Inday TrendingInday Trending
Hi Love, Can You Be My Textmate?

Hi Love, Can You Be My Textmate?

Pitong taon na ang relasyon nina Trisha at Edwin. “Perfect couple” sabi nga ng kanilang mga kakilala. Marami ang naiinggit sa kanilang pagsasama. Gwapo si Edwin, matikas, may magandang trabaho bilang arkitekto, at responsable. Sa edad na apatnapu’t lima, maraming nag-aakalang mas bata pa siya sa kanyang edad.

Si Trisha naman, seksi, maganda, matalino. Maraming nagkakandarapa sa kanya noon. Kahit na tatlumpung tatlong taong gulang na, kayang-kaya pa ring makipagsabayan sa mga nasa 20’s. Isa siyang interior designer.

Nagkakilala sina Trisha at Edwin sa isang party. Kaibigan ni Trisha ang kaibigan ni Edwin. Nagkakwentuhan. Nagkapalagayan ng loob. Nagpalitan ng mga numero. Hanggang sa inaya na ng binata na lumabas ang dalaga. At doon na nagsimula ang kanilang pagtitinginan.

Bagama’t matagal na silang magkasintahan, marami pa ring nagtataka kung bakit hindi pa sila lumalagay sa tahimik. Paliwanag nila, nag-eenjoy pa sila sa kani-kanilang trabaho. Pareho kasi silang career-driven. At isa pa, wala pa sa isip ni Trisha ang magkaanak.

Sa pitong taong pagsasama, hindi kailanman naghinala si Trisha, o nakaramdam ng selos sa mga babaeng nakakausap ni Edwin sa trabaho. Katwiran niya, hindi naman siguro siya sasaktan at pagtataksilan ni Edwin, dahil hindi naman ito magtitiyaga sa kanya ng pitong taon, kung hindi siya nito mahal.

Maalaga rin si Edwin. Halos oras-oras kung magtext sa kanya upang kumustahin ang kanyang kalagayan. Kung kumain na ba siya. Kung nakainom na ba siya ng gamot para sa migraine. Kung nagpapahinga pa ba siya. Hindi siya pinababayaan ng boyfriend. Lagi itong updated sa kanya.

Pabor din ang dalawang partido sa isa’t isa. Panay na nga ang hirit ng ina ni Edwin na bilis-bilisan na ang pagpapakasal, para magkaroon na sila ng apo. Hindi na raw kasi sila bumabata. Gusto pa raw nilang makita, makalaro, at makasama ang kanilang mga magiging apo.

Subalit wala pa talagang plano ang magkasintahan. Napag-uusapan nila, subalit hanggang doon lang. Hanggang usap lang. Walang konkretong plano.

Malapit na ang kanilang ika-walong anibersaryo, kaya nag-iisip na si Trisha ng kanyang sorpresa para sa pinakamamahal na kasintahan. Balak niyang kumuha ng plane ticket patungong Batanes, o kaya naman bumalik sa Hongkong, o magtungo sa Maldives.

May biglang naisipang gawin si Trisha. Hindi alam ni Edwin na may isa pa siyang cellphone, na ginagamit niya para sa mga kliyente. I-tetext niya kunwari si Edwin upang makipagkilala. Syempre, hindi niya sasabihin ang kanyang tunay na katauhan. Gusto niyang malaman kung ano ang magiging tugon nito.

Tinipa niya na ang keypad. “Hi!” saka ipinadala sa numero ni Edwin.

Lumipas ang isa, dalawa, limang minuto at walang reply. Busy siguro, sa isip-isip ni Trisha.

Paglipas ng 10 minuto, tumunog ang cellphone ni Trisha. Nagreply na si Edwin!

“Who’s this?” Tanong ni Edwin.

Game naman na sumagot si Trisha. “Hello. Can we be textmates?”

Nagreply naman si Edwin. “Where did you get my number?”

Napahagikgik si Trisha. “Someone gave it to me. My name is Alexa. Single. I’m willing for any possibility…”

Namangha si Trisha sa tugon ng boyfriend. “Ooopppss… sorry. You are barking at the wrong tree. I’m taken na po. By the way, what do you mean by that?”

Tugon ni Trisha: “Alam mo na… the casual thingy… I can do whatever you want…”

At lalong bumilib si Trisha sa sumunod na reply ni Edwin. “Sorry po. Not available and not interested. Thanks and take care!”

Tawang-tawa si Trisha, at kinikilig at the same time. Ibig sabihin, talagang “loyal” at “faithful” ang kanyang kasintahan! Kung pwede lang na siya na ang magpropose, gagawin niya!

Matapos ang pang-good time ni Trisha kay Edwin, ibinaba muna niya ang kanyang cellphone at saglit na hinarap ang kanyang mga paperworks na dinala sa bahay. Mga bandang 10:00 ng gabi, pinasya na niyang matulog at magpahinga.

Kinuha niya ang kanyang cellphone at tinawagan si Edwin. Mga labing limang minuto rin silang nag-usap bago magpasyang magpahinga. Pagkababa niya ng cellphone, tumunog ang isa pa niyang cellphone na ginamit niya sa pang-gogood time kay Edwin. Kinuha niya ito upang basahin kung sino ang nagtext.

Nagulat siya na numero ni Edwin ang nagtext.

“Gising ka pa? Still there?”

Tumugon si Trisha. “Oo. Why?”

Nagreply si Edwin. “Pwede ka ba ngayon? Sabi mi willing ka… let’s meet.”

Hindi makapaniwala si Trisha sa kanyang nabasa. Anong balak gawin ni Edwin? Mukhang masisira na ang reputasyon nitong “loyal” at “faithful” na naging imahe nito sa loob ng pitong taon.

“Akala ko ba may partner ka na?” Tanong ni Trisha.

“Oo. Pero gusto kong makipaglaro. Medyo nakakasawa na rin kasi,” tugon ni Edwin.

Uminit ang ulo ni Trisha. Mukhang tama lamang ang kanyang ginagawa. Masusubukan ang katapatan ni Edwin sa kanyang ginagawa.

“Ilang taon na ba kayo ng gf mo? Sigurado kang okay lang? Bakit hindi na lang sa kanya?”

“Medyo hindi niya kasi naibibigay ang mga gusto ko. Kaya gusto kong masubukan ang iba.”

Tumagal ng maraming buwan ang ginagawang iyon ni Trisha kay Edwin. Tinitiyak niya na hindi siya mahuhuli bilang “Alexa”. Sa pamamagitan ng kanyang ginagawang “pakikipagtextmate” sa mismong boyfriend gamit ang ibang personalidad, natuklasan niya ang mga katangian at ginagawa nito na hindi niya nakita sa loob ng pitong taong pagsasama.

Natuklasan niyang bukod sa kanya, may dalawa pa itong girlfriend. Nais nitong maging girlfriend si Alexa. Dahil dito, bumuo ng isang pagpapasya si Trisha. Hihiwalayan na niya si Edwin! Nagkamali siya sa lalaking ito, at ipinagpapasalamat na hindi pa sila nagpapakasal.

Nagkita sina Trisha at Edwin sa isang restaurant na madalas nilang pagkainan. Sinabi ni Trisha na nais niya muna ng cool off, hangga’t hindi pa malinaw kay Edwin ang plano nito sa kanya.

Pagkaalis na pagkaalis ni Trisha, nagtext si Edwin sa number niya kung saan gamit niya ang personalidad ni “Alexa”.

“Meet na tayo. I’m free… “

Sumagot si Trisha. “Okay… Will be there”.

At sa pagkagulat ni Edwin, si Trisha ang tumambad sa kanyang harapan, sa. napag-usapang lugar ng pagkikitaan nila ni “Alexa”.

“T-Trish… a-anong ginagawa mo rito?”

Inilahad ni Trisha ang kanyang kanang kamay. “I’m not Trisha. I’m Alexa…” sabay bigay ng mag-asawang sampal sa mukha ng lalaki.

Napamaang si Edwin. Tumulo ang mga butil-butil na pawis sa kanyang noo.

At inamin ni Trisha ang lahat sa hindi makapaniwalang si Edwin. Humingi ng dispensa si Edwin subalit buo na ang pasya ni Trisha na wakasan na ang pitong taong panloloko ni Edwin sa kanya. Totoo pala ang konsepto ng “too good to be true.” Naisip ni Trisha na hindi dapat ibigay ang lahat-lahat sa isang relasyon, huwag makampante, at alamin ang lahat sa taong pakakasalan bago mahuli ang lahat.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement