Inday TrendingInday Trending
Kahit Pamilyado na, Humihingi Pa Rin ng Pera ang mga Magulang sa Kanilang Anak; Maging Dahilan Kaya Ito ng Pag-aaway Nila ng Kaniyang Mister?

Kahit Pamilyado na, Humihingi Pa Rin ng Pera ang mga Magulang sa Kanilang Anak; Maging Dahilan Kaya Ito ng Pag-aaway Nila ng Kaniyang Mister?

Sumasakit na ang ulo ni Clarisse sa pagba-budget ng perang inintrega sa kaniya ng mister na si Patrick.

Ang totoo niyan, sapat lamang ang kinikita ni Patrick bilang isang field agent ng isang kompanya ng tinapay. Trabaho niyang magdeliver ng mga tinapay sa mga convenience store, supermarket, at malls. May dalawa na silang maliliit na anak, na pinaghahandaan na rin nila ang pag-aaral.

Ang problema ni Clarisse, kasama sa budget na iyon ang ibinibigay rin niyang pera sa kaniyang pamilya. Nakasanayan na kasi ng kaniyang nanay at tatay na manghingi sa kaniya noon pa man, kahit noong dalaga pa siya. Karpintero ang kaniyang tatay at paminsan ay wala namang trabaho habang ang kaniyang nanay simpleng housewife na nag-aalaga sa kaniyang mga apo, sa kaniyang isa pang kapatid.

“Anak, baka naman may pera ka diyan… walang-wala na kami…” sasabihin sa text ng kaniyang nanay, na nasa 55 taong gulang na, at ang tanging libangan ay pagmamahjong.

“Anak, suweldo na yata ng asawa mo, baka naman puwedeng makahirit…” sasabihin naman ng kaniyang tatay, na nasa 59 na taong gulang na.

Bilang isang anak, alam naman niyang may obligasyon pa rin siya sa kaniyang mga magulang. Hindi naman niya tinatalikuran ang kaniyang pamilya nang magdesisyon na siyang mag-asawa. Pero iba na ang sitwasyon ngayon. May sarili na siyang pamilya, at hindi naman siya ang kumikita kundi ang mister niya.

Minsan, narinig niya ang pag-uusap ni Patrick at ang tatay nitong isang magsasaka sa La Union. Nag-uusap sila sa video call.

“Tatay, hayaan mo akong padalhan ka ng kaunting pera diyan…” saad ni Patrick sa kaniyang tatang.

“Huwag na, anak. Maayos pa naman kami rito ng Nanang mo. Kaya pa naman. Ikaw ang mag-ipon diyan sa inyo. May asawa ka na. Ilaan mo na lamang ang pera mo sa mag-iina mo,” sagot ng kaniyang biyenang lalaki.

Tila naman may naramdamang kurot sa kaniyang dibdib ang tinuran nito. Mabuti pa siya. Samantalang ang tatay niya, kabisado kung kailan sasahod ang kaniyang mister. Bakit ganoon? Bakit mas nauunawaan pa ng tatang ni Patrick ang kaniyang sitwasyon?

Kaya naman, masinsinan niyang kinausap ang kaniyang mga magulang tungkol doon, nang personal niyang dalawin ang mga ito sa dati nilang bahay.

“Medyo kailangan po kasi naming maghigpit ng sinturon ni Patrick, ‘Nay, ‘Tay, kaya huli na po muna iyang maibibigay ko ngayon. Lumalaki na po ang mga anak namin, at si Patrick lang ho ang kumakayod,” paliwanag ni Clarisse.

“Grabe ka naman sa amin, Clarisse. Kalilimutan mo ba kaming mga magulang mo na nag-aruga sa iyo? Tandaan mo, hindi ka lalaking ganiyan kung hindi ka namin pinalaki nang maayos. Aba, tumanaw ka naman ng utang na loob sa amin ng nanay mo,” saad ng kaniyang tatay.

Hindi inaasahan ni Clarisse na sa kabila ng mga ibinibigay niya sa kaniyang tatay mula sa suweldo ni Patrick, ay pagsasalitaan pa siya nito nang masama.

Masama ang loob ni Clarisse. Umuwi siyang malungkot sa kanilang tahanan. Bagay na napansin naman ni Patrick kaya hindi nito pinalagpas ang pagkakataon upang makausap siya.

“Anong problema?” usisa nito sa kaniya.

Hindi na nakapagpigil pa si Clarisse. Idinulog na niya sa mister ang kaniyang agam-agam.

“Kasi ganito… sina Tatay at Nanay kasi, humihingi pa sa akin ng pera, eh wala naman akong maibigay sa kanila dahil ikaw lang naman ang nagtatrabaho. Kaya naisip ko, baka puwedeng maghanap na rin ako ng trabaho o kaya naman magnegosyo o magtinda para naman makapagbigay ako sa kanila at makatulong.”

“Clarisse, hindi ba’t nakakapagbigay ka naman sa kanila mula sa ibinibigay kong budget sa iyo?” saad ni Patrick.

“Oo. Pero nahihiya na kasi ako sa iyo, Patrick. Narinig ko ang usapan ninyo ni Tatang mo. Binibigyan mo siya ng pera, pero tumanggi siya. Kung ang magulang mo nga hindi mo mabigyan kahit gusto mo, magulang ko pa kaya? Nakokonsensya ako,” paliwanag ni Clarisse.

Kinuha ni Patrick ang kaniyang mga kamay.

“Mahal, ang mga magulang mo ay mga magulang ko na rin. Maluwag sa dibdib kong mabigyan din sila ng pera mula sa pinagpaguran ko. Ayos lang naman sa akin. Walang isyu.”

Niyakap niya ang kaniyang asawa! Napakasuwerte niya dahil binayayaan siya ng isang kabiyak ng dibdib na maunawain.

Kinabukasan, nakatanggap ng tawag si Clarisse mula sa kaniyang mga magulang. Ang kaniyang tatay pala, na humihingi ng tawad sa kaniya.

“Pasensiya ka na sa mga nasabi ko kahapon, anak. Nabigla lamang ako,” paghingi ng paumanhin ng kaniyang tatay.

“Wala po yun ‘Tay, kalimutan ninyo na. Tayong-tayo pa rin naman po ang magdadamayan,” saad ni Clarisse.

Simula noon, maluwag na sa dibdib ni Clarisse ang pagbibigay ng kaunting pera sa kaniyang mga magulang dahil hindi naman pala ito kaso sa kaniyang mister, at nabawasan na rin ang paghingi mismo ng mga ito sa kaniya.

Napagtanto nilang may sarili na nga palang pamilya ang anak.

Advertisement