Inday TrendingInday Trending
Pitong Taong Magkarelasyon ang Magkasintahan Ngunit ‘Di Pa Sila Sigurado Kung Gusto Nga Ba Nilang Makasama ang Isa’t Isa Bilang Mag-asawa Kaya Ipinasya Muna Nilang Maghiwalay sa Loob ng Isang Taon; Magkakabalikan Pa Ba Sila?

Pitong Taong Magkarelasyon ang Magkasintahan Ngunit ‘Di Pa Sila Sigurado Kung Gusto Nga Ba Nilang Makasama ang Isa’t Isa Bilang Mag-asawa Kaya Ipinasya Muna Nilang Maghiwalay sa Loob ng Isang Taon; Magkakabalikan Pa Ba Sila?

Pitong taon nang magkasintahan sina Aileen at Bryan at pareho na silang 28 taong gulang. Pareho na silang may posisyon sa kani-kanilang mga trabaho, parehong workaholic, at kahit paano, pareho na ring may kani-kaniyang ipon sa kani-kanilang mga sarili. Kahit na napakatagal na nilang magkarelasyon, hindi pa rin talaga maiiwasan ang mga mumunting tampuhan, subalit nagkakabati rin naman sila.

Hindi maiwasan ni Aileen na makaramdam ng inggit sa kaniyang mga kaklase sa hayskul at kolehiyo sa tuwing napapasadahan niya ng tingin ang timeline ng mga ito sa social media. Si Jonathan, na iskul bukol lamang noong araw, may sarili nang negosyo, bahay, at mga properties. Si Naomi na laging binabansagang “puro lipstick lang ang hawak” noong nasa kolehiyo sila, may sarili na ring negosyo na may kinalaman sa cosmetic products.

Marami sa mga kaklase niya noon ang may sari-sarili na ring pamilya. May mga chikiting na. Masayang nagbabakasyon kung saan-saang lugar, sa loob man o labas ng bansa. Samantalang siya, heto, naghihintay kung kailan pakakasalan ng kaniyang nobyo. Ni hindi pa nga nagpo-propose.

Pero hindi talaga iyan ang gusto niya. Ang totoo, hindi rin siya sigurado kung matamis na oo ba ang isasagot niya sa nobyo kapag tinanong na siya nito ng “Will you marry me?” Ang talagang gusto niya ay makaipon nang bonggang-bongga, lagpas 100,000 piso. 30,000 piso lamang ang ipon niya sa loob ng maraming taong pagtatrabaho.

28 taong gulang na siya. Pakiramdam niya, may kulang pa sa mga ginagawa niya. She wants to do more. She wants to achieve bigger. Kaya naman lahat ng raket o sideline na puwede niyang gawin, pinapasok niya, bukod sa kaniyang regular na trabaho.

Minsan, habang sila ay kumakain ng kaniyang nobyo sa paborito nilang restaurant, bigla niyang tinanong si Bryan.

“Bry… any plans?”

Napatigil sa pagsubo ng steak si Bryan. Maang na napatingin kay Aileen.

“After this? Puwede naman tayong manood ng sine.”

Nalaglag ang panga ni Aileen. Iyan ang isa sa mga ayaw niya kay Bryan.

“May balak ka bang pakasalan ako? 7 years na tayo.”

Matagal bago sumagot si Bryan.

“Ano bang klaseng tanong ‘yan? Siyempre… pero hindi pa ako financially stable. May mga gusto pa akong gawin, honey. May mga gusto pa akong ma-achieve sa work and career ko. Makakahintay ka pa ba?”

Hindi alam ni Aileen kung bakit bigla niyang naisip ang susunod niyang sasabihin, alam niyang hindi siya sigurado at alam niyang maaari niyang pagsisihan ang lahat, subalit pinili pa rin niyang sabihin.

“Pareho tayo. I want to achieve more. Parang may kulang pa sa sarili ko. Puwede ba nating subuking gawin iyon nang… nang tayo-tayo lang? I mean, puwede bang cool off muna tayo? Let’s try.”

Hindi kumibo si Bryan. Natabig niya ang ginagamit na tinidor sa sahig, subalit hindi na niya ito pinulot.

“Don’t get me wrong, Bry. Mahal kita, and for sure, mahal mo rin ako. Pero baka kasi kaya hindi tayo makaalagwa sa mga buhay natin, yung pakiramdam na hindi pa natin naa-achieve ang lahat ng gusto natin, kasi alam nating we have each other’s back? Baka kailangan nating subukin na hiwalay muna tayo? Let us recollect ourselves?”

Kung hindi inaasahan ni Aileen ang kaniyang sariling mga isipin at pahayag, mas hindi niya inasahan ang naging tugon ni Bryan. Hindi naman niya kasi akalaing papayag ito.

“I think you’re right. Kailangan lang siguro natin ng space? Isipin lang natin siguro na nasa ibang bansa ka, o ako. Na busy lang tayo. Let’s see kung tayo pa rin hanggang sa huli.”

At doon na nga nagsimula ang kanilang pansamantalang paghihiwalay. Walang paramdaman sa isa’t isa. Tiniis nila ang isa’t isa. Alam nila sa sariling naroon pa rin ang pagmamahal, ngunit mas matimbang ang pagmamahal nila sa kani-kanilang mga sarili, na may nais pa silang maabot sa kani-kanilang mga karera.

Hindi nila namamalayang isang taon na pala ang nakalilipas.

Nagkita sila sa lugar kung saan sila naghiwalay. Nagtagumpay naman sila sa kani-kanilang mga naging target na goal. Napromote pa sila sa kani-kanilang mga katungkulan kaya lumaki ang kani-kanilang mga suweldo. Nagkaroon ng online business si Aileen na talaga namang pumatok. Nag-invest naman sa stock market si Bryan at talagang lumago ang kaniyang ipon.

Nang magkita sina Bryan at Aileen, parang kahapon lamang ang isang taon. Naroon pa rin ang pananabik na makita ang isa’t isa. Pareho silang may napagtanto.

Aanhin mo ang pagtatagumpay kung hindi mo naman ito i-aalay?

Sa pamilya…

Sa anak…

O sa mahal sa buhay?

“Mas napagtanto kong mas masarap ang pag-abot sa mga pangarap kung may taong pag-aalayan nito, at ikaw iyon, Aileen. Sa loob ng isang taon, hindi ka nawala sa isipan ko. Naging sapat ang pitong taong pagsasama natin bilang magkarelasyon, para mabuo at maging matatag ang pagmamahal ko sa iyo. Ngayon sigurado na ako, ikaw ang babaeng pakakasalan ko at makakasama habambuhay…” umiiyak na sabi ni Bryan.

Inilabas ni Bryan ang isang mamahaling singsing para kay Aileen. Pumayag si Aileen na maisuot ito sa kaniya, kasabay ng pagsasabing “Yes!”

Naging marangya ang kasalan nilang dalawa. Tuwang-tuwa ang kani-kanilang mga magulang, kaibigan, mga katrabaho, at mga subordinates. Naging marangya rin ang reception.

Inihanda na nina Bryan at Aileen ang kani-kanilang mga pangarap, na hindi na lamang para sa kani-kanilang mga sarili, kundi para sa kanilang dalawa: ang pagbuo ng sariling pamilya!

Advertisement