Tagaktak ang pawis ni Aling Nimfa, masakit na ang lalamunan niya kasisigaw sa palengke ay hindi pa rin nauubos ang paninda niyang tinapa. Nang sulyapan niya ang oras sa malaking tindahang may relo ay alas siyete na ng gabi.
Wala naman siyang pwesto roon, hindi niya kayang magbayad kasi mahal. Nakiupo lang siya sa gilid at naglapag ng kanyang bilao. Sa umaga ay naglalako siya ng tinapa, daing at ng ginawa niyang atsara. Para maubos ang mga iyon ay pumupwesto na siya sa palengke kung hapon.
Mayroon siyang tatlong anak na lahat ay nag aaral. Second year high school ang panganay at grade 5 naman ang bunso. Diyos ko, ang asawa niyang jeepney driver ay iba na pala ang dina-drive limang taon na ang nakalipas- hiwalay na sila. Mag isa nalang siya tuloy na bumubuhay sa mga anak, mahirap pero kinakaya naman.
“Nimfa, mukhang mahina ang benta ngayon ah,” sabi ni Solly, ang katabi niyang nagtitinda ng kalamay. Palibhasa ay nasa abroad ang asawa nito kaya nakakaangat-angat sa buhay, nakakuha ito ng magandang pwesto sa palengke. Kutsinta, puto, lasagna at biko ang tinda nito.
“Oo nga eh, hindi bale na itong atsara dahil hindi naman napapanis. Sana lang ay maubos ko na itong tinapa, gawa ng dadagain ito sa amin eh.” pagod na sabi niya.
Tatlumpung minuto pa siyang naghintay, sa wakas ay nakaubos rin.
“Nimfa, sakay na! Siyete pesos ay nagtitipid ka,” kantsaw ng tricycle driver.
“Hindi na! Exercise ko ito eh!” sabi niya, hirap na hirap sa bitbit na bilao at timba habang naglalakad.
Nang marating niya ang barung-barong nila ay hapung-hapo na siya.
“Len, kuya mo?” tanong niya sa bunsong anak, katabi nito ang isa pang kapatid pero wala na naman ang panganay niyang si Onad.
“Wala pa ho Nay, maagang umalis. Bumalik lang ho ng tanghalian tapos umalis ulit.” sabi ng bata, abalang nagdo-drawing sa notebook.
Nang bungkalin niya ang kaldero ay wala pang saing. Nakaramdam tuloy ng inis si Aling Nimfa.
Maya-maya pa ay humahangos na dumating ang kanyang panganay, tagaktak ang pawis nito.
“N-Nay.”
“O ano? Naunahan na naman kita ng uwi. Ewan ko ba sa iyo Onad, alam mo namang pagod ako sa paghahanapbuhay ay alis ka pa nang alis. Ikaw nalang ang maaasahan ko rito sa mga kapatid mo.” sabi niya rito.
Hindi umimik ang binatilyo at nagsimula nang magsaing, pero sadyang mainit na ang ulo ni Aling Nimfa. Nabu-bwisit kasi siya na naiisip pa ng anak niya ang pagbubulakbol gayong kay hirap na nga ng buhay nila. Naku, baka nagko-computer lang ito gaya ng ibang kabataan.
“Bwisit, Sabado naman ngayon. Mano bang manatili ka sa bahay? Aba, tuwing may pasok sasabihin mo dumiretso ka sa ka-eskwela mo. Kapag naman ganitong walang pasok, aalis ka pa rin? Ginagabi pa!” tuloy tuloy na pagbubunganga niya.
Lalong nagdilim ang kanyang paningin nang makitang nasa loob ng linoleum nilang sira ang pudpod na tsinelas ni Onad.
“Tingnan mo, ang pangit na nga ng bahay natin ay binababoy mo pa! Ilabas mo nga itong tsinelas mo!” kinuha niya ang pares at iniabot rito.
Nang makalapit siya ay napansin niya ang tig si-sikwenta pesos na nakaipit sa notebook na sinusulatan ni Lenlen. Medyo nagtaka ang ale, kasi naman ay bente pesos lang ang baon ng mga ito araw araw dahil umuuwi naman sa kanila para kumain.
“Saan galing iyang pera mo?”
“Bigay ho ni Kuya Onad sa amin Nay, hati raw po kami ni JP. Baon ho namin.” sagot ng bata.
Makahulugang tinitigan niya ang panganay, nagulat ang binatilyo nang biglang niyang ihampas ang tsinelas rito.
“Nay! B-Bakit ho?!” ilag nito.
“Ikaw na tarantado ka! Nagnanakaw ka ano?! Ano?! Saan mo kinuha ang perang yan? Kaya siguro pudpod ang tsinelas mo dahil kumakaripas ka ng takbo! Iginagapang ko kayo sa hirap, dignidad nalang ang maibibigay ko sa inyo! Wag mong sirain! Wala akong anak na kawatan!” gigil na gigil na sabi niya, walang tigil sa paghampas rito.
Nang matigil siya ay lumuluhang tinitigan siya ni Onad, puno ng hinanakit ang mata nito. Maging si Aling Nimfa ay natigilan, sumobra yata siya.
Walang imik na naglakad palabas ang binatilyo, masama ang loob sa ina.
Kinabukasan ay medyo malungkot ang ale sa palengke, iniisip niya pa rin ang nangyari kagabi. Kanina kasing umaga ay sinubukan niyang kausapin si Onad pero wala na agad ang anak. Umalis na naman.
“Mare, bakit para ka namang nalugi niya? Panget ba ang buena mano?” tanong ni Aling Solly.
“Wala Sol. Medyo problemado lang sa bahay. Iyong panganay ko kasi eh,”
“Ah, si Onad? Bakit? Mukha namang mabait ang batang iyon,” sabi nito.
Napakunot ang noo ni Aling Nimfa, paano nito nakilala ang anak niya? Ni minsan naman ay hindi niya binibitbit ang mga supling sa palengke.
“Paano mo nalaman mars?” tanong niya.
“Aba, eh tindero ko kaya iyon! Ako nga ang naiinggit sa iyo kasi ang mga anak ko ay puro computer. Ang anak mo, naku mare, alam ang hirap mo kaya gustong makatulong. Ay ito pala.” sabi nito, dumampot ng isang slice ng biko.
Natutulalang kinuha iyon ni Aling Nimfa.
“Tinanong ko kasi siya kung ano ang gusto niya sakaling maganda ang kita niya matapos ang isang buwan, bukod sa dagdag sweldo. Ang hiling niya ay mabigyan kita ng kalamay kahit isang slice araw araw para raw may meryenda ka.
Grabe ang kayod niya, talagang inilalako ang mga kalamay. Nakaisang buwan na nga siya kahapon mare.” sabi nito.
Hindi na nagsalita pa si Aling Nimfa, dali-daling iniligpit ang paninda at ipinaiwan rito sandali.
“Makikitingnan mo lang ha, kailangan kong umuwi,” nangingilid ang luhang sabi niya.
Lakad takbo ang ginawa niya para makarating agad sa kanila. Nasa tapat na siya ng bahay nang matigilan dahil nakita niya si Onad na naglalagay ng mga kalamay sa isang bilao.
“N-Nay.” gulat na sabi nito.
Natakpan niya ang bibig, “Nak, ano ba iyang ginagawa mo?” nanginginig ang boses na tanong niya.
Tumungo si Onad, “Gusto ko lang naman hong makatulong, hindi ho ako kawatan Nanay. Hindi ko iyon gagawin-”
Hindi niya na pinatapos magsalita ang anak dahil niyakap niya na ito.
“Alam ko. Alam ng nanay anak.. patawarin mo sana ako.” paulit-ulit na sabi niya.
Di niya namalayang umiiyak na rin ang binatilyo. Diyos ko, pinagbintangan niya pang magnanakaw ang sariling anak ay kumakayod naman pala ito para sa kanya! Kaya pala hindi nagagastos ang baong ibinibigay niya sa mga kapatid nito.
Dahil sa pagsisikap ay nakaahon rin ang pamilya. Nakapagtapos ng kolehiyo si Onad at siya na ngayon ang nagpapaaral sa dalawa niyang kapatid. Ipinapagawa niya na rin ang kanilang barung-barong at ngayon ay bato na.
Laking pasasalamat ni Aling Nimfa dahil di man siya sinuwerte sa asawa, binigyan naman siya ng Diyos ng mapagmahal at madiskarteng anak. At iyon lang, sapat na.
Images courtesy of www.google.com