“Nay, nandito na ako…”
Napatingin sa pinto si Aling Sedes, ang ina ni May, habang kumakain ng tanghalian.
“Oh, anak… nariyan ka na pala. Kumain ka na ba?”
“Hindi pa nga po eh. Anong ulam?” Tanong ni May sa kanyang ina. Inilapag niya ang kanyang bag sa sofa at sinulyapan ang hapag-kainan.
Sa ibabaw ng mesa, umuusok pa ang mainit na kanin. Sa isang maliit na mangkok, nakalagay ang isang bopis.
“Ang sarap talaga ng bopis ni Ludy. Tikman mo, dali!”
Si Doris, na nagtitinda ng mga lutong-ulam malapit sa kanilang kanto ang tinutukoy ng kanyang ina. Bopis ang “best-seller” niya sa kanyang mga paninda.
Nang dumating ito sa kanilang barangay, agad itong nagtayo ng kainan. Marami agad ang naging suki nito dahil masarap naman talaga ang kanyang mga niluluto; bukod sa bopis ay mabenta rin ang kanyang dinuguan, kare-kare, nilaga, sinigang, at marami pang iba.
Ang kapansin-pansin din, halos puro lalaki ang mga suki ni Doris. Karaniwan sa kanila ay mga tricycle driver o mga pumapasok sa trabaho na laging dumaraan sa kanyang karinderya.
Hindi naman kagandahan ang apatnapung taong gulang na si Doris. Sadyang mapanghalina lamang ang mga pagkain nito na hinahanap-hanap ng panlasa ng kalalakihan. Dahil diyan, marami sa kanilang mga kapitbahay ang naiinis kay Doris, lalo na ang mga misis. Mas gusto pa kasing ulamin ng kanilang mga mister ang bopis ni Doris kaysa sa kanilang mga nilulutong ulam sa bahay.
Tulad na lamang ni Leila, na misis ni Chris. Halos araw-araw na kasing kumakain si Chris sa karinderya ni Doris. Naging dahilan ito ng kanilang pag-aaway. Hanggang sa isang araw, bigla na lamang nawala si Chris. Iniisip ng kanilang mga kapitbahay, na iniwan na nito ang mapaghinala, butangera, at selosang asawa. Araw-araw ding sinusugod ni Leila si Doris upang pagsabihan ito, subalit nananatiling kalmado lamang ang babae.
Isa pang “nasira ang pamilya” dahil sa bopis ay ang mag-anak na Lastimosa. Lubhang nagselos ang ilaw ng tahanan na si Magda dahil mas “masarap” daw ang putahe ni Doris kaysa kanya. Nagpanting ang tenga ni Magda. Akala niya, may nangyari sa babaeng ito at sa kanyang asawa, kaya sinugod at muntik nang sabunutan ang tindera. Mabuti na lamang at naawat ito ng iba pang mga suking kumakain doon. Ang tinutukoy daw ni Paeng na masarap ay ang kanyang mga paninda, hindi mismo si Doris.
Matapos ang ilang araw, bigla na lamang naglaho si Paeng. Halos mabaliw-baliw sa galit si Magda. Sinisi niya si Doris sa mga nangyari. Inakala ng lahat na naglayas si Paeng, at iniwan ang matabil at malisyosang asawa.
Simula noon, lahat ng mga asawang lalaki ng mga asawang babae na nanunugod kay Doris ay bigla na lamang nawawala. At gaya nina Chris at Paeng, iniisip ng lahat na naglalayas lamang ang mga ito upang hiwalayan nang tuluyan ang kanilang mga palaaway na asawa.
Kahit ang nanay ni May ay madalas na ring napapabili ng ulam kay Doris. Hindi na nga ito nagluluto. Mas tipid daw. Ipinagpapasalamat ni May na matagal na talagang hiwalay ang kanyang mga magulang dahil baka mangyari rin sa kanila ang nangyari sa iba pang pamilyang naging “avid fan” ng bopis ni Doris.
Isang umaga, tumambad sa telebisyon, radyo, pahayagan, at social media ang balita tungkol sa kaso ng pagkawala ng mga mister na nawawala, matapos makipaghiwalay o makipag-away sa misis. Nagdulot ito ng pangamba sa publiko dahil hindi na nakikita pa ang mga mister na ito. Isang misteryo ang nagaganap.
Hanggang sa isang araw, nabalitaan na lamang nila na nag-aaway sina Magda at Doris. Ayon kay Magda, sinubukan niyang manmanan si Doris, isang gabi. Iniisip niya kasing baka palihim na nagsasama na sina Doris at si Paeng. At nakita niyang itinapon nito sa kalapit na basurahan ang paboritong sumbrero ng kanyang asawa!
Katwiran ni Doris, naiwan lamang daw ito ni Paeng sa kanyang karinderya nang kumain ito. Hindi naniwala si Magda.
Isang umagang wala ang babae sa kanyang bahay, nilusob ni Magda ang loob ng bahay nito. Baka nagtatago lamang ang kanyang asawa sa loob ng bahay. Wala na siyang pakialam kung kasuhan siya nito ng trespassing. At isang lihim ang tumambad sa kanyang harapan…
Sa kahahanap ni Magda ng mga ebidensya na magpapatunay na nagsasama na ang kanyang asawa at si Doris, nasumpungan niya ang mga putol-putol na katawan ng tao, na nakasilid sa isang malaking freezer, at dram. Halos lahat ay katawan ng lalaki. At nagitla si Magda nang makita ang isang pamilyar na braso, na may tattoo, na nakasilid sa loob ng freezer. Iyon ang braso ni Paeng!
Napag-alaman ng lahat na isa pa lang talamak na kriminal si Doris na kumikitil ng mga lalaking nangangaliwa sa kanilang mga asawa. Ang katawan ng mga ito, ay ginagamit niya sa kanyang pagluluto ng mga ulam. Bukod kay Paeng, natagpuan din sa kanyang malaking freezer ang katawan ni Chris, at ng iba pang mga mister na napabalitaang nawawala.
Hindi naman makapaniwala si May, pati na ang lahat ng mga taong nakakain sa luto ni Doris. Halos isuka nila ang buong lamanloob nila sa pandidiri dahil nakakain sila ng laman ng tao ng hindi namamalayan. Napagtanto nilang mas mainam pa rin ang magluto na lamang ng sariling pagkain sa bahay kaysa kumain ng luto ng iba na hindi nasisigurado kung malinis ba o kung saan gawa.
Napag-alaman din na may matinding sakit pala sa pag-iisip si Doris, dahil sa paulit-ulit na panloloko ng kanyang asawa noon. Ngayon ay nasa isang mental institution ito nakapiit at doon nagpapagaling bago ilipat ng tuluyan sa bilangguan.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.