
Halos Sunugin ng mga Tao ang Bahay ng Matandang Pinaghihinalaan Nilang Salot Sa Kanilang Baranggay; Laking Gulat Nila nang Malaman Kung Sino at Ano Talaga ang Matanda
Isang payak na lugar ngunit mapayapa ang Baryo ng Masipag. Halos lahat ng nakatira doon ay magkakakilala. Madalas nga sa umaga kung mag-umpukan ang mga matatanda pagkatapos magwalis ng kani-kanilang bakuran para panandaliang magkakuwentuhan. At saka babalik sa kanilang tahanan upang gumawa muli ng mga gawaing bahay.
Simple lamang ang pamumuhay dito at lahat ay makikita mong kuntento na sa kanilang buhay sa probinsiya. Nariyan ang tanyag na si Ka Miling na isa sa pinakamayamang maituturing sa kanilang lugar. Marami kasi itong taniman. Madalas ay sa kaniya din nakakahingi ng tulong ang mga taga-baryo. Kaya naman ang lahat ay tinitingala siya.
Ngunit sa katabi ng bahay nito ay isang lumang bahay. Dito nakatira ang matandang balong si Aling Celia. Madalang kung lumabas ang matanda. Wala itong imik at madalas ay matalim kung makatingin. Ang kuwento pa ng iba ay may sa maligno raw ang matanda. Ang iba naman ay sinasabing aswang ito o kaya naman ay mangkukulam. Kaya naman ang lahat ay ilag dito.
“Umalis kayo riyan sa harap ng gate ko!” sigaw ni Aling Celia sa mga kabataang naglalaro sa tapat ng kaniyang bahay.
Ngunit parang tila pa nangutngutya ang mga bata at walang narinig. Pinagpatuloy nila ang paglalaro hanggang sa natamaan nito ang mga tanim na halaman ng matanda. Dahil dito lubusan ang inis ni Aling Celia.
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko. Umalis kayo sa harap ng tahanan ko!” pagtataboy niya sa mga kabataan.
Ngunit kaysa humingi ng paumanhin ay ininis pa ni Nestor, isa sa mga bata na naglalaro ang matandang si Aling Celia.
“Kasing pangit naman ninyo ang pananim niyo! Bakit galit na galit kayo?” natatawang pang-aasar ni Nestor sa matanda.
Sa inis ni Aling Celia ay nilabas nito ang mga bata at saka nagpulasan palayo ang mga ito.
Makalipas ang ilang araw ay bigla na lamang sumama ang pakiramdam ni Nestor. Sumasakit ang tiyan nito at inaapoy ng lagnat. Dahil salat ang pamilya ng bata ay wala silang maibili ng gamot para sa bata. Madalas nga ay umaasa lamang sila sa mga ulam na ibinibigay ni Ka Miling sa kanila.
Agad siyang dinala ng kaniyang mga magulang sa pinakamalapit na albularyo.
“May kumukulam sa inyong anak. Nagpunta ba siya sa kakahuyan o hindi naman kaya ay may nakaaway?” sambit ng albularyo habang hawak ang kandila na ginagamit sa pantatawas nito.
“S-si Aling Celia. Noong isang araw ay nakasagutan niya si Aling Celia,” tugon ng mga magulang nito.
“Ngayon ay napatunayan na natin na mangkukulam nga ang babaeng iyan. Kailangan ay gawin ninyo ang lahat upang malabanan ang ginagawa niyang pangungulam sa anak ninyo,” dagdag pa ng albularyo.
Kumalat agad ang balitang ito sa nayon. Dahil patuloy ang paglubha ng karamdaman ng bata ay laking takot din ang naramdaman ng mga taga rito.
“Hindi na kailanman magiging ligtas ang baryo natin hanggang narito si Aling Celia. Kapag nasaling siya ay maaari na naman niyang gawin ang masamang bagay na iyan sa kahit sino sa atin. Ang dapat ay pagtulungan natin siya na mapalayas dito,” saad ng isang taga-roon.
Kaya lahat sila ay nagpasya na sunugin ang bahay ni Aling Celia. Naniniwala sila na kapag natupok ng apoy ang bahay nito ay kasabay na matutupok din ang kapangyarihan at kagamitan nito sa pangungulam. Dito ay tuluyan na nilang mapapaalis ang matanda.
Mataimtim nilang binalak ang gagawing pagsunog kinagabihan. Habang tahimik na nananalangin si Aling Celia sa kaniyang altar ay napansin ng katabing bahay niyang si Ka Miling na may usok na nagmumula sa bahay nito.
Agad siyang humingi ng tulong at pilit inapula ang apoy.
“Bakit ninyo tinutulungan ang matandang mangkukulam na iyan?” sambit ng mga taga-nayon.
“Siya ang dahilan kung bakit malubha ang kalagayan ng batang si Nestor. Maaari din niyang gawin sa atin iyan kapag naglaon,” dagdag pa nila.
“Itigil ninyo ‘yan! Sa palagay ko ay panahon na para malaman ng lahat ang katotohanan!” sambit ni Ka Miling.
“Patawad Celia, pero hindi ko na matitiis pa ang ginagawang ito sa’yo,” wika pa ng matanda.
“Hindi ako ang tunay na nagmamay-ari ng lahat ng taniman na nagbibigay ng kabuhayan dito sa ating baryo. Hindi rin sa akin nanggagaling ang mga pagkain na madalas ninyong ihain sa inyong mga hapag. Ang lahat ng natatamasa ninyo na tulong na akala niyo ay mula sa akin ay hindi talaga galing sa akin kung hindi galing kay Celia!” pag-amin ni Ka Miling.
Lahat ay nagulat sa inamin ng matanda. Sa katunayan kasi ay marami ang pag-aari nitong si Aling Celia. Ngunit nang yumao ang kaniyang asawa ay nawalan na rin ng saysay ang lahat ng ito. Wala rin naman siyang anak o mga kamag-anak na maaaring magmana ng lahat ng ito kaya napagdesisyunan na lamang niyang ibahagi ito sa mga tao. Ngunit ayaw niyang maging bulgar ito.
Nakiusap siya kay Ka Miling na baka maaaring gawin niya ito sa alaala ng yumaong asawa ni Aling Celia na walang kahit sinong nakakaalam. Nais niyang si Miling ang taong mag-abot ng tulong sa mga taga-baryo dahil noon pa man ay kinagigiliwan na ito at ang kaniyang pamilya.
Lubos na kahihiyan at pagsisisi ang naramdaman ng mga taga-roon. Ngunit imbis na magtanim din ng galit si Aling Celia ay minabuti pa niyang tulungan si Nestor na maipagamot sa espesyalista.
Doon nakita na may malubha talaga itong karamdaman at kailangang sumailalim sa matinding gamutan.
Sinagot na rin ito ni Aling Celia.
“Hindi ko po alam kung paano hihingi ng kapatawaran sa lahat ng masamang nagawa namin sa inyo,” sambit ng magulang ni Nestor. “Hindi rin namin alam kung paano kayo pasasalamatan,” dagdag pa nila.
“Ang nais ko lamang ay lagi ninyong pipiliin ang magpakumbaba at maging mabait sa lahat ng uri ng tao na inyong nakakasalamuha. Huwag tingnan ang panlabas na anyo dahil mayroon pang mas mahalagang bagay kaysa dito — ang kabutihan sa puso,” sambit ni Aling Celia.
Mula noon ay bumalik na sa dating payapa at simpleng pamumuhay ang mga taga-baryo ng Masipag. Naging iba na rin ang pagtingin nila kay Aling Celia. At natuto na din ang matanda na makisalamuha sa kanila.