Inday TrendingInday Trending
Hindi Nagbibigay ng Sustento ang OFW na Mister Kaya Binalak ng Misis na Hiwalayan na Lamang Ito; Maisalba Pa Kaya ang Kanilang Relasyon?

Hindi Nagbibigay ng Sustento ang OFW na Mister Kaya Binalak ng Misis na Hiwalayan na Lamang Ito; Maisalba Pa Kaya ang Kanilang Relasyon?

Parehong OFW sina Mario at Lilibeth sa Barcelona, Espanya, at doon din sila nagkakilala. Nagkapalagayan sila ng loob, at makalipas lamang ang limang buwan, ipinasya nilang magpakasal doon nang simple lamang. Balak nila, uuwi sila ng Pilipinas upang magpakasal nang marangya kasama ang kani-kanilang mga mahal sa buhay, na aprubado naman dahil nasa hustong edad na raw naman sila.

Ngunit ang wala sa plano nila ay ang pagbubuntis ni Lilibeth, kaya ipinasya niyang magbitiw sa kaniyang katungkulan at bumalik sa Pilipinas, dahil mas mura ang panganganak. Isa pa, narito ang mga kaniyang mga magulang upang kahit paano ay may mag-alaga sa kaniya.

“Mag-iipon ako rito my love, para sa baby natin,” pangako ni Mario habang sila ay nagbi-video call. Nasa Pilipinas na noon si Lilibeth.

“Mag-iingat ka diyan, my love ha? Baka naman maghahanap ka ng ibang babae diyan dahil wala ako?” nakalabing sabi naman ni Lilibeth sa asawa.

“Hindi ko gagawin iyan, my love. Mahal na mahal kita, at hindi naman ako magdedesisyong pakasalan ka kung hindi kita mahal. Alam mo namang sinabi ko sa iyo na ikaw na talaga ang pinangarap kong makasama habambuhay,” pangako naman ni Mario.

Mahal na mahal ni Lilibeth ang kaniyang mister. Hindi isyu sa kaniya ang agwat ng kanilang pinag-aralan. Degree holder si Lilibeth kaya mas malaki ang suweldo niya kumpara kay Mario. Ngunit sadyang masipag naman talaga si Mario, at iyon ang nakita ni Lilibeth habang sila ay magkasama.

Hindi sanay si Lilibeth na walang ginagawa, kaya napagpasyahan niyang mag-online business ng mga RTW at iba-iba pang produkto. Dahil likas na ma-PR, nakakabenta naman siya, at mahina ang 6,000 pesos sa isang araw sa mga benta niya. Ang puhunan lamang niya ay 2,500 pesos dahil kilala niya ang supplier. Maganda ito dahil tiyak na makakaipon siya para sa kaniyang panganganak.

Mabilis tumakbo ang panahon. Anim na buwan na ang pagbubuntis ni Lilibeth. Malaki na ang kaniyang tiyan. Nagtataka si Lilibeth dahil simula nang malaman ni Mario na kumikita siya nang malaki sa kaniyang online business, bihira na itong makapagpadala sa kaniya. Sinabi niya ito sa asawa nang minsang magkausap sila sa video call.

“Love, pasensiya ka na… alam mo namang mahal ang renta ng bahay rito, marami rin akong utang na kailangan pang bayaran, at nagbibigay rin ako sa mga magulang ko. Babawi rin ako. Okay naman ang online business natin, hindi ba?” sabi ni Mario.

Gusto sanang ituwid ni Lilibeth ang “natin” ni Mario. Gusto sana niyang sabihing “Online business ko lang.” Mabuti at nakapagtimpi siya.

“Sige love, ako na munang bahala sa gastusin, lalo na sa panganganak ko,” nasabi na lamang ni Lilibeth.

At dumating ang araw na kaniyang pinakahihintay: nagsilang si Lilibeth ng isang malusog na baby girl. Mabuti na lamang at kasa-kasama niya ang kaniyang mga magulang kaya may katuwang siya sa pagbabantay at pag-aalaga rito.

Ngunit simula nang magsilang siya, hindi niya maipaliwanag kung bakit minsan, bigla na lamang siyang nagigising sa madaling-araw at napapaiyak na lamang. Nakakaramdam siya ng takot kapag umiiyak nang malakas ang kaniyang baby, na para bang gusto na lamang niya itong ihagis sa bintana.

“Umuwi ka na rito sa Pilipinas. Parang wala rin namang nangyayari. Hindi ka nagpapadala nang malaki-laki. Ako rin naman ang gumagastos para kay baby,” minsan ay nasabi ni Lilibeth sa mister.

“Love, hindi puwede kahit gustuhin ko man. Ano naman ang gagawin kong trabaho diyan? Dito kahit paano, kumikita ako. Makakabayad ako sa mga utang at nakakapag-ipon ako para sa future natin, kasama si baby. Isa pa, pinag-iipunan ko ang marangyang kasal natin kapag umuwi na ako diyan.”

“Eh para kasing single mother ako eh. Ganiyan ang nararamdaman ko ngayon. Dapat narito ka para makatuwang ko sa pag-aalaga sa anak natin. Dapat nararamdaman ko ang sustento mo, pero pakiramdam ko, sa loob ng siyam na buwan simula nang umuwi ako ng Pilipinas, ako na lang ang bumubuhay sa sarili ko. Kung ganito rin lang, palagay ko dapat mag-file na ako ng annulment. Ganoon din naman eh. Pakiramdam ko, single parent ako!” pagkatapos ng mga pahayag na iyon ay pinihit na niya ang end call.

Narinig ng kaniyang inang si Aling Ysbeth ang kanilang pag-uusap kaya kinausap niya ang anak.

“Anak, huwag namang ganiyan. Pinakasalan mo ang mister mo, at nangako kayo sa isa’t isa na magsasama kayo sa hirap at ginhawa. Ganiyan talaga ang pag-aasawa, dapat nagtutulungan kayo. Malay mo naman, nag-iipon si Mario para kapag bumalik na siya rito sa Pilipinas, mas maginhawang buhay ang maibibigay niya sa inyo.”

Lumipas ang tatlong araw na hindi sinasagot ni Lilibeth ang mga tawag ni Mario. Sa ikalimang araw, huminto na ito sa pagtawag. Ni walang chat. Walang paramdam. Lumipas ang isang buwan. Walang Mario na matiyagang sumusuyo sa kaniya. Kinabahan si Lilibeth. Inisip niya, baka nakahanap na ng ibang babae ang mister. Baka nakahanap na ito ng ibang pugad na kakanlungan.

Maya-maya, nag-ring ang kaniyang cellphone hudyat ng video call sa Messenger. Akala niya si Mario, ngunit si Fred pala na kasamahan nito.

“Fred? Napatawag ka?”

“Lilibeth… si Mario… wala na siya…”

Tila pinagbagsakan ng langit at lupa si Lilibeth.

Salaysay ni Fred, hindi raw mapalagay si Mario sa hindi pagsagot ni Lilibeth sa kaniyang mga video calls. Tuliro. Wala sa wisyo. Kaya hindi nito napansin ang isang humaharurot na sasakyan… basag daw ang bungo ng mister kaya DOA nang isugod sa ospital.

Sising-sisi si Lilibeth sa kaniyang ginawa ngunit huli na ang lahat. Lalo siyang nanggipuspos nang malaman niyang mali ang hinala niyang may ibang babae ang asawa sa ibang bansa. Kaya pala hindi ito madalas na makapagpadala dahil kumuha ito ng insurance plan para sa kanila, at umabot ng milyong piso ang mga ipon nito, sapat na sapat para sa kanilang kinabukasan.

Ibinulong na lamang ni Lilibeth ang kaniyang pagmamahal at pasasalamat sa mister, na nasa loob ng isang malaking kahon. Nauwi sa totohanan ang pagtingin niya sa sarili na para siyang single mother.

Advertisement