sa akin naman ang mga kotse at bahay dito sa siyudad,” saad ni Samuel.

“Pero saan ako titira? Wala nang natitirang pag-aari ang daddy. Kung sana ay pinahalagahan at hindi ninyo winaldas ang mga naiwan sa atin ng daddy ay hindi sana tayo ganito ngayon,” saad ni Marco.

“Doon ka muna tumira sa dati nating bahay. Pero kapag nakakita na kami ng bibili noon ay paghahatian natin ang pera at saka ka umalis,” wika ng nakakatandang kapatid.

“Pati ba naman ang lumang bahay natin ay ibebenta ninyo? Iyon na lamang ang tanging alaala sa atin ng ating mga magulang. Doon tayo lumaki,” katwiran ni Marco.

Ngunit walang pakialam ang dalawa niyang kapatid ang nais lamang nila ay mabuhay pa rin sa paraang alam nila.

Mabigat man ang loob ni Marco ay wala na siyang nagawa pa. Alam niyang wala siyang kalaban-laban sa kaniyang mga kapatid. Isang gabi habang tangan niya ang kwintas ng kaniyang ama ay napansin niya ang nakaukit dito na salita.

Ave Maria

Alam niyang malaki ang paniniwala ng kaniyang ama dito pero hindi niya alam kung bakit bigla na lamang niyang naalala ang isang larawan na may nakaukit na Ave Maria. Agad niya itong pinuntahan at saka tinitigan. Siniyasat niya ang larawan at sa likod nga nito ay natagpuan niya ang isang susi na nakadikit sa kwadro nito.

Agad siyang pumasok sa lumang silid ng ama at naghanap ng maaaring paggamitan ng susi. Dito na tumambad sa kaniya ang limpak limpak na salapi!

Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Isang sulat din ang kaniyang nabasa.

Marco,Alam kong tanging ang kuwintas ko lamang ang ibibigay sa’yo ng mga kapatid mo sapagkat alam nilang hindi ito tunay na ginto at ginagamit ko lamang ito bilang agimat. Inipon ko ang perang ito para sa’yo at sa panimula mo. Alam kong gagamitin mo ito ng tama.Nagmamahal,Daddy

Halos bumaha ang luha ni Marco sa labis na pangungulila sa kaniyang ama. Mula noon ay nagdesisyon siya na gagalingan niya upang hindi niya mabigo si Don Jaime. Nagpanggap siya na ibang tao upang bilhin ang kanilang lumang bahay.

Muli niyang binili ang kumpanya at sa kaniyang pamamalakad ay napalago niya ito. Habang ang mga kapatid niya ay naubos na ang pera sa kung anu-anong mga bagay ay nagsusumikap siya upang itaguyod mula ang kumpaniya ng kanilang ama.

Hindi makapaniwala ang dalawang nakatatandang kapatid sa sinapit ng kanilang bunso.

“Patawarin mo kami, Marco. Patawad sa lahat ng ginawa naming masama sa’yo. Inalisan ka namin ng karapatan sa lahat ng kayamanan ng daddy. Naging sakim kami at naging gahaman. Sana ay mapatawad mo kami,” saad ng dalawang kuya nito.

Pinatawad sila ng bunsong kapatid sa kanilang ginawa dito ngunit kailangan nilang paghirapan ang perang ibibigay sa kanila ni Marco sa pamamagitan ng pagtatrabaho kumpanyang pagmamay-ari na niya.

Advertisement