Sorry Kung Babaero Ako
Dahan-dahang idinilat ni Bert ang kanyang mga mata, nakasisilaw na ang araw. Palibhasa ay alas nuwebe na ng umaga. Nang sulyapan niya ang kalendaryo ay napangiti ang lalaki, paano naman kasi, anibersaryo nila ng asawa niyang si Linda.
Kinuha niya ang bulaklak ng gumamela na nakapatong sa gilid ng mesa at tumayo. Tiyak niyang matutuwa ang babae, hilig kasi nito ang gumamela. Simple lang ang misis niya, ayaw sa mga mamahaling bulaklak o chocolate. Kaya nga siguro mas minahal niya ito.
Sa kabila kasi ng lahat ng kalokohan niya, tinanggap pa rin siya ni Linda. Bakit kamo? Aba, simpatiko kasi siya. Maraming babaeng nagkakagusto, maraming tukso. Na hindi niya naman nagawang tanggihan, kapag wala ang misis ay gumagawa siya ng kalokohan.
Kahit nga kumare nito ay hindi niya pinaligtas, nahuli lang siya ni Linda dahil minsang galing ito sa palengke ay napansin ang sampay ng kumare nitong si Violeta, mga damit at short niya. Nang komprontahin siya ng misis ay di na nakatanggi pa si Bert.
Akala niya nga, iiwan na siya ni Linda eh. Pero hindi, nagpakatatag ito sa tabi niya at nanatili hanggang siya na mismo ang matauhan at magbago.
Nakatingkayad pa siyang naglakad tapos ay sumilip sa salas, kasunod noon ay masuyo siyang napangiti dahil naroon nga ang misis niya, nakatanaw sa bintana at nakangiti.
“Goodmorning misis ko,” malambing niyang bati rito.
Sinulyapan siya ng babae, ah..ang ganda pa rin talaga ni Linda kahit na apat na ang anak nila. Hindi siya makapaniwalang naisip niyang palitan ito noon.
“Magandang umaga.” bati rin nito.
“May nakakalimutan ka! Happy anniversary!” masayang bati niya.
Umiling si Linda, “Makakalimutan ko ba naman? Happy anniversary! Naku, alas nuwebe na. Tanghali ka na namang nagising,” tila sermon nito pero nakangiti naman.
Napakamot sa ulo niya si Bert, “Sige, ganito. Para makabawi ako, ako ang magluluto ng almusal ha?” masiglang sabi niya.
Na-excite naman na sumang ayon ang babae. Naglakad na ang mister patungo sa kusina, masakit ang mga kalamnan niya. Dahil siguro sa trabaho, isa kasi siyang karpintero kaya normal na ito.
Masaya siyang naggayat ng sibuyas at maraming bawang. Ito ang gusto ng misis niya sa sinangag eh, maraming maraming bawang. Umalingasaw ang bango noon sa buong bahay, habang hinihintay na mamula ang sibuyas ay nagtimpla na rin ng kape si Bert. Para sasalinan na lamang ng mainit na tubig mamaya.
Sumisipol pa siya, “Ikaw ang ligaya ko, o Linda ko, panaligan mo..” himig niya. Nang tumingin siya sa misis ay napansin niyang humahagikgik ito kaya kinindatan niya.
“Ayan, kakain na!” sabi niya, “Hep! Wag ka nang tumayo dyan. Alam ko namang paborito mong spot iyang bintana eh, kaya dyan nalang tayo kakain ha?” sabi niya, hirap na hirap na binuhat ang isang tray na naglalaman ng sinangag, pandesal at dalawang tasa ng kape.
Nagsimula na siyang kumain pero medyo nagtaka siya dahil nakatitig lang sa kanya si Linda.
“Alam kong gwapo ako, pero miss, pwede bang pakainin mo muna ang asawa mo bago mo ako pakiligin?” biro niya.
Hinawakan ng babae ang kanyang kamay, “Bert. Narito lang ako lagi sa tabi mo, bawat birthday, Pasko, bagong taon..anniversary..” sabi nito.
Hindi alam ni Bert, pero naluluha siya. “Hindi ka aalis?”
Umiling si Linda, “Kalimutan mo na ang nakaraan. Patawarin mo na ang sarili mo, kasi ako, matagal na kitang napatawad.”
“Ano ba iyan misis ko, kay aga aga ay pinaiiyak mo ako. Ayan tuloy..” sabi niya, hinubad ang salamin dahil nanlalabo na iyon sa kanyang luhang tuloy-tuloy ang daloy.
Kinuha niya ang laylayan ng kanyang Polo Shirt at ipinahid roon ang salamin. Nang muli niya iyong isuot ay nagulat siya nang wala si Linda.
Muling binalot ng pamilyar na pangungulila ang kanyang puso. Bago pa man siya makasalita ay dumating na ang kanyang bunsong anak na si Irene, may bitbit itong mga plastic bag.
“Tay?” nanlalaki ang matang sabi nito, “Nagluto ho kayo? Diyos ko po, Benjo!” sigaw nito sa labas.
Ilang sandali naman ay lumapit ang sa tingin niya’y bente anyos na binata, “Nay, may binili lang ho ako. Ang tagal kasing magsukli ni Ate Risa, napatambay na rin ako kina George.” kakamut- kamot sa ulong sabi nito.
“Sinabi ko sa iyong wag mong iiwang ang lolo mo! Ayan at nagluto nang mag-isa! Alam mo namang mamamalengke ako, paano pala kung napahamak siya sa kalan, o sa paghawak ng kutsilyo ha? 80 na ang lolo mo Benjo, ang pakiusap ko lang naman ay bantayan mo siya saglit!”
Lolo? Litong napalingon sa paligid si Bert, ang baston niya.. ang gumamelang bulok na at tangkay na lamang. Sa totoo lang ay hindi makikilalang bulaklak iyon dahil parang dumi lamang na bitbit niya kahit na saan. Ang luma nilang bahay.
“S-Si Linda?” wala sa sariling tanong niya sa anak.
“Ho?” nabigla namang sabi nito, may awa sa mga mata.
“Si Linda kako, ang nanay mo? Nasaan ang nanay mo ‘Nak? Kausap ko siya kanina dahil.. anibersaryo namin ngayon eh,” umiiyak nang sabi niya.
Wasak ang kanyang puso, nagdurugo. Nag uumapaw ang labis na sakit at pagsisisi.
Nahaplos ng ginang ang mukha ng kanyang ama, “Tay, wala na si Nanay.. 45 years na po.” malungkot na sabi nito.
Doon sumampal kay Bert ang katotohanan, na maraming taon na pala ang nakalipas. Gumising siya isang umaga, puno ng pagsisisi at nais niya na sanang humingi ng tawad kay Linda. Iyong totoo na, nais niyang magsimula sila ulit. Pero sinalubong siya ng masamang balita na nabangga raw ito.
Hindi na umabot sa ospital ang misis niya, ni hindi siya nakahingi ng tawad sa lahat ng kagaguhan niya. Ni hindi niya nasabi kung gaano niya ito kamahal, at kung gaano niya ka-gustong bumawi. Ni hindi man lang ito nakaramdam ng saya sa piling niya dahil puro sakit ang idinulot niya sa babae.
Araw araw niya iyong pinagsisihan, hanggang ngayong matanda na siya at nag uulyanin na ay si Linda pa rin ang naiisip niya. Ang maganda nitong mukha, at ang mabuti nitong puso.
“Linda, patawarin mo ako..mahal na mahal kita..” hagulgol niya.
Yakap siya ni Irene at ni Benjo, umiiyak rin ang mga ito.
Nagulat pa sila dahil nakaramdam sila ng ihip ng hangin, at ewan ba ni Lolo Bert pero tila narinig niya ang boses ng misis at nag-echo ang sinabi nito kanina lang.
Kalimutan mo na ang nakaraan. Patawarin mo na ang sarili mo, kasi ako, matagal na kitang napatawad.
Magsisi man ang matanda ay huli na, hindi na maibabalik pa ang babaeng minamahal niya.
Isa itong aral sa ating lahat, na maiksi lang ang buhay sa mundo. Hindi natin alam kung kailan tayo kukunin kaya siguruhin natin na makabuluhan ang ating ginagawa habang may oras pa. Matalinong gamitin ang pagkakataong mabuhay, magmahal..magpakasaya. At higit sa lahat, matutong makuntento at huwag saktan ang mga taong nagmamahal sa atin.
Images courtesy of www.google.com