Tinakpan ni Lolet ang pritong galunggong sa mesa, katabi noon ang isang pinggang kanin. Nag-uling lang siya sa tapat ng bahay nila at doon nagsaing. Mahirap rito sa lugar nila eh. Malingat ka lang sandali, pati sinaing mo nanakawin. Hindi mo pwedeng bawiin- kasi kailangan ay tubusin mo.
Ganoon kahirap ang buhay rito.
“Jen! Kumain kana mamaya ha, tinakpan ko lang rito. Baka madali pa ng pusa ito,” sigaw niya sa anak na nasa kwarto.
“Oho Nay, ingat ho sa trabaho!” sabi rin ng bata, nagsisigawan sila kahit na kurtina lang ang harang ng kwarto sa salas.
Napangiti naman si Lolet, sumilip siya roon at hinalikan sa noo ang labinlimang taong gulang na anak. Abala itong nagre-review.
“I-lock mo ang pinto ha? Mahal ka ni Nanay nak,” sabi niya.
“Mahal ko rin ho kayo,” sagot naman nito.
Hay, nakakatuwa ang anak niya. Pala-aral. Sana, wag itong maging katulad niya pagtanda. Sana, iba naman ang maging kapalaran nito.
Pagpatak ng dilim ay naglalakad na si Lolet palabas ng eskinita. Hinintay niya sa dulo si Abong, ang kasama niya sa ‘trabaho’.
“Ano? Saan tayo ngayon?” tanong niya sa lalaki.
Aligaga ito at namumula ang mata, halatang katitira lang. Sige-sige ang lingon nito sa paligid at kagat nang kagat sa labi.
“T*ngina naman ‘Bong, humithit ka na naman. Paano tayo nyan makakadiskarte?” sabi niya.
“Hindi ah.” simpleng sagot nito, tabingi pa ang bibig.
Natawa si Lolet, “Abong tingnan mo nga iyang mukha mo sa salamin. Mulagat ka eh, ako pa ba ang lolokohin mo. Ano na, saan na?”
“Wala tayong kasama eh. Tsaka mainit ngayon, may parak dyan sa kanto.” sabi nito.
Lagot, paano na sila ngayon? May project pa man din ang anak niya na kailangang i-submit sa isang Linggo. Ayaw niyang maapektuhan si Jen, ayaw niyang matigil ito sa pag-aaral.
Lahat gagawin niya para maiahon lang sa kumunoy na kinalalagyan nila ang kanyang anak. Kahit pa kapalit noon ay kumapit siya sa patalim. Oo, isa siyang snatcher.
Dati siyang babaeng aliw, doon niya nga nakilala ang ama ni Jen na tinakbuhan rin naman siya nang mabuntis siya. Nang manganak siya ay humina na ang kita, ayaw na kasi ng mga big time na customer sa kanya. Putchu putchu nalang ang kumakagat, malakas na iyong 120 isang gabi.
Hindi mabubuhay si Jen doon kaya ibang ‘patalim’ naman ang kinapitan niya, nakilala niya si Abong na punong snatcher sa lugar. Sumasama na siya sa lakad nito tuwing gabi pero eto na nga, wala raw ngayon dahil nakabantay ang mga alagad ng batas.
“Wag kang mag-alala Let, may backer flan ako bukas.” sabi ng bangag na lalaki.
“G*go, back up plan iyon. Ano?”
“Malakasan ito. Sureball na kita, sasakay na tayo sa jeep,” excited na sabi nito.
“M-Manghoholdap tayo?” gulat na tanong niya.
Tumangu-tango lang naman ang lalaki, may kinuha pa sa bulsa at iniabot sa kanya. Nang matitigan ni Lolet ay bonete pala, kulay itim.
“Kinang ina ka Abong, ekis ako dyan. Delikado.” sabi niya, iyon ngang tumatakbo sila habang nagnanakaw ay pinipilit niya na lang sikmurain. Iyon pa kayang harap harapan nilang tututukan ng patalim ang tao?
“Bahala ka, basta bukas aalis kami. Alas otso.” sabi nito at umalis na.
Naiwang tulala si Lolet. Ayaw niya talaga. Pero bigla niyang naalala ang anak, si Jen. Ang pag aaral ng kanyang mahal na prinsesa.. ang kinabukasan nito.
“Bong! Sabit ako bukas!” sigaw niya sa lalaking medyo malayo na. Nag-thumbs up naman ito bilang sagot.
Pagsapit ng umaga ay maagang nagising si Lolet, medyo kinakabahan siya. Nagtungo siya sa meeting place nila ni Abong at medyo nagulat pa kasi tatlo lang silang lalakad.
“Doon tayo sa walang masyadong tao. Piliin nyo ang tatabihan nyo ha? Ikaw, babae ka, sa matandang babae ka rin tatabi.” turo ni Abong sa kanya, tumango naman si Lolet.
Naghintay sila sa isang gilid, medyo walang taong lugar. Nang mamataan nila ang isang jeep ay agad-agad na sumakay si Abong at nagsaklob ng bonete, gayon rin ang ginawa nila ng isa pa nilang kasama.
“Holdap to!” sigaw ni Abong, tinutukan ng baril ang driver, “Subukan mong huminto o humingi ng tulong, tatagas ang leeg mo!” gigil na sabi nito, nakatusok ang patalim sa matandang driver.
Si Lolet naman ay abalang hinablot ang bag ng matandang katabi niya, di siya tumitingin sa mga tao dahil baka makunsensya siya. Bibilisan nalang niya ang pagkuha para makaalis na rin agad.
Abala siya sa pangongolekta ng mga gamit nang mapalingon sa isang pamilyar na boses.
“W-Wag ho..” palahaw ng dalaga.
Dahan-dahan niyang ibinaling ang paningin sa babaeng hawak sa leeg ng kasama nilang kawatan. Nanginginig ito sa takot at hindi makagalaw dahil nakatutok ang isang ice pick sa tagiliran nito.
Si Jen.
“Pare, ang gandang bata nito. Papasok ka ba sa school ha neng?” tatawa-tawang sabi ng magnanakaw, sinamyo samyo pa ang leeg ng anak niya.
Nagulat ang lalaki nang bigla niya itong tabihan, kinagat niya ang braso nito at nakipag agawan rito ng ice pick.
Nataranta si Abong at nawala sa pagko-concentrate dahil inaawat sila nito, nagawa tuloy agawin ng isang pasahero ang hawak nitong patalim. Kinuyog ito ng mga tao habang si Lolet ay tuloy pa rin sa pakikipagbuno.
“Hayop ka! Hayop ka! Ang usapan ay magnanakaw lang!” sigaw niya, pero natigilan siya nang maramdaman ang matulis na bagay na tumusok sa kanyang tagiliran, nang makita niya iyon ay namanhid siya dahil may dugo!
Diyos ko!
Hindi na namalayan ni Lolet ang pangyayari dahil nagdilim na ang kanyang paningin.
Dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mata, medyo nahihilo pa siya. Nang subukan niyang tumayo ay sumakit ang kanyang tagiliran.
“Nay, bakit?”
Napalingon siya sa nagsalita, naroon ang kanyang anak. Tuloy-tuloy ang daloy ng luha nito.
“N-Nak..” tanging nasabi niya.
“Alam ko naman ho ang maruming trabaho ninyo bago ako ipanganak. Pero ngayon, bakit ho Nay? Akala ko ho ba, nagtatrabaho kayo sa factory na panggabi?” malungkot na tanong nito.
“Jen, wala akong ibang alam gawin eh. I-Ito na ang kinamulatan ko, ito lang ang alam ko.”
“Buti nalang ho Nay, napakiusapan ko iyong mga pasahero na sa dalawa na lamang magsampa ng demanda. Mabait pa nga sila dahil ipinagamot kayo. Nanay, kung gusto naman may paraan eh. Magtulungan tayo..Tulungan mo rin ang sarili mo,”
Tila natauhan si Lolet. Dahil sa maruming hanapbuhay niya ay nalagay pa sa panganib ang sarili niyang anak. Ang inaakala niyang ginagawa niyang pagpoprotekta rito ang siya pa palang naglagay rito malapit sa kapahamakan.
“Oo anak, magbabago na ang nanay.” pangako niya rito, at sa kanyang sarili.
Na siya namang tinupad ni Lolet. Namasukan siya, lahat ng trabaho ay pinatos basta marangal. Tagahugas ng pinggan, labandera, tindera ng mumurahing pizza.
Kalaunan naman ay nakaraos rin, nakapagtapos si Jen at ngayon ay may maganda nang trabaho. Pinatayuan siya nito ng sari sari store at ipinagawa ang kanilang bahay. Laking pasasalamat ni Lolet sa kanyang anak, dahil ito ang naging daan upang magbago siya.
Images courtesy of www.google.com