Ipinagpalit ng Lalaki ang Misis na OFW sa Isang Maalindog na Babae; Pagsisisihan Niya Nang Matindi ang Desisyong Kaniyang Ginawa

“Apat na taon man ang kontrata ko, mahal, uuwi naman ako kada ika-anim na buwan,” sambit ni Marie sa kaniyang asawang si Julian.

“Bakit ba kailangan mo pa kasing umalis? Puwede ka naman dito maging nurse kung iyan talaga ang gusto mo. Sandali pa lang tayong nagkakasama bilang mag-asawa, aalis ka na kaagad,” wika ng mister.

“Konting tiis lang, mahal. Para din naman sa atin ito. Mas mabilis tayong makakaipon kapag nagtulungan tayo. Mas malaki kasi ang kikitain ko sa ibang bansa. Saka alam mo namang kailangan kong tuparin ang pangako ko sa mga magulang ko na ako pa rin ang magpapaaral sa mga kapatid ko. Sana maunawaan mo ako,” paliwanag ni Marie.

‘Kapag may ipon, pwedeng sumunod ka na sa akin doon sa Canada. Doon na tayo manirahan. Basta sa ngayon kailangan ko munang umalis, mahal,” dagdag pa ng kaniyang misis.

Nalulungkot din naman si Marie sa kaniyang desisyon ngunit ito lamang ang tanging paraan na nakikita niya upang mas mabilis ang maging pag-asenso nilang mag-asawa. Nais kasi nilang mag-asawa na bago sila magkaanak ay kaya na nilang bigyan ng maginhawang buhay ang mga ito. Kaya sa ngayon na nasa punto pa sila ng kasagsagan ng kanilang karera ay mas pinili ni Marie na mangibang bansa na lamang.

Ngunit hindi buo ang loob ni Julian sa pagpayag sa naging desisyong ito ng asawa. Para sa kaniya ay mas mainam na narito na lamang siya at magkasama sila. Malaking pangungulila ang naramdaman ni Julian habang mag-isa lamang siyang naninirahan sa kanilang bahay.

“Umuwi ka na, mahal. Hindi ako sanay ng wala ka rito,” saad ni Julian sa kiniyang misis. “Wala man lamang nag-aasikaso sa akin sa umaga at maging pagdating ko galing trabaho. Parang wala akong asawa,” dagdag pa nito. 

“Isipin mo na lang tulad noong hindi pa tayo kasal. Ang pagkakaiba na lang ngayon ay sa’yo na ako uuwi pagkatapos ko dito sa abroad,” pag-alo ni Marie sa asawa.

Advertisement

Ngunit kahit anong paglalambing pa ang gawin ni Marie kay Julian ay ramdam na ramdan ng mister ang kaniyang kakulangan. Naiinggit ito sa ibang mga lalaking inaasikaso ng kanilang mga kabiyak. Dagdag pa dito ang sama ng loob nang malaman niyang kailangan pang mag-extend ni marie ng dalawa pang buwan bago makauwi sa Pilipinas. 

Dahil sa sobrang pangungulila ay itinuon na lamang ni Julian ang sarili sa kaniyang mga kaibigan. Malimit silang gumimik ng mga ito pagkatapos ng trabaho. Madalas ay hindi na rin sila nakakapag-usap ng asawa dahil taliwas ang kanilang oras at madalas ay parehas silang abala sa kani-kanilang hanapbuhay.

Habang pauwi galing sa isang bar si Julian ay muntik na niyang masagasaan ang isang babaeng susuray-suray sa daan. Agad pumreno si Julian at bumaba ng sasakyan upang tignan kung ayos lamang ang kalagayan ng babae. 

“Miss, okay ka lang?” natatarantang sambit ni Julian sa babae.

Dahil sa kalasingan ay hindi na nagawa pa ng babae na sumagot kaya dinala na lamang ito ni Julian sa pinakamalapit na ospital. Doon ay sinuri ang babae at wala naman itong tinamong pinsala sa katawan.

Ngunit dahil walang makitang pagkakakilanlan sa babae ay hindi magawang maiwan ito ni Julian sa ospital. Agad na lamang niya itong dinala sa isang malapit na hotel at inantay na magkamalay.

“S-sino ka?” saad ng babae. “A-asan ako? A-anong ginagawa ko dito?” natatarantang sambit nito.

“Huwag kang mag-alala. Hindi ako masamang tao. Dinala kita dito kasi wala kang malay. Akala ko ay napano ka na. Ako nga pala si Julian,” pakilala ng ginoo.

Advertisement

“A-ako naman si Lorry. Sigurado ka? Walang nangayari sa atin?” tanong ng babae.

Tumango lamang si Julian. Nagsimulang magtanong si Julian at inalam niya ang buong pangyayari kung bakit ganito si Lorry. Mula noon ay naging magkaibigan sila. 

Dahil sa dalas ng kanilang pag-uusap ay nakalimutan na ni Julian ang kaniyang pangungulila sa kaniyang asawa. Madalas niyang sunduin ang dalaga sa bar na pinagtatrabahuhan nito. Nakita din niya kung gaano kaasikaso si Lorry sa kaniya. Ito ang nais niyang maging set-up ng kaniyang asawa. Ngunit malayo si Marie.

Makalipas ang ilang buwan ay hindi pa rin makakauwi si Marie sapagkat may naging problema sa kaniyang mga papeles. Hindi tulad ng dati na sobrang atat si Julian sa pag-uwi ng asawa, ngayon ay balewala na ito sapagkat nandiyan na si Lorry sa buhay niya. 

“Paano ang asawa mo, Julian? Paano kung umuwi siya? Paano na ako?” sambit ni Lorry.

“Ikaw ang gusto kong makasama. Sa’yo ko nahanap ang tunay na asawa, Lorry. Ikaw ang pipiliin ko. Huwag kang mag-alala. Gagawin ko ang lahat para mahiwalayan siya at ikaw na ang makasama ko,” saad ni Julian.

Halos pagsakluban ng langit at lupa si Marie nang malaman ang panglolokong ginawa sa kaniya ng kaniyang asawa. Hindi niya matanggap na binalewala lang lahat ni Julian ang kanilang relasyon at pangarap. 

“Kahit ano pang sabihin mo, Marie, ay hindi na ako babalik sa’yo. Tutal ‘yan naman ang gusto mo- ang magpakalayo. Wala kang panahon sa akin. Binibigay ko na ang kalayaan na gusto mo. Si Lorry ang nagparamdam sa akin kung paano ang pakiramdam nang may asawa,” sumbat ng mister. 

Advertisement

Kahit napilit inilalaban ni Marie ang kanilang relasyon ay wala na siyang magawa pa sapagkat pilit nang bumibitaw sa kaniya ang kaniyang mister. Si Julian pa mismo ang ayos upang mapawalang bisa ang kanilang kasal.

‘Di naglaon ay nagsama si Julian at ang kabit nito. Hanggang sa tuluyan nang napawalang bisa ang kasal nila ni Marie. Agad pinakasalan ni Julian si Lorry. 

Makalipas ang ilang taon, mahirap man kay Marie at pilit siyang bumangon. Hindi na muna niya nagawang umuwi sa Pilipinas upang makalimutan ang mapait na sinapit ng kanilang relasyon.

Samantala, walang ginawa si Lorry kung hindi awayin itong si Julian. Hindi ngaing maagan ang kanilang pagsasama lalo pat ngayon na may dalawa na silang anak.

“Pinaalis mo ako sa bar ngayon ay wala ka namang maibigay sa akin! Mag-aanak-anak ka tapos hindi mo kayang buhayin. Anong klaseng lalaki ka? Lumayas ka rito! Magdelihensya ka ng pera!” sigaw ni Lorry.

“Ginagawa ko naman ang lahat para kumita ng malaki. Pagkasyahin mo muna kung ano ang naiaabot ko!” tugon ni Julian. 

Ngunit walang pakialam si Lorry sa mga sasabihin ni Julian ang mahalaga lamang sa kaniya ay ang perang maiuuwi nito.

Madalas maisip ni Julian kung ano na kaya ang kaniyang buhay kung hindi niya hiniwalayan si Marie.

Advertisement

Nais sana niyang humingi ng tawad sa dating asawa at makisama na muli dito subalit ng kanyang kumustahin ay isang banyaga ang sumagot ng telepono at tinawag si Marie.

“Asawa ko ang nakasagot ng telepono, Julian. Anong kailangan mo?” sambit ni Marie.

“W-wala naman. Gusto lang kitang kumustahin,” saad ni Julian.

“Ayos naman ako, Julian. Matapos ng ginawa mo sa akin ay hindi ko akalain na iibig pa akong muli. Ito nakapangasawa na ako ng taga-rito at citizen na rin ako. Natupad na rin ang pangarap ko. Hindi na ako basta nurse ngayon, may-ari na kami ng isang nursing home dito sa Canada. Ikaw, kumusta ka?” tanong ni Marie. 

Hindi na nakatugon pa si Julian. Masaya siya para sa dating asawa sapagkat natupad na nito ang inaasam na magandang buhay ngunit puno ang kaniyang dibdib ng pagsisisi sa labis na kata*ngahan sa pag-iwan niya kay Marie. 

Nais sana niya ay magising sa isang masamang panaginip. Ngunit kahit anong pagsisisi niya ay hindi na nito maibabalik ang nakaraan.