Inday TrendingInday Trending
Naging Magkasosyo ang Magkumare sa Negosyong Milk Tea House, Kahit na Malayo Sila sa Isa’t Isa; Mapalago Kaya Nila Ito o Maging Dahilan ng Pagkawasak ng Pagkakaibigan?

Naging Magkasosyo ang Magkumare sa Negosyong Milk Tea House, Kahit na Malayo Sila sa Isa’t Isa; Mapalago Kaya Nila Ito o Maging Dahilan ng Pagkawasak ng Pagkakaibigan?

Magkaibigan simula hayskul sina Maybeline at Atasha kaya naman nang sila ay nagkaroon ng sari-sariling pamilya, talaga namang sila-sila rin ang naging mga ninang ng kani-kanilang mga anak. Kaya nga lamang, nanirahan na si Atasha sa Bicol dahil taga-roon ang kaniyang napangasawa.

Dalawang taon ding hindi nagkita ang magkumare, at saglit na naputol ang kanilang komunikasyon dahil naging abala na rin sa kani-kanilang mga anak. Hanggang sa isang araw, bigla na lamang nakatanggap ng video call si Maybeline mula kay Atasha.

“Mare, kumusta ka na?” Na-miss na kita ah! Parang namamayat ka?” pangungumusta ni Maybeline habang pinakakain ang kaniyang bunsong anak.

“Oo mare, medyo diet eh. Pasensiya na ha ngayon lang ako nakapagparamdam. Medyo mahina kasi ang signal ng internet dito noong mga nakalipas na taon. Ngayon, medyo ayos na kasi nagtayo ng site malapit sa amin. Mukhang big time ka na mare ah!” saad naman ni Atasha.

“Hindi naman, mare. Medyo kumikita lang sa online selling ko ng mga kung ano-ano. Alam mo na, nakakaburyong din kasi kapag nasa bahay ka lang. Kailangan din na may mapaglilibangan,” tugon naman ni Maybeline.

“Speaking of, mare. Tutal mukhang magaling ka naman sa negosyo, may i-offer sana ako sa iyo. Puwede ba tayong magsosyo sa milk tea business na gusto kong itayo? Sige na mare. Kailangan ko lang din kasi humanap ng kasosyo. Malakas naman ang milk tea rito sa Bicol. Huwag ka nang mag-alala sa ibang mga kailangan, ako nang bahala. Basta business partners tayo,” saad ni Atasha.

“Ay maganda iyan, sige mare. Pero tanungin ko muna si mister ha? Alam mo naman. Siyempre kailangang alam niya rin kung anong negosyo ang papasukin ko,” sabi naman ni Maybeline.

“Mare, bakit kailangan mo pang sabihin kay Gani eh may sarili ka namang pera sa business mo? Hindi naman lahat ng bagay kailangan mong sabihin sa mister mo, ano ka ba…” sansala naman ni Atasha.

“Hindi mare eh. Nakasanayan ko na eh, pasensiya ka na.”

At hindi na nga nakipagtalo pa si Atasha sa kaniyang kaibigan. Pagdating ni Gani mula sa trabaho, agad niyang sinabi ang alok sa kaniya ni Atasha.

“Ayos lang naman sa akin. Kilala mo naman si Atasha. Hindi ka naman siguro lolokohin ng kaibigan mo,” sabi ni Gani.

“Uy hindi ah, kaibigan ko si Atasha. Magkaibigan kami simula hayskul.”

“Sige lang. Bahala ka.”

Masayang-masaya si Atasha nang ibalita ni Maybeline na pumayag si Gani sa sosyohan nila sa milk tea. 10,000 piso ang hinihingi ni Atasha at napagkasunduan nilang 60%-40% sila sa hatian ng kita. Pumayag si Maybeline, dahil wala nga naman siyang gagawin dahil ang tatao naman at mag-aasikaso talaga nito ay si Atasha.

Makalipas ang dalawang buwan at nasimulan na nga ang milk tea business. Panay padala ng larawan si Atasha kay Maybeline upang ipakita ang kanilang maliit na stall. Tuwang-tuwa naman si Maybeline lalo’t natanggap niya na ang mga kita sa loob lamang ng isang buwan.

Subalit habang tumatagal, napapansin ni Maybeline na dumadalang na ang pagpapadala ng larawan sa kaniya ni Atasha; dumadalang na rin ang pag-update nito sa kaniya.

“Mare, kumusta ang negosyo natin? May problema ba?” minsan ay natanong ni Maybeline nang sila ay mag-video call.

“Oo mare, medyo humina kasi may nagtayo rin ng milk tea sa katabi. Mas marami silang variants, kaya medyo nangungulelat tayo.”

“Ah ganoon ba? Eh anong gagawin natin?”

“Mare, puwede bang magdagdag ka pa ng 5,000 piso para makapag-upgrade tayo at mas marami tayong variants na puwedeng mai-offer?”

Pumayag naman si Maybeline. Agad niyang ipinadala ang 5,000 piso kay Atasha sa pag-asang may paggagamitan naman ito.

Subalit makalipas ang dalawang buwan, tila wala namang nangyari. Napag-alaman niya sa isa sa mga staff na kinuha nito na ganoon pa rin daw ang mga variants na kanilang itinitinda, at wala naman daw nadagdag. Narinig daw ng staff na ito na baka magsara na sila dahil sa pagkalugi.

Nagpanting na ang tenga ni Maybeline. Bakit hindi ito sinasabi ni Atasha? Karapatan niyang malaman ang nangyayari sa negosyo dahil magkasosyo sila. Kinompronta niya ito nang magkausap sila.

“Nahihiya kasi akong magsabi sa iyo, Maybeline. Nahihiya akong sabihing na-mismanaged ko ang negosyo. Huwag kang mag-alala, ibabangon ko ito.”

At iyon ang naging huling pag-uusap nila ni Atasha. Hindi na ito nagparamdam sa kaniya. Napag-alaman niya mula sa kausap niyang staff na tuluyan nang isinara ni Atasha ang kanilang negosyo dahil sa pagkalugi. Hindi na ito nagrereply sa kaniyang mga text, chat o tawag.

“Ano kayang nagyari sa babaeng iyon? Gusto ko sanang ibalik na lamang niya ang 15,000 pesos ko, o kahit 10,000 pesos na lang na una kong puhunang ibinigay sa kaniya,” sabi ni Maybeline kay Gani.

“Maraming nasisirang relasyon, lalo na sa pagkakaibigan, pagdating sa negosyo at pera. Dito talaga masusubok ang katapatan ng isa’t isa,” saad ni Gani.

Subalit hindi mapalagay si Maybeline. Kahit na hindi maibalik sa kaniya ang pera niya, gusto niyang malaman kung ano ang nangyari sa kaibigan. Kaya naman, lakas-loob siyang nagtanong sa mismong mister nito, na hindi naman nagdalawang-isip na sagutin siya.

“Wala na kami ni Atasha, Maybeline. Sumama na siya sa ibang lalaki. Iniwan niya sa akin ang anak namin, tinangay ang pera ko, at sumama sa kaniyang kalaguyo.”

Nalulungkot si Maybeline sa kinasapitan ng kaniyang kaibigang si Atasha. Hindi na nga ito nagparamdam sa kaniya, at hindi na naibalik ang kaniyang pera. Ipinasya niyang ipagpasa-Diyos na lamang ang lahat.

Advertisement